CHAPTER 7

28 0 0
                                    

CHAPTER 7

AIDAM'S POV

Pinakiramdaman ko ang bawat kilos at maliliit na paghikbing lumalabas sa bibig ni Amorette. Hindi ko na mabilang kung ilang minuto na ba ang lumipas at gaano katagal na siyang nakasandal sa balikat ko. Tulad ng sinabi ko ay nagpanggap akong wala sa tabi niya dahil base sa mga narinig ko mula sa kanya ay iyon ang magpapagaan ng loob niya. Ang magpanggap akong wala sa tabi niya kasabay ng pagpaparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa.

Tahimik lang marahil ako habang nagkwekwento siya kanina pero ang buong atensyon ko ay nakatuon sa kanya. Hindi ko itatangging ramdam ko ang sakit at sama ng loob na nararamdaman niya. Hindi ko inaakalang may ganoong kwento si Amorette. Hindi ko inaakalang dumaan siya sa ganoong klase ng pasakit. Pasakit na hindi alam ng karamihan dahil natatakpan iyon ng magaganda niyang ngiti, pagtawa at masiglang pakikisama sa lahat.

Hindi ko lubos maisip kung paano iyon nagawa ng sariling mga magulang ng tatay niya. Sa bulok na sistemang mayroon ang bansang ito kung saan ang pagpapagamot at kalusugan ng mga tao ay itinuturing na ginto at tanging mayayaman lang ang nakakakuha, paano nila nagawang pumikit, tiisin at hindi tulungan ang sarili nilang anak gayong kayang-kaya nila itong ipagamot? Bakit kailangan pa nilang hintayin ang pagmamakaawa nito?

Awa na ngayon ay ayokong maiparamdam kay Amorette. Dahil may pakiramdam ako na ayaw niya ng ganoon. Hindi ko man siguro pinagdaanan ang ganoon tulad niya at hindi ko man alam ang eksaktong pakiramdam ay wala akong ibang gustong ibigay sa kanya kundi ang pang-unawa ko.

Maingat akong lumingon nang maramdamang ang marahan niyang paglayo sa akin. Minsan niya pang pinunasan ang mga pisngi bago tumatawang sumulyap sa akin. Nagtataka man ay napangiti ako.

"Okay ka na?" tanong ko.

Napapangiti siyang bumuntong-hininga. "Hmm, okay na. Gumaan na yung pakiramdam ko. Thank you ah!"

"Para saan?"

Kinamot niya ang tungki ng ilong. "Sa pakikinig?" parang nagtanong pa siya. "Oo, sa pakikinig hahaha. Haaay, pasensya na narinig mo pa kung gaano ka-toxic ang pamilya ko. Ah! Negative vibes. Tsh!"

"Walang problema sa akin 'yon. Nakinig ako nang kusa kasi kasi gusto kitang mapakinggan." Hindi ko alam kung saan ko nakukuha ang sinasabi ko. "We're friends, right?" Bigla ay tumalim ang tingin niya saka ngumuso. "Hindi ako napipilitan," pangunguna ko. Tumawa siya na sinabayan ko ng matunog na pagngiti.

"Pero alam mo, may isang tao na hanggang ngayon ay hindi kami pinapabayaang magkapatid," mayamaya ay sabi niya. "Si Nathaniel. Siya yung closest cousin ko. Well, actually, sa mga pinsan ko, wala naman talaga ang may masamang ugali. Pero si Nathaniel talaga yung pinakamalapit para sa akin. Kasi sa pamilya namin, ako yung least favorite. Least favorite na apo, least favorite sa mga pamangkin. Pero sa mga pinsan, kahit hindi sabihin ni Nathaniel, alam kong ako ang favorite niya hahahaha! Noong namatay ang parents namin ni Mathan, nakatanggap din siya ng cold treatment mula sa akin and inaamin kong na-guilty at naawa rin ako sa kanya noon dahil wala siyang kasalanan pero nadadamay siya sa galit ko." Mapait siyang ngumiti saka lumingon sa akin.

"Siya rin ba yung kasama mo kanina sa pag-uwi?" wala sa sariling tanong ko at para akong may inaasahang sagot.

Naabutan ko kasi siya kanina na hinatid ng isang sasakyan kung saan bumaba ang isang lalaki. Ayun din ang dahilan kung bakit hindi ako agad lumapit.

"Yeah, siya 'yon," sagot niya. Sa isip ko ay napangiti ako. "And sa tingin ko, siya rin yung nakita mo noon na inakala mong tatay ni Mathan tsk tsk," bigla ay para siyang nanumbat.

Naisuko ko ang mga kamay. "Hindi ko nga inisip 'yan."

"Sus! Hindi ka pa rin aamin? Naku, naku, nakuuu!"

Promised Not to Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon