CHAPTER 10

42 0 0
                                    

TW // Sexual Harassment

CHAPTER 10

AIDAM'S POV

Napalingon ako sa pinto nang may kumatok. Ngumiti ako nang sumilip ang ulo ni Yuki mula dito. Sinenyasan ko siyang pumasok bago ko muling suklayin ang buhok kong medyo basa pa dahil kaliligo ko lang.

Hinila ko ang upuan saka ako humarap kay Yuki na umupo na sa kama. Nakalaylay pa ang mga paa niya at hindi abot ang sahig.

"Bakit ang aga mong gumising?" tanong ko.

"Susunduin mo na sina Ate at Mathan?" tanong niya rin, may supil na ngiti sa mga labi.

"Hmm," pagtango ko. "Kaya ba maaga kang gumising?" muli kong tanong.

Nilabas niya sa bulsa ang isang maliit na laruang robot. "Nakita ko 'to sa labas ng School, Kuya! Doon sa ate na nagbebenta ng mga laruan?" Nanlalaki ang mga matang aniya. "Tapos naalala ko po si Mathan. Ibibigay ko sa kanya mamaya hehehehe. Magugustuhan ba niya 'to?"

Napangiti ako saka kinuha sa kanya iyon. "Oo naman. Madali namang pasayahin si Mathan. Pareho sila ni Ate Roshan mo."

"Yehey! Palagi mo silang susunduin, Kuya ha?" utos niya, hindi 'yon pakiusap. "Kasi gusto ko po na lagi silang nandito. Masaya akong makalaro si Mathan. Tapos mamaya, tuturuan ko ulit siyang magbasa! Ang galing niya nga, Kuya eh...iyong abakada kong libro, kaya niya nang basahin kahit hindi pa perfect," humahanga niyang kwento. Bigla ko namang naisip ang mga senaryo kung saan tinuturuan ni Amorette ang kapatid. Paniguradong siya ang nagturo noon dito.

"Matutuwa si Ate mo niyan, Yuki. Masaya si Mathan dito sa atin dahil sa'yo." Hinaplos ko ang ulo niya saka siya kinurot sa pisngi, nalukot niya ang ilong.

"Ikaw, Kuya, ah? Siguro..." Inilayo niya ang ulo saka ngumiti na parang kinikilig. "May crush ka ba kay Ate Roshan, Kuya Aidam?" biglang tanong niya.

Natigilan ako saka inulit ang tanong niya sa isip ko. Tipid akong ngumiti saka hinawakan ang kamay niya upang makababa ng kama. Sabay kaming pumunta sa kusina upang maipagtimpla ko siya ng gatas. Mukhang nasa labas si Mama.

"Kuya, crush mo si Ate noh? Yieeee!! Sumbong kita kay Mama! Hihi!" pagpapatuloy niya sa panunukso.

"Nasa unang baitang ka pa lang pero alam mo na ang tungkol sa crush, Yuki?" kunyari'y seryoso kong tanong. "Ikaw kaya ang isumbong ko kay Mama?"

Ngumuso naman siya saka ako tiningala pagkatapos umupo sa tapat ng lamesa. "Normal lang daw ang magkaroon ng crush, Kuya! Paghanga lang daw 'yon sabi ni Mama! Si Kuya talaga! Crush mo lang si Ate Roshan eh hihi! Tapos may sarili ka pang tawag sa kanya, ano ulit 'yon?" tumingin siya sa taas saka ngumiwi. Umupo ako sa harap niya at ibinigay sa kanya ang gatas. "Amworette?"

"Amorette," natatawa kong pagtatama.

"Amorette," tumatango niyang pag-uulit saka lumagok ng gatas. "Pero crush mo nga siya, Kuya?" Hindi pa rin siya tapos. May marka pa ng gatas ang labi niya.

Napakamot ako ng ulo saka bumuntong-hininga. "Wala, Yuki. Walang crush si Kuya."

"Weh? Haaay, hindi ako naniniwala!"

"Okay, huwag kang maniwala."

"Si Ate Roshan kaya? May crush po sa'yo?"

Meron nga kaya? Tipid akong napangiti sa sarili. Parang malabo.

"Hayiiiee, si Kuya napapaisip!" Nanunukso ang ngiti ng kapatid ko.

Lumabi ako at ibinigay na lang sa kanya ang tinapay na may palaman. "Huwag mong sasabihin 'yan kapag nandito na sila, Yuki," sabi ko pero tinawanan niya lang ako. "Seryoso si Kuya, Yuki."

Promised Not to Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon