CHAPTER THREE

102 3 0
                                    


"Salamat sa hapunan ha?" ani Daisy at tinapik pa sa balikat si Migz. Tumango lang si Migz. "Akyat na 'ko! Napagod ako, eh!"

Napagod kumain? Sa isip isip ni Miguel.

"Bukas uli!" nakangiting wika nito sa kanya pagkatapos ay umakyat na.

"Sino iyon, bro?" tanong ni Rene na kanina pa siya inaantay na dumating.

"Ah, si Daisy, bagong boarder dito! Do'n siya sa taas," sagot niya.

"Hanep, close kayo agad?"

Ipinaliwanag ni Migz kung paano sila nagkakilala ni Daisy. Tawang tawa naman si Rene habang nagkikwento ang kaibigan.

"In fairness, ang cute niya bro!" nakangiting wika ni Rene.

"Naku! Ayan ka na naman! Mamaya, sasabihin mo na namang type mo! Gumagana na naman yang pagiging chickmatik mo!"

"Hindi ah! Porke ba sinabi kong cute, type ko na agad? Masyadong mahalay ang utak mo, bro!"

"Ah, ako pa ngayon ang may mahalay na utak! Ikaw nga 'tong kapag tumingin sa babae, parang hinuhubaran mo na!"

"Ah, sobra naman 'yan! Sana pala hinayaan ka na lang ni Daisy na tumalon kanina!" Umatras ito nang akmang babatukan ni Migz. "Pero seryoso bro, buti na lang dumating si Daisy, no? Kundi wala na akong kausap na Migz ngayon!"

"Ang drama mo, Rene! Matulog ka na nga!"

Ang totoo ay hindi niya alam kung ikatutuwa niya ba ang pagpigil sa kanya ni Daisy sa balak niyang pagtalon kanina sa rooftop. Dahil hindi iyon natuloy, ang mga sakit at hapdi naman na dulot ni Alona ang magpapatuloy.

Napagod siya sa araw na iyon. Napagod kakaiyak. Napagod kakaisip. Napagod sa bagong padpad sa kanilang tirahan na si Daisy.

Ang Daisy na 'yon, nararamdaman niyang magiging sakit ito sa ulo.

Tulog na si Rene, nakaharap ito sa kanya at tumutulo na ang laway sa sobrang himbing.

Ipinikit niya ang kanyang mata. Malapit nang maghating gabi. Kailangan niyang magising nang maaga bukas. Kailangang bumawi siya sa trabaho dahil dalawang magkasunod na araw na siyang absent.

Malapit na siyang mahimbing nang may kumatok sa pinto.

Kahit tinatamad ay bumangon siya. Napakamot siya sa ulo nang pagbukas niya ng pinto, si Daisy ang bumungad.

"Hello!" bati nito sa kanya.

"Bakit?" naiinis siya dahil naisturbo ang pagtulog niya ngunit hindi niya iyon ipinahalata rito.

"Nagugutom kasi ako," tugon ng dalaga.

Gutom na naman? Sabi ng kanyang isip.

"May pagkain ba kayo riyan? Pwede bang makahingi muna? Bukas pa 'ko mag-go-grocery, eh!"

Napakamot muli sa ulo si Migz. "Pasok ka! Tingnan mo 'yong ref! Kunin mo ang gusto mong kainin!"

Excited na pumasok si Daisy sa kwarto nina Migz at binuksan ang maliit na ref na naroroon. Merong mga frozen meat doon, pati mga prutas. Nanlaki ang mga mata nito nang makakita ng maraming chocolates na naroroon. Ito 'yong dapat ibibigay ni Migz kay Alona.

"Pwede bang akin na lang lahat 'to?" tanong niya kay Migz.

Mas malaki pa ang inilaki ng mata ni Migz kesa rito sa itinanong nito. "Lahat?" bulalas niya.

"Mmm." Tumango si Daisy.

"Buraot 'tong walang hiyang babaeng 'to!" bulong niya sa sarili.

"Ha, ano iyon?" usisa ni Daisy.

"Wala, sabi ko, sige sa 'yo na!" Tumalikod si Migz at malayang pinaikot ang mata sa inis.

Napatili sa sobrang tuwa si Daisy. Nanggigigil nitong kinuha ang isang box ng imported chocolates. "Thank you, kuya!" Isasara na sana nito ang pinto ng ref nang mahagip ng kanyang paningin ang isang piraso ng hamburger na hindi pa nababawasan. Kinuha niya iyon at ipinakita kay Migz. "Akin na lang din 'to, ha?" sabi pa nito. "'Di n' yo naman na yata kakainin, 'di ba?"

Tumango na lang si Migz kahit labag sa loob. Balak niya sana iyong gawing almusal kinabukasan.

Nakahinga siya nang maluwag nang makaalis na sa kanilang kwarto si Daisy. Napapailing na bumalik siya sa paghiga. Naiidlip na sana siya nang may kumatok muli sa pinto.

"Haisst!" Padabog siyang tumayo at binuksan iyon. Si Daisy ulit! "Ano na naman?" naiinis niyang usisa.

"Sorry,last na! Pahingi ng tubig! Wala kasi akong mineral, e. Bawal akong uminom ng tubig galing sa gripo, sumasakit ang tiyan ko. Mahina kasi ang sikmura ko. Mineral lang pwede kong inumin."

"Talaga? Mahina pa niyan sikmura mo?" natatawa at naaasar na tanong ni Migz. Hindi niya na pinapasok pa si Daisy sa kwarto. Kumuha na lamang siya ng isang bottled mineral water at ibinigay iyon kay Daisy.

"Salamat!" nakangiting sabi ni Daisy.

Paakyat na ito nang lingunin ang kwarto nina Migz. Naroon parin si Migz at 'di pa pumapasok.

"O, ba't andiyan ka pa?" usisa nito kay Migz.

"Baka kasi pagkahiga ko, kumatok ka na naman. Para 'di ko na kailangang bumangon."

"Wala na! Sige na pasok ka na! Wala na 'kong kailangan." Tapos ay umakyat na ito.

Hindi siya makapaniwala sa babaeng ito. Bupols lang ba talaga ito o wala talagang common sense? Hindi makaunawa ng sarcasm! Nabibweset siya.

Kinabukasan ay parang ayaw pang bumangon ni Migz sa kama. Kasarapan pa lang ng tulog niya nang tumunog ang kanyang alarm. Maaga siyang gumigising 'pag working days. Malala ang trapik sa EDSA, siya ang nag-aadjust.

Ilang oras lang ang naitulog niya. Nahirapan na siyang makabalik sa pagtulog kagabi dahil sa pang-iisturbo ni Daisy.

"Good morning!" si Daisy iyon..

"Hi Daisy! Ako nga pala si Rene!" bati ni Rene na handa na papasok ng trabaho.

"Hi rin sa 'yo!" Nginitian nito si Rene. "Sorry mga kuya, 'di pa ako nakapag-grocery, maaga pa kasi! Pwede bang dito na muna ako mag-almusal?"

"Oo ba! OK lang! Walang kaso. Marami namang pagkain diyan. Feel at home!" Si Rene ang sumagot. "'Di ba Migz?" Pilit na ngiti lang ang itinugon ni Migz.

"Salamat!" Walang patumpik tumpik itong pumasok sa loob ng kwarto nina Migz at naghanap muli ng pagkain sa ref.

"May pizza riyan sa lamesa! Bago pa 'yan. Pina-deliver lang namin kaninang umaga!" ani Rene.

"Wow! Pizza! Perstaym kong makakain nito!" Kumuha ito ng isang slice at umupo. Halos mabulunan ito sa laki ng kanyang bawat subo. "Pahingi ng tubig!" anito habang nauubo-ubo.

"Ang siba kasi, kaya ayan, nabulunan nga! Buti nga!"'sabi sa sarili ni Migz. Si Rene na ang nagbigay ng tubig kay Daisy.

Ilang sandali pa ay halos maubos na ang slices ng pizza sa mesa.

"'Di ka rin gutom ano?" ani Migz.

Dumighay si Daisy. "Medyo lang! Kakain na lang ulit ako mamaya!" nakangiting tugon nito.

Migz can't believe this type of girl really exists!

"Sige na mga, kuya!" Tumayo ito at lumabas ng kanilang kwarto. "Maliligo na rin ako at saka mag-go-grocery na. Nakakahiya naman na sa inyo."

Aba't marunong pala itong mahiya!

Nang makaalis si Daisy ay panay paikot ng mata si Migz. Sobrang naaasar na siya kay Daisy.

"Relax bro! Nakakatuwa nga siya, eh!" ani Rene.

"Nakakatuwa ba iyon? Hay ewan ko sa 'yo Rene!"

Tama nga ang kaniyang hinala, isang malaking sakit ng ulo si Daisy! Kakakilala pa nga lang nila ay ganito na to umasta. Paano pa kung magtagal na?  Napapakamot na lamang siya sa ulo tuwing sumasagi sa isip si Daisy.

Fix Me, I'm BrokenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon