***
Napakalayo ng tingin
Tumatagos na paningin
Di matarok kung isipin
Ang himutok ng damdamin
-
Sa sulok ay nag-iisa
Tila may inaalala
Sa kanyang mga problema
Na gusto niyang mabura
-
Utak n'ya'y parang sasabog
Puso n'ya'y kumakalabog
Sa napakatinding kulog
Na sa loob natutulog
-
Kinikimkim sa sarili
Mga dusang humirati
Sa buti n'ya't pagtitimpi
Kaya siya'y walang imi
-
Kapalaran s'ya'y inimbi
Kala n'ya s'ya'y inaglahi
Ng Diyos na s'yang yumari
Sa atin na kanyang mithi
-
Pakiramdam n'ya s'ya'y malas
Kahit puso n'ya'y matamyas
Swerte talaga'y mataas
Di abot at umiiwas
-
Nagningning ang kanyang mata
Di dahil malungkot siya
Kundi siya'y umaasa
Na lahat ay may pag-asa
***