***
Malamig na hangin ay umaaligid
Kasabay ang mga luha sa paligid
Mga ungol nilang di mapatidpatid
Na sa akin ay may nais ipabatid
-
Dahan-dahang minulat ang mga mata
Imbes na liwanag ang siyang makita
Dugo't pighati sa aki'y bumulaga
Ng mga taong sumisigaw ng awa
-
May mga taong biniting patiwarik
Habang ang latigo ay pinapahalik
Na kada dampi ay sumisigaw-biik
Ang humahampas nama'y lalong nanabik
-
Ako'y dahan-dahang lumingon sa kanan
Una'y napakalabo't di masilayan
Kaya matagal ko itong tinitigan
Ako'y nagulat sa aking natuklasan!
-
'Pagkat 'kala ko ay telang hinihila
Ngunit nang may narinig na ngumangawa
Agad tinuntun kung saan nagmumula...
Ang hinahatak pala'y balat ng bata!
-
Naramdaman ko ang takot, awa't galit
Takot na baka ganun din ang masapit
Awa sa naranasan nilang mapait
Galit sa mga taong nagpapasakit
-
Tama nga ang aking takot at hinala
Bigla na lang akong hinablot sa lupa
At kinaladkad ng mga walang hiya
Sabay itinapon sa silid ng luha
-
Napahandusay ako sa pader nito
Pagbagsak ko'y tumama ang aking ulo
Sa sobrang sakit ay napapikit ako
At nalugmok sa malamig na semento
-
Nang muli kong binuksan ang mga mata
Ako'y nangilabot sa aking nakita
Isang pari na tinanggalan ng mukha
Na naghihingalo't nagmamakaawa
-
Nagulat ako nang winasiwas bigla
Ang pitik ng latigong napakahaba
Na tumama sa aking mukhang maputla
Sa sakit akala ko mukha'y nawala
-
Kasunod ay walang humpay na hagupit
Ng naglalatigong walang kasing lupit
Ako naman ay lumiliyad sa sakit
Walang magawa kundi ay mamilipit
-
Ilang sandali'y huminto sa paghampas
'Kala ko'y naubusan na s'ya ng lakas
At sa parusa ako ay pinalagpas
Ngunit sadya talagang ako ay malas
-
Dahil nang muling pumitik ang latigo
Bumaon sa laman, daig pa ang bolo
Nang kanyang hinatak wakwak ang boto ko
Kasi may baluktot na pako sa dulo
-
Nang mapansing gutaytay na ang katawan
Kinuha niya ang nakausling laman
Hinawakan niya at pinagmamasdan
Ako'y natakot nang bigla n'yang tinikman
-
Ang sahig na malinis ay naging pula
Mga pader na saksi sa pagdurusa
Tilamsik ng dugo'y siyang natamasa
Sa pagharang upang walang makakita
-
Pagtingin sa kisame ako'y nabigla
Ito ba naman ay biglang nagsalita
"Hoy! Bumangon ka na sa pagkakahiga,
Kanina ka pa diyan nakahilata!"
-
Kusang namulat ang aking mga mata
At nasabi kong, "Panaginip lang pala."
Dahan-dahan akong bumangon sa kama
At tumungo sa aking butihing ina
-
Ngunit isang tanong ang nasa isipan,
"Upang hindi na magdusa't mahirapan
Mailulunas mo ba ang kamatayan,
Sa taong ito rin ang kahahantungan?"
***