***Sa manipis na kalagayan ng hangiN
Ang aking tinig ay nahulog sa bangiN
Ang nakaraan ay gusto kong limutiN
Ngunit ang peklat, di magawang burahiN
-
Gusto kong umiyak na gamit ang luhA
Gusto kong isiwalat, "Ako'y mahinA!"
Nang sa ganun saki'y may sumalong awA
Ngunit pilitin ko ma'y, di ko magawA
-
Siguro'y tuyo na ang luha sa batiS
Ng aking katauhang tumatagistiS
Inubos ng pusong nauhaw sa bigkiS...
Kaya galit ang pumintig ng mabiliS
-
Galit sa sariling di makaunawA
Pilitin ko man ay lalong lumalalA
Dinagundong nito ang aking tiwalA
Kaya ang mata'y inilayo sa kapwA
-
Ikinubli ang aking tunay na mukhA
Sa inakala kong mapanghusgang madlA
Ginawang maskara ang manhid na sayA
Sa mga lait na ibinato nilA
-
Gusto kong burahin ang pekeng larawaN
Na bumabalot sa aking katauhaN
Ngunit ako'y sadyang pinangungunahaN
Ng takot na harapin ang kapalaraN
-
Pagkaduwag sa dibdib ko ay bumulwaK
Nanginig na ang galit ko ay mawasaK
Pagkat baka ang malakas kong halakhaK
Ay mapalitan ng dating pusong lataK
-
Hanggang sa ang puso ko'y makahinuhA
Ng maamong imahe ng iyong mukhA
At biglang tumibok ang iyong paghingA
Sa bawat pintig ng aking kaluluwA
-
Ang aking salamin ay biglang nabasaG
Kasabay nito sa sarili'y nahabaG
Pagkat malaya ka, ako nama'y bihaG
Ng galit kong sa katotohana'y bulaG
-
Madampi sana ng iyong pagmamahaL
Ang puso ko ngayong singtigas ng bakaL
Asahan mong sukli'y pag-ibig na bukaL
Iaalay sayo ang buhay at dangaL
-
Palambutin mo ang pusong namanhid nA
Patuluin mo ang luha sa'king matA
Nang sa ganun lumabas akong malayA
Sa aking sariling binihag ng awA
-
Kung ikaw ay walang luhang masasayaD
Mga mata ko'y pigain mo ng sagaD
Ang aking puso'y dukutin mo't ilantaD
At sayong pag-ibig sana ay mabilaD
-
Ang aking galit ay gusto kong mamataY
Pagkat pag-ibig sayo'y isasabuhaY
Kaya hayaan mong puso ko'y ihimlaY
Sa bawat kumpas ng banayad mong kamaY
-
Hayaang mga palad ko ay iyapoS
At ang katauhan ko sayo'y igapoS
Sa pamamagitan ng iyong paghaploS
Pagkauhaw sa luha'y maiaagoS...
***