***
Noong una pa lang kitang makilala
Sa ating paaralang puno ng saya
Na kada pagpasok ko'y punangpuna na
Ang iyong gandang bukod tangi sa iba
-
Matatamis mong ngiti'y nagpapabuhay
Sa kalooban kong nawalan ng saysay
Dagdag pa rito'y titig mong malumanay
Na pag nawalay araw ko'y walang kulay
-
Pinilit kong puso ko ay maging bakal
At ang manhid sa utak ko'y ikinintal
'Pagkat 'tong nararamdaman ko'y sagabal
Sa konsentrasyon ko sa'king pag-aaral
-
Kaya pinagtapat sayo nang maaga
Nang sa ganun puso ko'y di na umasa
Isa pa'y alam kong magiging resulta
Sino nga bang papatol sa ikang paa?
-
'Kala ko ang pag-ibig kong umaalab
Ay titigil na sa kanyang paglagablab
Pag ang pagtanggi mo ay ipasisiklab
Bakit ganun, hindi yata tumatalab?
-
Imbes na ang pag-ibig ko'y magutaytay
Sa halip lalo pa itong nagwagayway
Ang masama habang ito'y nabubuhay
Puso ko nama'y marahang pinapatay
-
Mula noon marami na ngang nagbago
Kabilang na rito ay ang pagyuko ko
Sa tuwing mata ko'y napatuon sayo
Nasisilaw ako sa kagandahan mo.
-
Ang paghangad ko sayo na imposible
Ang sinisi ko sa pagkamiserable
Pagkat nangarap 'to ng isang dyamante
Na katulad mong sa puso ko'y nagbense
-
Ngunit hindi ito na nangangahulugan
Na ang pag-ibig sayo'y pinagsisihan
Bagkus ay tinuturing na kayamanan
At habang buhay ko itong iingatan
-
Pag-ibig ko sayo'y hindi mawawala
Kahit na puso ko'y iyong pinaluha
Hayaan mo sanang ito ay lumaya
Sa pamamagitan ng tulang ginawa.
***