***
Sala sa itim, sala sa puti
Di ko alam kung alin ang mas masaklap
Ang makita kang buhay at nahihirapan
O makita kang tuluyan nang lumisan
-
Ang makita ka sa lupaypay na kalagayan
Na tila leeg mo'y dahan-dahang ginigilitan
Ay walang araw na gugustuhin kong ika'y palitan
At sa krus mong buhat ako na lang sana ang papasan
-
Ang buong akala ko'y wala nang titindi pa
Sa kirot na makita kang tila nauupos na kandila
Nag-aagaw buhay, nagpupumilit huminga
Tumataas baba ang dibdib nakikipaglaro sa tadhana
-
Ngunit ang makita ka mismo sa aking harapan
Na nilalasap ang sakit ng kamatayan
Ramdam ko ang hapdi ng iyong huling paghinga
Tagos puso hanggang kaluluwa
-
At ngayong wala ka na
Tila bahagi ng pagkatao ko ay biglang nawala
Tanging katahimikan na lamang ng mga letra
Ang s'yang nagpupumiglas kumawala
-
Sana'y ganoon rin ang hapdi na nadarama
Manahimik na lamang sana at tuluyang mawala
Subalit natatakot akong pag ang hapdi ay lumaya
Tanging sa alaala na lamang kita makikita
-
Magkagayon pa man alam kong darating ang pagkakataon
Na ang itim at puti ay magtatagpo rin sa paglaon
At umaasa akong sa pangyayaring yaon
Ang pamilya natin ay mabubuo na habang panahon
***