***
Ako'y nabibilang sa may kapansanan
Na kadalasa'y api't niyuyurakan
Ang aming pagkatao at karapatan
Dahil sa panlabas naming kaanyuhan
-
Di ko alam kung bakit ako'y pinunla
Sa mundong kala mo'y perpektong nilikha
Na kung makalait sa puso kong dukha
Tagos hanggang kaluluwa'y mapaluha
-
Mas mabuti pa'y binugbog ang katawan
Dahil maidadaan pa sa gamutan
Ngunit pag ang salita'y pinakawalan
Susugat sa puso't di malilimutan
-
Nilubog ko na nga ang sariling dangal
Sa di masikmura't maputik na kanal
Ngunit di pa kontento't ito'y kinalkal
Pinahalik sa lupa't pinagsasampal
-
Naramdaman ko rin sa sariling ama
Ang napakalupit na pagkukumpara
Sa aki't sa kapatid kong pangalawa
Pinapamukhang ako'y walang kuwenta
-
Kahit na bata pa at musmos na bulol
Mga salita'y malakas nang bumundol
Daig pa ang isang asong kumakahol
At paulit-ulit pa na parang ulol
-
Sa kabila ng kanilang ginagawa
Ganti ko nama'y respeto't pag-unawa
Kahit na ako'y nagmumukhang kawawa
Pinipilit ko ang sarili'y ibaba
-
Minsan nasabi ko sa aking sarili
Binawi na sana buhay na niyari
Pagkat pagpapasakit naman ang silbi
At walang kaligayahan kundi api
-
Ngunit Diyos ako'y nagpapasalamat
Sa binigay mong problemang mabibigat
Dahil dito hindi ako naging salat
Sa iyong pangaral, disiplina't hudyat
***