***
Eba, sayong pagkatao'y wag magduda
Kung sa pagkakalikha man, kami'y una
At ang paglikha sa inyo'y pangalawa
Tanda yan na importante ka talaga
-
Pagkat hinubog ka Niyang mas maganda
Dapat ay may hulmahang hawig sa Kanya
Kaya nga si Adan ang napili Niya
Kasingtigas ng bakal bagay panghulma
-
Eba, kami ay iyong panlabas lamang
Walang kalooban kung ikaw ang kulang
Wari'y larawang tinanggalan ng kulay
Humihinga pa ngunit wala nang buhay
-
Natatandaan mo pa ba ang lumipas
Una kang kumagat sa nasabing prutas
Una ring nauto ng demonyong ahas
Kaya tukso sa palad mo ay binigkas
-
Ngunit ang di alam ng nakararami
Sinadya ang pagtanim sayo ng dumi
Pagkat sa mata ikaw ang natatangi
Ganda mong Maykapal mismo ang pumili
-
Kung itutulad mo sa basong may tubig
Ang Diyos sa ati'y uhaw sa pag-ibig
Si Adan ang basong dumampi sa bibig
Si Eba nama'y uhaw N'ya ang nilupig
-
Kaya marahil sinadya ni satanas
Na di baso kundi tubig ang nilimas
Pagkat epekto nito'y napakarahas
Sa ating Manlilikhang nasa itaas
-
Maging ang basong si Adan ay nawalan
Ng silbi at tunay na kahalagahan
Nang si Ebang tubig ay pinagtangkaan
Ng sarili n'yang tabang sa kalayaan
-
Katulad ng asing nawalan ng alat
Magiging buhangin na lamang sa dagat
Kapag si Eba'y pilit na minumulat
Sa paniniwalang tukso s'ya sa lahat
-
Kaya nga bumaba sa taas ang Diyos
At kay Maria'y nanirahang maayos
Itinuring ng Diyos na ina N'yang lubos
At ang kawagasan kay Eba'y bumuhos
-
Naalala n'yo pa ba kapwa ko Adan?
Nung tayo ay binigyan ng kamalayan
Nag-iisa tayo sa sandaigdigan
Pinapatay ng matinding kalungkutan
-
Nang tadyang ay lumagutok ng marahan
At si Eba nga ang naging kasagutan
Sa matagal na nating pananambitan
Na iligtas tayo sa'ting kalungkutan
-
Imulat sana natin ang ating mata
Na si Eba ay isa lamang biktima
Hindi isang tukso sating pagnanasa
Kundi karugtong ng ating kaluluwa
-
Ang totoo ay tayo ang kahinaan
Si Eba naman ang ating kalakasan
Kung tinaguriang malakas si Adan
Si Eba ang tunay nitong kahulugan
***