Epilogo:

56 5 5
                                    

Pilipinas, Mayo 1910.
Ang kasalukuyang panahon.

Nagsisilipad ang mga kalapati sa paligid ng Iglesia Parroquia de San Juan Bautista, nag-iisa lamang si Madre Elena habang nakatingin pa rin ito sa kisame at pinagmamasdan ang mga larawang nakapinta.

Tumulo ang isang butil ng luha sa kaniyang kaliwang mata pagkatapos maalala ang mga nangyari labing tatlong taon na ang nakararaan, malungkot ito ngunit masaya siya dahil idinala siya nito sa kaniyang kasalukuyang katayuan sa kasalukuyan.

Sandali pa ay may tumawag sa kaniyang pangalan. "Madre Cortez!" Kaagad niyang pinunasan ang luha saka niya nilingon kung sino ang tumawag sa kaniyang pangalan at napagtantong iyon ay si Juan.

"Juan! Kay tagal na panahong hindi tayo nagkita!" Bulalas niya, ngumiti ang binata at saka tumugon. "Mabuti na nga lamang po at nakasulat ako sa inyo ng maaga at tayo ay nakapagkita" Tugon naman nito.

Si Juan ay kaedad na ni Elena at nakapagtapos na ng kaniyang pag-aaral sa Ateneo bilang isang inhinyero sa tulong ni Don Mariano Cortez. Pagkatapos ng nangyari sa binatang si Nicolas at sa kaniyang kapatid ay natuto itong tulungan ang mga kabataang hindi makapag-aral upang ang mga ito ay magkaroon ng disenteng buhay sa kanilang hinaharap.

"Patawad po Madre ngunit ako ay natagalan lamang... siya nga po pala, si Pedro ay nakapagtapos na ng kaniyang pag-aaral sa Sekundarya" Wika nito, saka lumapit kay Elena, kasunod namang pumasok sa simbahan si Pedro na nakauniporme pa ng kaniyang pinapasukan sa Unibersidad ng Santo Tomas.

"Magandang umaga po, Madre Cortez!" Bulalas ni Pedro saka tumakbo palapit sa dalawang nag-uusap. "Pedro, kay laki na ng iyong ipinagbago, noon lamang ay isa kang batang sunod-sunuran sa winiwika ng iyong Kuya Juan" Puri nito, napahagikgik naman ang binata.

"Ang iyong ama po ay binigyan ako ng bakasyon sa aking pag-aaral kaya po nakakasama ako sa nga proyekto ni Kuya Juan bilang kaniyang sekretaryo at tagapangasiwa, kayrami nga pong mga nadagdag na kurso sa panahon ngayon dahil sa mga amerikano. Ngunit mas pipiliin ko pong maging guro upang makapagturo sa ipinatatayong paaralan ng inyong ama sa baryo" Saad pa ni Pedro.

"Nakatutuwa naman! Kapag ang aking termino ay lumuwag-luwag ay magpapaalam ako sa aming Madre Superiora upang makabisita sa ating baryo" Bulalas naman ni Elena.

"Alam niyo po Madre Cortez? Hindi man po ipinakikita ng inyong ama ang kaniyang nararamdaman ay nababatid kong siya ay nag-aalala sa inyo. Na baka raw po nahihirapan kayo" Wika ni Juan habang kasalukuyang naglalakad ngayon palabas ng simbahan at nag-uusap patungkol sa nabanggit niyang paksa.

Napatawa naman si Elena ng marahan, pagkatapos ay tumugon siya. "Paano naman ako mahihirapan? Mahal ko ang ginagawa ko, at maraming mga bata akong inaalagaan sa bahay-ampunan" Tugon nito saka muling ngumiti, marahan pa itong nagwika.

"Ang mga bata ay nawili nang magsimba rito sa Iglesia Parroquia tuwing araw ng linggo, dahil simula noong napamahala na ng mga Amerikano ang ating lugar ay nawala na rin ang mga prayleng Kastilang naniningil ng salapi upang makapasok sa simbahang ito. Ang mga paaralan rin ay nadagdagan na ang kurso, at imbis na Kastila ay wikang Ingles na ang itinuturo. Nagpapatayo na ng mga makabagong paaralan upang makapag-aral ang mga kabataang mahihirap at hindi ang mga mayayaman lamang ang nakakapag-paaral ng kanilang mga anak. May maganda ring naidulot ang pagkakasakop sa atin, ngunit marami rin namang hindi... kaya nais pa rin ng ating bansa na lumaya sa mga manlulupig"

"Siya nga po pala?" Si Pedro naman ang nagwika. "Bakit nga po pala kayo pumasok sa kumbento? Marahil ay ayaw na ayaw niyo pong magmadre noong kayo ay bata pa? Ngunit ngayon ay isa na kayong madre? Paano at bakit po, Madre Cortez?" Wika ni Pedro.

Ngumiti muli si Elena at saka ito tumugon. "Dahil kay Nicolas na mismo" Saad niya dahilan upang mapatigil ang dalawa sa paglalakad. Lumingon ang magkapatid kay Elena. Muling sumaad si Pedro.

"Dahil kay Kuya Nicolas?" Saad nito at tumingin sa kaniyang kapatid. "Matagal nang wala si Nicolas, ngunit marami siyang nabagong mga buhay. Alam kong masaya na siya kung nasaan man siya ngayon" Tugon naman ni Juan.

"Oo, kabilang nga ako sa mga taong nabago ang pananaw sa buhay dahil sa kaniya, at kayo rin. Nagbago ang buhay niyo dahil nagsisi si ama sa mga nagawa niya. At iyon ay dahil kay Nicolas" Tugon naman ni Elena.

Ang mas malalim pang dahilan nito ay malalaman na ng bawat isa sa kanilang mga sarili. At iyon ay ang pagmamahal, nagmadre si Elena dahil sa pagmamahal niya sa binatang si Nicolas, dahil ayaw niyang may ibang pumalit nito sa kaniyang puso. Ayaw niyang mapalitan ang alaala nito kaya pumasok siya sa kumbento at nagmadre.

"Ngayon ay alam na namin..." Saad ni Pedro, sa pamamagitan nito ay iniba na ni Juan ang usapan. "Siya nga pala, may bago akong bangka at nais kong masakyan ito ng mga bata upang sila ay makapagliwaliw man lamang! Maaari po ba nating ipasyal ang mga bata?" Saad ni Juan, napangiti naman nito si Elena.

"Magandang ideya, halina at kunin natin sila! Naroroon lamang sila sa likod at naglalaro, batid kong matutuwa sila!" Bulalas ni Elena saka lumakad na sila palabas ng simbahan.

Sa pagsikat ng araw, at sa paglubog nito, sa pagbabago ng mga buwan. Sa pagsapit ng tag-araw at tag-ulan, ay nanatili sa mga taong kilala si Nicolas ang kanilang alaala ng kapatid nitong si Pepito.

Sa paglipas ng panahon ay marami silang nabagong mga buhay dahil sa nangyari sa kanilang nakaraan. At saksi ang mga taong ito kagaya nila Elena, Juan, at Pedro sa mga pagbabagong naganap.

Sa patuloy na paglipad ng mga kalapati sa paligid ng simbahan patungo sa ere, patuloy ring lumilipad ang mga alala na nananatili sa puso ni Elena. At iyon ay walang iba kung hindi ang mga alaala niya sa kaniyang una at huling pag-ibig. Si Nicolas Carolino.

---Wakas---

🎉 Tapos mo nang basahin ang Nicolas Carolino: The Boy Who Drew My Portrait 🎉
Nicolas Carolino: The Boy Who Drew My Portrait Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon