Kimmy
"Doon ka matulog sa kama, ako na rito—" Agad kong pinutol ang sinasabi niya.
"Hindi na! Ako na r'yan sa maliit. Nakakahiya naman sa ika-pitong ranggo," aniko.
Sandali niya akong pinagkatitigan na talagang ikinailang ko.
"Sigurado ka—"
Bigla akong tumayo at nagpunta sa malaking kama. "Pero hindi ko naman tatanggihan ang kabaitan mo. Ang sabi ng lola ko, h'wag daw tatanggi kapag grasya ang lumapit, kaya sige na!" aniko at nahiga rito.
"Hindi ka ba magpapasalamat?" Dinig kong usal niya.
Tinalukbong ko ang makapal na kumot sa aking katawan at tinalikuran siya. Napakalambot, walang-wala sa kama nina Ate Jai, Manong cloud at ng triplets.
"Hindi, ano ka, sinuswerte? May kasalanan ka pa sa akin, bakit ako magpapasalamat?!"
Sandaling katahimikan ang namutawi sa amin. Nanatiling nakasara ang ilaw at ang tanging liwanag na gamit namin ay mula sa buwan. Nang maingayan ako sa katahimikan ay dahan-dahan akong pumihit pakabila upang makita si Zero.
Nakahiga siya sa malambot at pahabang upuan, ang isang binti ay nakahiga rin habang ang isang binti ay nakaangat ang tuhod. At ang titig niya ay nasa kisame. Ang isang braso naman niya ay nakapatong sa kaniyang noo.
Hindi ko inakala na darating ang araw na ito. Na ang kinamumuhian kong tao ay tutulungan ako at makakasama ko pa sa isang silid. Paano kaya kung hindi siya ang nakabili sa akin? Paano kung ibang lalaki? Malamang ay binababoy na ako ngayon.
Mahigpit akong napakapit sa kumot nang maisip ko ang tagpong iyon. Marapat lang talaga na magpasalamat ako, pero may kasalan pa rin siya sa akin. Buhay ang kinuha kaya buhay ang kapalit.
"Zero..." tawag ko rito. Hindi siya gumalaw. "Gising ka pa?" Nanatili siyang walang kibo ngunit pinagsalop niya ang kaniyang mga kamay at ipinatong sa tiyan niya.
Kitang-kita ko mula sa aking kinahihigaan ang malalim na paghinga ni Zero at ang bahagyang pagtaas-baba ng Adam's apple niya.
"Naisip ko kung wala ka sa lugar na 'yon at wala iyong babae. Baka nasa kamay na ako ng ibang lalaki o pinagpasa-pasahan—" Bumuntong-hininga ako.
Tumihaya ako ng higa at tumitig sa kisame.
"Naisip ko na kanina ang sinabi ng matanda. Bago raw ako ibigay sa makakabili sa akin ay tuturukan nila ng pampa-high si Yuan para—alam mo na. Kasi ang akala nila kasintahan ko si Yuan at para hindi raw masayang—ang matandang 'yon, napakawalang modo at bastos!" paghihimutok ko sa galit.
Sinilip ko siya upang makita ang reaksyon niya pero hindi siya gumagalaw sa pwesto niya. Kaya itinuloy ko ang pagkwento.
"Naisip ko nga na hindi magagawa ni Yuan 'yon pero siguro kung mangyari—"
"Hindi naman nangyari." Mabilis akong napabaling sa kaniya. "Hindi kahit kailan mangyayari," dugtong niya.
"Zero..."
Ayaw ko sanang gawin ito dahil sa sobrang taas ng pride ko. Pero may utang na loob ako sa kaniya kahit papaano kaya pipilitin kong maging mabait.
"Hmm?"
"Nasaan ang mga kaibigan ko? Pwede mo rin ba silang kunin—" Pinutol niya ang sasabihin ko.
"Marahil ay nabawi na sila ni Dra. Cassy. Hindi mo ba batid na kilala ng babaeng iyon ang isa sa mga kaibigan mo?" aniya. Napaisip ako bigla dahil sa sinabi niya.
Marahil ay kakilala iyon ni Yuan. Pero paano naman niya nalaman na nando'n kami? Isa pa, kilala din ako ng babaeng iyon.
Napabaling ulit ako kay Zero.
BINABASA MO ANG
Peripéteia of Malakós (Filipino Sci-Fi Novel)
Ciencia FicciónKimmy --- A seventeen-year-old girl who dreamt to be one of the 7th highest throne, lead the republic of district five, and to make a better world. To her journey while fulfilling her dreams, she encountered different people with distinct personalit...