CHAPTER 10

970 87 3
                                    

"DID you find it?" kalmadong tanong ng isang lalaking nasa singkuwenta na ang edad. Mataman niyang tinitingnan ang target sa kanyang harapan at pulido ang pagkakahawak sa baril na nakatutok doon. Pang-apat na tira na niya iyon, wala siyang naging mintis sa mga nauna.

"Hindi pa namin nahahanap kung nasaan pero natukoy na namin kung sino ang may hawak."

Sunod-sunod na kinalabit ng lalaki ang gatilyo, tatlong bala ng baril ang tumama sa larawang nakadikit sa target board ilang metro ang layo sa kanya. Kapagkuwan ay nagtatagis ang mga bagang na itinutok niya ang baril sa lalaking kaharap.

"You know I don't like incompetency, Russo."

Hindi natinag ang lalaking nagngangalang Russo sa kabila ng may baril na nakatutok sa kanyang mukha. Nanatiling walang emosyon ang matangkad na lalaki na may malaking pangangatawan. Kung tutuusin ay kaya nitong patumbahan ang kaharap at agawin ang baril mula rito, pero hindi niya gagawin iyon sa taong pinagsisilbihan niya sa mahigit dalawang dekada.

"Hindi iyon puwedeng mapasakamay ng maling tao. Everything we worked hard for will gone into waste and the presidential election is just around the corner!" Hindi puwedeng mabulilyaso ang plano nila, ilang taon ng buhay niya ang ginugol niya upang maabot ang posisyong meron siya ngayon. Pero tunay na walang kakuntentuhan ang tao. He wanted more. He wanted to be the most powerful person in the country. Sa gano'ng paraan ay wala nang makakahadlang sa operasyon ng grupo nila.

Kung hindi dahil kay Patrick Castillo ay hindi manganganib ang pangalan niya at ang kanilang grupo. He had the guts to threaten him! Wala na dapat silang problema nang mamatay si Castillo, subalit isang bagay na pag-aari nito na kailangan nilang makuha ang nawawala.

Humigpit ang pagkakahawak ng matandang lalaki sa baril nang maalala ang ginawa ni Patrick Castillo. "'Wag mong hintaying palitan kita sa puwesto mo, Russo! I don't need a useless dog!" he roared and pulled the trigger of the gun.

Hindi nagbago ang mukha ni Russo, handa itong mamatay para sa taong pinagsisilbihan. Ngunit walang bala ang tumama sa alinmang bahagi ng kanyang katawan. Wala nang bala ang baril na itinutok sa kanya ng amo.

Parang walang nangyaring kalmado na muli ang mukha ng matanda. Muli niyang kinargahan ng bala ang kanyang 9mm pistol na gawa pa sa bansang Italya at ibinigay ng isang matalik na kaibigan.

"I'll give you five days to retrieve it. I want it on my hands after the month ends." Sabay tutok muli ng baril sa target.

"We have a little problem, Sir—"

Binalingan ng matanda si Russo sa malamig na mga mata kaya natigil ito sa pagsasalita. "Get rid of the problem!" Sabay kalabit sa gatilyo ng baril na nakatutok pa rin sa target kahit wala doon ang kanyang paningin.

Sapol ang mukha ni Patrick Castillo na halos hindi na makilala sa dami ng tama.

"HINDI ka pa ba uuwi?"

Mula sa pagkatitig sa kawalan ay nag-angat ng tingin si Vodka nang marinig ang tanong na iyon ng kanyang manager na sumungaw mula sa nakabukas na pinto. Nakakunot ang noo nito dahil sa pagtataka at pag-aalala. Mukhang gusto nitong mang-usisa subalit pinili nalang itikom ang bibig.

"You go ahead, Helen. Susunod din ako, ako na ang magsasara ng shop," aniya na tipid na ngumiti rito.

"O—kay," sagot nito na mukhang nag-aalala talaga sa kanya at nag-aalangang umalis. "Get home safely."

Nang makaalis ito ay isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Vodka. Kanina pa niya iniisip kung ano ang gagawin sa sitwasyon niya. Lalong luminaw sa kanya ang katotohanang gusto siyang patayin ng kung sinuman. At kung bakit ay hindi niya alam.

Gin and Vodka (Tipsy Talk Trilogy #1) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon