Chapter 15

968 46 20
                                    


                                     Chapter 15




"Oh, nasaan si Ervine? Bakit wala pa siya?" ang tanong ni Siege kay Sky noong dumating ito sa headquarters.

Halos kumpleto na sila ngunit si Ervine, mukhang mahuhuli na naman. Tama! Nitong mga nakaraang araw ay madalas itong mahuli dahil sa panganay nitong anak na si Ervine John.

Napangiti si Sky kay Siege bago siya magsalita. Nilaro niya sa kanan niyang kamay ang hawak niyang susi ng motor.

"Medyo mahuhuli daw siya dahil may aayusin siyang major problem, si EJ! Haha! Kung nakita mo lang sana iyong itsura ni Ervine kanina habang nakakapit sa binti niya ang anak niya." ang natawa pa niyang kuwento.

Napangiti si Siege sa kanyang narinig at bahagyang nasapo ang noo.

"Ganyan talaga eh, Daddy issue. Ako nga, kapag umaalis ng bahay eh umiiyak si baby Anastasia, kapag lumaki na siya at kaya nang maglakad, lagot na rin ako!"

"Sana all!" ang komento niya.

"Mararanasan mo ang ganoon kapag nag-asawa ka at nagkaanak, Sky. Kaya bakit hindi ka pa mag-asawa? Hindi mo naman siguro balak na tumandang binata? Sayang ang magandang genes."

Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Sky at saka pasimpleng sumulyap sa ilan nilang mga kasama na naghahanda na para sa gagawin nilang operation. Pagkatapos noon ay saka niya muling ibinaling ang paningin kay Siege.

"Bago ako makapag-asawa eh turuan mo muna akong manligaw."

Napakurap si Siege matapos niyang marinig ang sinabi ni Sky at maging ang iba nilang comrades ay napatingin din dito, natigil nga ang iba sa pagsusuot ng kanilang gears.

"Teka lang Sky, sa akin ka pa talaga magpapaturo? Alam mo naman na walang ligawan na nangyari sa amin ni Amber. Basta, wala na siyang kawala sa akin dahil inaresto ko na siya sa ngalan ng Article 143! Hetong si Clide naman, pinakasalan niya agad ang asawa niya, wala ding ligawan na nangyari. Si Venom... Hmm, Teka, nanligaw siya kay Abby pero iyong tipo na akyat-ligaw. At itong si Aeon naman, inuwian siya eh! Si Ervine, pinikot niya si Ashley... Ahm, si Velvet! Hindi ba't sinundan pa niya sa probinsya ang mahal niyang si Pangs? Niligawan niya ito maging ang pamilya para lang makuha ang matamis na Oo. Siya ang tanungin mo."

Napailing si Velvet na nangingiti sa sinabi ni Siege ngunit totoo naman iyon. Pagkatapos noon ay napahalukipkip siya at sutil na tumingin kay Sky.

"Kailangan mo pa bang ligawan eh inuwi mo na sa bahay mo? Bakit hindi mo na lang gapangin para mas madali?" ang nakakaloko niyang wika.

Napasimangot si Sky sa sinabi ng kanyang kaibigan.

"Eh di sinira ko naman ang tiwala niya no! Saka gusto ko siyang ligawan para malaman niya na malinis ang intensyon ko sa kanya. Isa pa, hindi naman siya kagaya ng mga babaing dine-date ko. Lintek! Nakakarma na yata ako, akala ko kasi hindi darating sa akin ang ganito. Ang lakas ko pa namang mang-asar dati..."

Dahil sa kanyang sinabi ay tinawanan siya ng mga kasama. Maya-maya pa ay dumating na si Ervine at kasunod nito si Rouge. Parehong seryoso ang mukha ng dalawa.

"Pasensiya na kung medyo nahuli ako, may inayos lang akong major problem. Bueno, magsimula na tayo sa meeting natin." ang bungad ni Ervine sa lahat.

Hindi naman umiimik si Rouge dahil sinabihan siya ni Ervine na huwag magkukuwento. Kaya sila nagkasabay eh tinulungan pa niya ito sa major problem nitong si EJ, siya ang nag-lis sa bata sa pagkakapit nito sa binti ng ama. Wala kasing magawa si Ervine, kahit na ano ang sabihin niya ay panay banggit ng 'sama' ang bata. Noong buhatin niya si EJ ay nakatikim siya ng suntok at sabunot, isama pa ang kagat. Bugbog ang napala niya para lang matulungan si Ervine.

Men in Action 13: Sky Heavenly Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon