Chapter 8

1.4K 85 23
                                    

                       Chapter 8

Panay ang ginawang pagbuntung-hininga ni Sky habang papasok siya sa loob ng supermarket. Wala siyang pakialam kung napapatingin ang mga tao sa kanya dahil sa suot niyang uniform at dahil na rin sa kanyang itsura, wala namang bago doon. Kaagad na siyang lumakad kung saan nakahilera ang mga tissue, cotton buds, cotton balls at iba't-ibang brand ng sanitary napkin. Ang daming pabalat na kulay-pink... Alin ba sa mga ito ang cottony?! Tumingin-tingin siya sa paligid at nakita niya sa di kalayuan ang babaing staff ng supermarket. Tinawag niya ito at kaagad namang lumapit.

"Ano po iyon, Sir?" ang magalang nitong tanong.

Hindi alam ni Sky pero bigla siyang pinagpawisan ng malapot ngunit nandito na siya eh. Napangiti siya ng alanganin bago magsalita.

"Miss, alin sa mga ito ang soft and cottony?! Saka walang wings!" sabay turo sa mga nakahilerang sanitary napkin.

Nanlaki ang mga mata ng babaing staff sa narinig, halatang nagulat.

"Po?!"

Samantala... Kasalukuyang nakahiga si Cindy sa kama ng nakatagilid habang naghihintay siya ng pagdating ni Sky. Mabuti na lang at hindi pa malakas ang flow ng kanyang mens dahil unang buhos palang naman. Nakarinig siya ng sunud-sunod na katok sa pinto, bahagya siyang napabangon.

"Pasok?" ang alanganin niyang wika.

Marahang bumukas ang pinto at iniluwa noon ang isang may edad na babae, may kasama din ito na medyo bata pa, may buhat na tray na may lamang pagkain.

"Dinala na namin ang almusal mo, iha. Kamusta ang pakiramdam mo? Ako nga pala si Aling Metring, ako ang katiwala ni Sir Sky dito sa bahay. At ito namang kasama ko ay si Myrna. Ibinilin ka sa amin ni Sir, sabihin mo lang kung may kailangan ka."

Nahihiyang napangiti si Cindy sa dalawang babae. Inilapag naman ni Myrna sa lamesita ang dalang tray na may lamang pagkain. Ngumiti sa kanya ang babae at nahihiya siyang napangiti pabalik. Binalingan niya ng tingin si Aling Metring na tinitingnan ang mga galos at pasa niya sa katawan.

"Hindi mo kailangang mag-alala dahil ligtas ka dito. Nasabi na sa amin ni Sir ang lahat. Huwag kang mag-alala dahil mapagkakatiwalaan mo kami."

Napangiti si Cindy sa matanda. Napakamalumanay nito magsalita bigla tuloy niyang namiss ang kanyang Mommy.

"Marami pong salamat. Saka uhm... Kakapalan ko na po ang mukha ko. May dalaw po kasi ako ngayon eh, kailangan ko po ng napkin. Tinawagan ko na si Sky, bibili naman daw siya pero siyempre kailangan ko na pong maglinis ng katawan at alam niyo na po..."

Napangiti si Aling Metring at napatingin kay Myrna.

"Hindi ka ba ibinili noong dalawang bata? Maaga kasi kaming namalengke kanina at ibinilin ka naman ni Sir sa kanila." ang wika pa ni Myrna.

Napailing si Cindy at napangiti.

"Hayss! Ang batang iyon, Oo. Simpleng napkin hindi makabili. Huwag kang mag-alala, ako na ang bahalang mag-utos sa kanila." ang wika ni Myrna.

"Salamat."

Nakahinga ng maluwag si Cindy, sa totoo lang ay naiirita na siya. Bakit ba kasi ang hirap maging babae?! Nagpaalam na ang dalawa sa kanya at nagsabi na kung may kailangan ay huwag siyang mahihiya. Nang makaalis na ang mga ito ay saka niya tiningnan ang dala nilang almusal. Pritong isda, toccino at ginisang gulay. May sopas din para sa sabaw at fried rice ang kanin na may sahog na itlog, hiniwa-hiwang hotdog at kangkong. Gatas na mainit at tubig naman ang para sa inumin. Matagal siyang napatitig sa nakahandang pagkain. Hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala sa nangyayari. Nandito siya ngayon sa bahay ni Sky na isang agent ng Men in Action. Nagsimula na siyang kumain at marahan ang ginawa niyang pagnguya. Medyo nananakit pa rin kasi ang sikmura niya.

Men in Action 13: Sky Heavenly Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon