Chapter 4

1.4K 86 17
                                    

                     Chapter 4

Napangalumbaba si Sky habang napatitig kay Cindy. Nasa isang sikat na fast-food chain sila. Siya na ang um-order ng kanilang pagkain at kanina pa nakatunganga si Cindy. Ni hindi ginagalaw ang pagkain.

"Madam, akala ko ba nagugutom ka?" ang untag niya.

Kumuha siya ng isang piraso ng fries, isinawsaw sa sundae at gulat na napatingin si Cindy sa kanya.

"Bakit mo diyan isinawsaw?" ang na-amaze nitong tanong.

Napangiti si Sky, sa wakas ay nakuha na rin niya ang atensyon ng dalaga.

"Maalat kasi eh kaya sa sundae ko isinawsaw para makontra. Subukan mo, masarap."

Kumuha din ng isang piraso ng fries si Cindy at ginaya si Sky. Tinikman niya ang pagkain at masarap naman kahit na weird. Naglalaban ang tamis at alat pero hindi naman masama ang kombinasyon. Napatingin siya kay Sky at saka bahagyang ngumiti. Kahit paano ay gumaan ang kalooban niya.

"Siguro naman ganado ka nang kumain, Madam? Aba, sayang itong mga pagkain. Celebration 'to di ba?"

Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Cindy. Bahagya siyang napayuko.

"M-Masamang tao ba ako, Sky? Ano sa palagay mo? Bakit kailangan akong mahusgahan ng mundo?" ang malungkot pa niyang tanong.

Matamang napatitig si Sky sa dalaga. Hinawakan niya ang kanang-palad nito at ginagap. Dahil sa ginawa niya at napatitig pabalik sa kanya si Cindy at isang matipid na ngiti ang namutawi sa kanyang labi.

"Lahat naman tayo hinuhusgahan. Hayaan mo sila, wala lang magawa. Hindi ka masamang tao dahil wala kang inaagrabiyado."

"Pero masakit lang talaga kapag ang mga taong nanghusga sayo ay ang mga taong minahal mo at itinuring na hindi iba. Mga taong naging malaking bahagi ng buhay mo at inaasahan mong makakaintindi at magtatanggol sayo pero hindi. Sabagay... Hindi ko naman masisisi si Ian Maverick. Kung noon ay proud na proud siya sa akin, ngayon ay halos pandirihan na niya ako at kung itrato ay basura."

Napaismid si Sky at saka napakagat siya sa hawak niyang french-fries. Hindi na niya isinawsaw sa Sundae dahil umalat ang feelings niya nang marinig niya ang pangalan ng ex-boyfriend ni Cindy, hindi naman siya enteresado dahil hindi iyon mahalaga. Pinili niyang manahimik. Muli namang nagsalita si Cindy, gusto lang niyang maglabas ng sama ng loob. Ayaw sana niyang gawing shock absorber si Sky ngunit kailangan niyang ilabas ang dinadamdam. Nandito na rin naman siya sa punto na hindi na niya kaya.

"Alam kong iniisip ng mga tao na napakasamang tao ng Daddy ko.  Pero para sa akin ay hindi dahil nga tatay ko siya. Maganda naman ang takbo ng negosyo ng pamilya namin. Masaya ang lahat hanggang sa magkasakit ang Mommy ko. Breast cancer. Ginawa ni Daddy ang lahat para maipagamot si Mommy pero nawala pa rin siya. At nang mamatay si Mommy nilamon ng depression si Daddy, napabayaan niya ang kompanya at ang iba pa naming negosyo. Napabayaan din niya ako pero hindi ako umalis sa kanyang tabi hanggang sa unti-unti siyang nakabangon. Mahal na mahal kasi niya ang Mommy.  Nakakalungkot lang dahil pabagsak na ang mga negosyo namin dahil sa kapabayaan niya. Maraming tao ang nakatakdang mawalan ng trabaho. Kaya naman ginawa lahat ni Daddy ang paraan para maibangon ang kompanya. Hirap na hirap siya noon, halos wala nang tulog at maging sa pag-uwi ay trabaho at ang kompanya ang iniisip. Naisipan ko siyang tulungan, noong una ay nagmodelo ako sa mga sikat na brand ng damit, lumabas sa mga commercials. At nang may mag-alok sa akin na pumasok sa showbiz hindi na ako nag-alinlangan. Doon nag-umpisa ang aking career at kahit paano ay natulungan ko ang Daddy pero hindi pa rin naging sapat. Hanggang sa may mga dumating na tao..." ibinitin ni Cindy ang sasabihin dahil medyo napagod na siya.

Men in Action 13: Sky Heavenly Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon