"D-DAD..."
Narinig siguro siya nito kaya napalingon ang ama ni Anissa sa kanya. Umatras siya nang akmang lalapit ito sa kanya.
"Happy birthday, princess." Bukod kay Dylan ay tinatawag rin siyang "princess" ng kanyang ama.
How she missed her father. Ilang taon niyang hindi nakita ito. Gusto niyang tumakbo patungo rito at yakapin nang mahigpit. Pero malaki ang kasalanan nito sa kanya. Lalong-lalo na sa kanyang ina.
"What are you doing here?" malamig pa sa yelong tanong niya rito. Pagkatapos mawala nito ng ilang taon ay basta na lang itong babalik kung kailan nito naisin.
"Anissa!" saway ng mommy niya sa kanya.
Si Dylan ay nakakunot ang noo na nakatingin sa kanya at nagtatanong ang tingin na ipinukol sa kanya.
"No, Luisa. I deserve this kind of treatment from her," anang ama niya sa mommy niya.
"Bakit kayo bumalik? Iniwan na ba kayo ng babae ninyo kaya ngayon bumabalik ka sa amin?"
"Anissa, don't talk like that to your father," saway uli ng kanyang ina.
"No, baby. Nagkakamali ka ng akala. Will you let daddy explain?" pakiusap ng kanyang ama.
"Bakit ngayon lang, daddy? Ang daming taon na nasayang. Kung kailan kailangan ka namin saka ka nawala," sumbat niya rito. Tuluyan ng kumawala ang mga luha niya.
"Kasi naguguluhan pa ako noon, anak. Sana bigyan mo ng isa pang chance si daddy. Ipapaliwanag ko ang lahat ng nangyari."
"Please, don't ruin my special day, daddy. Please?" nagmamakaawang sabi niya rito.
"I'll go back some other day." Hinalikan siya nito sa noo. "Happy birthday, princess."
Kahit na nakaalis na ito ay hindi na bumalik ang masayang mood niya kanina. Hindi tuloy nila nasabi ni Dylan sa ina ang pagbabago sa relasyon nilang dalawa.
Mabuti na lamang at hindi nag-urirat si Dylan sa kanya dahil hindi pa siya handang ikuwento rito ang lahat. Tahimik lang itong nakatabi sa kanya at nakahawak sa kamay niya.
Nang matapos ang gabing iyon ay kaagad siyang nagtungo sa kanyang silid. Umupo siya sa gilid ng kanyang kama at doon ay umiyak nang umiyak. Pumasok ang ina niya at naabutan siya sa ganoong ayos.
Nilapitan siya nito at niyakap siya nang mahigpit.
"Baby, you should've let him explain his side," anito habang hinahagod ang kanyang likod.
"Hindi pa ngayon, mommy. Hindi pa ako handa."
"Kailan ka pa magiging handa? Lumilipas ang panahon, Anissa. Baka kung kailan ka handa saka ka mawawalan ng pagkakataon at magsisisi ka sa bandang huli."
Hindi siya nakaimik. Nakayakap lang siya rito at kumukuha ng lakas mula rito.
"Sana sa susunod na puntahan ka niya at subukang magpaliwanag, bigyan mo siya ng pagkakataon, anak," dagdag nito.
"N-Napatawad mo na ba siya, mommy?" tanong niya rito at tiningala ito.
"Yes. Kahit na hindi pa siya humihingi ng tawad ay napatawad ko na siya. Mahirap na may kinikimkim kang galit sa kapwa mo. Mahihirapan kang magtiwala sa iba at labis iyong makakaapekto sa pag-uugali mo. Besides, love is all about forgiveness," wika nito habang nakatingin sa malayo.
