"YAYA, pakidalhan naman po ako ng cookies at gatas sa kwarto ko."
Nakangiting tumango si Yaya Miding kay Anissa. Kapagdaka'y pinagulong niya ang kanyang wheelchair patungo sa silid niya. Nakasalubong niya si Dylan ngunit hindi man lang niya sinulyapan ito. Narinig niya ang marahas na pagbuntong-hininga nito.
"Anissa..." tawag nito sa kanya. Hindi niya nilingon ito at parang walang narinig na ipinagpatuloy niya ang pagpapagulong ng wheelchair.
Nararamdaman niyang sinusundan pa rin siya nito pero hindi na lamang siya umimik. Nang isasara na niya ang pinto ng kanyang silid ay dumiretso papasok doon si Dylan. Sinundan lang niya ito ng tingin nang umupo ito sa kama niya. Hindi pa rin niya ito inimik. Sa halip ay tinungo niya ang study table niya at kinuha roon ang malít na damit na tinatahi niya.
"Anissa, bakit ba ayaw mo akong kausapin? May nagawa na naman ba akong mali?" tanong nito maya-maya. Hindi niya ito pinansin at itinuon na lang ang atensyon sa tinatahi niya.
"Mas gusto ko pang inaaway mo ako kaysa ganito na hindi mo man lang ako kinakausap."
"Will you get out? Naririndi ako sa 'yo," sa wakas ay sabi niya.
Umiwas siya ng tingin nang makita niyang lumungkot ang anyo nito. "Nagagalit ka ba dahil hindi kita naipasyal ngayon?"
"Pwede bang huwag ako ang kulitin mo?" paangil niyang tanong. "Puntahan mo na lang ang Cherry mo," dagdag niya sa pabulong na paraan.
"So, it's all about Cherry, huh?" Nakangiti n ito na halos umabot na sa mga tainga nito. "Nakita mo pala kami."
"Eh, ano naman? Bakit hindi ka pa lumalabas? Naaalibadbaran ako sa 'yo," singhal niya rito. Padarag na ipinagpatuloy niya ang pananahi.
"Nagseselos ka na ba sa lagay na 'yan?"nanunudyong wika nito.
"Bakit naman ako magseselos, aber?" nakataas ang kilay na balik niya rito.
"Kasi nga may gusto ka sa akin," confident na sabi nito na nakataas pa ang noo. Nais niyang matawa sa kayabangan nito ngunit pinigilan niya. Kailangan niyang panindigan na galit siya rito.
"Ang yabang mo rin, ano? Bakit naman ako magkakagusto sa 'yo? Hindi kita tipo, 'no!"
"Kung gano'n, bakit ka nagkakaganyan? Bakit ayaw mo akong kausapin dahil lang nakita mo si Cherry na kasama ko?"
Napipilan siya. Hindi malaman kung ano ang isasagot sa mga tanong nito. Bakit nga ba nagkakaganoon siya? Nagseselos nga ba siya? Nagkakagusto na nga ba siya kay Dylan? Hindi siya pamilyar sa mga ganoong bagay kaya hindi niya malaman kung paano ia-assess ang damdamin niya.
Paano na kung nagkakagusto nga siya kay Dylan? Bigla ay ibig niyang mataranta.
"Wala lang ako sa mood ngayon. Kung gusto mo, doon ka na kay Cherry. Huwag mong ipangalandakan sa akin na nagseselos ako." Iyon ang lumabas sa bibig niya dahil wala siyang ibang maisip na isasagot rito.
"Anissa, bakit mo ako ipinamimigay kay Cherry?" anito sa nagtatampong tinig. "Hindi dahil sa nakita mong kasama ko siya ay gusto ko na kaagad siya."
Napatitig siya rito. Salubong na salubong ang mga kilay nito. Noon lang niya nakita ang galit na anyo nito.
"D-Dylan, h-hindi naman..."