Chapter 2

54 2 0
                                    

KANINA pa hindi nilulubayan ni Anissa ng matatalim na tingin si Dylan. Sa halip na maasar ay tila naaaliw pa ito sa kanya.

            Nasa hapag-kainan sila at kumakain ng almusal. Maganang kumakain ang binata samantalang siya ay nasusuyang kumain dahil sa pagmumukha nito.

            Lalo siyang nainis dito sapagkat tuluyang ito na ang ookupa sa treehouse niya. Wala pa naman siyang katiwa-tiwala sa hilatsa ng pagmumukha ng lalaki. Gayunman, nagbigay na lang siya ng kondisyon na siya ang gagamit ng treehouse tuwing umaga hanggang tanghali. Pumayag naman ang mommy niya. Kaya naman niyang magtiis sa dalawang linggo na mananatili si Dylan sa poder nila.

            Ipinaliwanag ng mommy niya sa kanya kung bakit sa kanilang bahay pansamantalang makikituloy si Dylan. Inihabilin si Dylang ng ina nito - na matalik na kaibigan ng mommy niya - dahil tumungo ito sa ibang bansa para sa isang business trip.

            Sina Dylan pala ang bagong lipat sa katabing bahay nila. Dati nang nakatira ang mga ito doon ngunit umalis ang mga ito siyam na taon na ang nakakaraan at nanirahan sa probinsya dahil nandoon ang lola nito na ngayon ay namayapa. Kaya siguro bumalik ang mga ito sa bahay na iyon.

            "Ano? Titingnan mo na lang ba ako ng masama o kakain ka?" untag sa kanya ni Dylan. Magkaharap sila sa mesa.

            Inirapan niya lang ito at itinuon na ang atensyon sa pagkain.

            "Paraan mo ba 'yan para mapansin kita?" nagsimula na naman ito sa pang-aasar sa kanya. "Napapansin naman kita kaya hindi mo na kailangang magsungit."

            "Tumahimik ka at itong tinidor ang itatarak ko sa bibig mo," pananakot niya pa rito na ikinatawa lang nito.

            "Tama na nga 'yan, mga bata. Hindi tamang mag-away sa harap ng biyaya ng Dios," saway ng mommy niya sa kanila na katabi lamang niya. "Anissa, bilisan mo kumain. Maya-maya nandyan na ang physical therapist mo."

            "Opo," dinagdagan pa ng mommy niya ang pagkain na nasa plato niya. "Tama na po. Ayos na po itong inilagay ko." pigil niya rito.

            "Hindi. Kumain ka nang marami para lumakas ka kaagad. Ubusin mo 'yan."

            Nginitian niya ito at maganang kumain.

            Tuwing umaga at gabi lamang siya naaasikaso nito dahil kailangan nitong pumasok sa trabaho nito kaya sinasamantala nito ang libreng oras nito na kasama siya.

            "Ninang, ako rin. Lagyan mo rin ako ng pagkain dito sa plato ko," nagpapa-cute na sabi ni Dylan sa mommy niya.

            Natawa ang mommy niya pero sinunod naman ang sinabi ng lalaki.

            "Thanks, ninang," hinalikan pa nito sa pisngi ang ina niya.

            Tiningnan niya uli ito nang masama. Talagang iniinis yata siya nito. Lumingon si Dylan sa gawi niya at nginisihan siya.

            Kumuha siya ng isang butil ng kanin sa pinggan niya at ibinato iyon rito. Sapol ito sa ilong.

            "Ninang, si Anissa po, o! Nambabato ng pagkain." tila batang maliit ito na nagsusumbong.

            Ang laking damulag, aniya sa isip.

            "Anissa! Why did you do that?" pagalit na wika ng mommy niya.

            Yumuko siya. "Nakakainis po kasi siya, eh."

            "Hindi mo pa rin dapat ginawa iyon. Bisita pa rin natin siya. Huwag mong basta-basta ibinabato ang pagkain."

Memories Of Your KissesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon