Chapter 7

43 1 0
                                    

"ANISSA, magbihis ka na. Bilisan mo. Naghihintay na sila sa ibaba."

            Tiningnan muna niya sa salamin ang hitsura niya bago sinunod ang utos ni Ate Annie. Dinampot niya ang dress na nakalapag sa kama at pumasok sa loob ng banyo upang magbihis.

            "Ang ganda mo, Anissa!" tuwang-tuwang sabi ni Ate Annie nang makalabas siya ng banyo. "You looked so lovely!"

            "Talaga, Ate?" nahihiyang tanong niya.

            "Oo naman. Siguradong tutulo ang laway ni Papa Dylan kapag nakita ka sa ayos mo." Tumawa siya. Lagi siyang itinutukso nito kay Dylan. Bagay na bagay raw sila. Siya naman ay todo ang pagtanggi pero sa loob-loob niya ay kinikilig siya.

            "Kinakabahan ako, Ate," aniyang pinagsalikop ang mga kamay na nanlalamig.

            "Bakit ka naman kakabahan? It's your day. Ito ang araw na magiging ganap ka ng dalaga." Tumungo ito sa likuran niya at inayos ang pagkakalugay ng buhok niya. "Perfect!"

            Napangiti siya. Ito ang nag-ayos sa kanya. Kinulot nito nang kaunti ang buhok niya. Nilagyan siya nito ng light make-up. Hindi raw niya kailangan ng makapal na make-up dahil masisira ang balat niya. Ito rin ang pumili ng suot niyang dress. Kulay hot pink na tube dress iyon na hanggang tuhod niya ang haba.

            "Mukha ka na talagang prinsesa ni Dylan!" Mas excited pa yata ito sa kanya. "Akin na ang kamay mo."

            Inilahad niya ang kamay niya. May inilagay itong maliit na velvet box sa kamay niya. Kaagad na binuksan niya iyon at bumungad sa kanya ang isang pares ng pearl earrings.

            "Happy birthday, Anissa!" Niyakap siya nito na ginantihan naman niya. "O, huwag iiyak. Baka masira ang make-up. Mamaya na 'yan at marami pang mangyayari sa gabing ito. Pagkatapos nito saka mo ituloy 'yan," anito nang makitang naluluha siya.

            "Maraming salamat, Ate. Ang dami mo ng naitulong sa akin."

            "Sus! Para iyon lang. Huwag na nga tayong magdramahan at baka maiyak pa ako. Masisira ang magandang make-up ko." Natawa siya. Naaaliw siyang kasama ito dahil may pagkaalog ito. "Akin na 'yan at isuot na natin sa iyo." Kinuha nito mula sa box ang hikaw at ito mismo ang nagsuot niyon sa kanya.

            Pumalatak ito. "Ang ganda mo talaga, Anissa. Nakakainis!"

            Napahalakhak siya. "Ikaw rin naman, Ate. Ang ganda mo kaya ngayon."

            "Ngayon? Ngayon lang talaga? Hindi ba pwedeng araw-araw akong maganda?"

            Ang lakas ng tawa niya. Nakisabay na rin ito sa pagtawa niya. Natigil lang sila nang may kumatok sa silid. Kaagad na umupo siya sa gilid ng kama. Binuksan naman ni Ate Annie ang pinto at pumasok na ang mommy niya.

            Nanlaki ang mga mata nito nang makita siya. "Ang ganda ng anak ko." Hinaplos nito ang buhok niya.

            "Syempre naman po! Mahusay ang nag-ayos," sabad ni Ate Annie. Nginitian ng mommy niya si Ate Annie. Siya naman ay hindi napigilan na mapabungisngis.

            "Tayo na't bumaba. Naghihintay na si Dylan at ang tita mo sa ibaba." Dinala siya ng mga ito sa ikalawang palapag ng bahay at ikinulong doon ng maghapon. Inayos ng mga ito ang bahay para sa espesyal na araw na iyon. Nais man niyang tumulong ay hindi siya pinahintulutan ng mga ito. Hindi naman sila sa labas magseselebra. Ipinilit niyang huwag ng gawing magarbo ang paghahanda. "Teka't tatawagin ko si Mang Daniel para maibaba ka na."

Memories Of Your KissesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon