HALOS marinig na ni Dylan ang tibok ng puso niya sa sobrang kaba na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Nais man niyang mataranta ngunit kailangan niyang manatiling kalmado sa mga ganoong sitwasyon.
Halos paliparin niya ang mga paa makarating lamang ng mabilis sa bahay nina Anissa. Nakapasan uli ito sa kanya. Inatake ito ng hika at kailangan niyang makuha kaagad ang inhaler nito kung ayaw niyang lumala ang kalagayan ni Anissa. Kung bakit kasi hindi sila umuwi nang maaga at pinagod ito nang husto. Sising-sisi tuloy siya ngayon.
Awang-awa siya sa kalagayan nito. Tila nagsasalita na ang paghinga nito sa pilit na pagsagap ng hangin. Pawis na pawis na rin ito sa hirap ng pinagdaraanan. Wala na ring lakas ang pagkakapit nito sa kanya kaya doble ang pag-iingat niya sa pagbuhat rito.
Nang makarating sila sa bahay ng mga ito ay nakita niyang nakaabang ang mommy ni Anissa sa gate. Kaagad naman silang nakita nito at nilapitan.
"Anong nangyari kay Anissa?" nag-aalalang wika nito nang makita si Anissa na nakapasan sa likuran niya.
"Inatake po ng hika. Sorry po talaga, ninang. Kasalanan ko po." Hindi siya makatingin ng diretso rito.
"Dalhin mo na siya sa kwarto niya. Nandoon sa kwarto niya ang inhaler. Bilisan mo," utos nito sa kanya. Mabilis siyang tumalima.
Inihiga niya si Anissa sa kama nito. Umupo ang mommy nito sa gilid ng kama at ini-spray ng dalawang beses sa bibig ni Anissa ang inhaler. Makalipas ang ilang sandali ay unti-unting bumalik sa normal ang paghinga nito.
Hinarap siya ng ninang niya nang makitang maayos na ang paghinga ni Anissa. Napalunok siya nang makita ang galit sa mga mata nito.
"Saan kayo nagpunta? Bakit kayo ginabi? Bakit hindi muna kayo nagpaalam bago kayo lumabas?" sunud-sunod na tanong nito. Kinakabahan siya sa gagawin pa nitong interogasyon sa kanya.
"N-Ninang, sorry po talaga. Hindi na po kasi namin namalayan ang oras dahil masyado kamin nag-enjoy. Sa park lang naman po kami nagpunta," nagmamadaling sagot niya. Natakot tuloy siya sa ninang niya dahil ngayon lamang ito nagalit sa kanya.
Bumuntong-hininga ito. "Kanina pa ako nag-aalala sa inyo. Hindi rin pala kayo nagpaalam sa mga kasambahay rito."
"Pasensya na po talaga, ninang. Gusto ko lang namang mailabas si Anissa."
"Ayos lang naman na ilabas mo siya pero hindi dapat kayo nagpapagabi. Tingnan mo ang nangyari."
"M-Mom, huwag mo na po pagalitan si Dylan. Tingnan mo, natatakot na sa 'yo, o."
Sabay na napabaling sila kay Anissa. Nginitian sila nito. Hinawakan ng mommy nito ang kamay nito at pinisil iyon.
"Ayos ka na ba, anak? Nahihirapan ka pa rin bang huminga?"
"Ayos na po ako. Huwag na po kayong masyadong mag-alala."
"Sorry talaga, Anissa. Hindi ko na uulitin iyon," hinging-paumanhin ni Dylan.
"Ano? Hindi na tayo mamamasyal?" nakalabing tanong nito.
"Baka kasi mangyari na naman 'yan sa iyo. Takot na takot ako kanina, baka akala mo." Ang tindi ng kaba niya kanina at kung anu-anong eksena ang pumapasok sa isipan niya na baka mapahamak si Anissa.
