"MOMMY, doon po muna ako sa treehouse."
Napakunot ang noo ni Anissa sapagkat hindi man lang siya nilingon ng ina na abala sa paghihiwa ng mansanas. Nakaupo ito sa silya at nakapatong sa mesa ang hinihiwa. Nasa bungad lang siya ng pinto ng kusina na hindi kalayuan mula sa kinaroroonan nito. Nagha-hum kasi ito ng isang kanta kaya siguro hindi siya narinig.
Pinagulong niya ang kinauupuang wheelchair patungo sa ina. Nakatalikod ito sa kanya at hindi pa rin siya napapansin. Kinalabit niya ang kanang braso nito. Napapitlag ito sa pagkagulat pagkatapos ay humarap sa kanya.
Ngumiti ito ng matamis sa kanya nang makita siya. "Yes, baby?"
"Doon po muna ako sa treehouse," pag-uulit niya sa sinabi kanina.
"Okay. Tatawagin ko lang si Mang Daniel para maiakyat ka ng maayos sa treehouse." Binitiwan na nito ang hawak na kutsilyo at akmang tatayo na nang magsalita siyang muli.
"Mommy, doon na din po muna ako matutulog ngayong gabi," puno ng antisipasyon ang boses niya. Gustong-gusto talaga niyang maranasan na matulog sa treehouse. Napaka-presko kasi roon.
Pinanlakihan siya ng mga mata nito. "Hindi pwede. Wala kang kasamang matutulog doon. Baka mapahamak ka pa kapag doon ka natulog," anito sa matigas na tinig. Alam niyang kapag ganoon na ang tono nito ay hindi niya maaaring suwayin ang anumang iutos nito sa kanya.
Napalis ang ngiti niya at yumuko na lang siya. Ayaw naman niya na madagdagan pa ang alalahanin nito sa kanya dahil sobra-sobra na ang sakripisyo nito sa kanya.
"Pupunta na po ako sa kwarto ko," paalam niya sa malungkot na tinig.
Pinaikot niya ang wheelchair at tinungo ang daan papunta sa kanyang kwarto.
Nang mawalan siya ng kakayahan na maglakad tatlong taon na ang nakakaraan ay nagpadagdag ang mommy niya ng kwarto sa ibaba ng bahay para hindi na siya mahirapan pati na ang kanilang kasambahay sa pagdadala sa kanya sa ikalawang palapag.
Nang makarating siya sa kanyang silid ay tinungo niya ang study table. Kinuha niya at hinaplos ang maliit na damit na nakapatong doon. Pink dress iyon na nilagyan niya ng ilang detalye. Siya mismo ang naghirap at nagtiyagang magtahi niyon.
Malalim na napabuntong-hininga siya. Kung nakakalakad lang siguro siya at may kalakasan kahit papaano ang kanyang katawan ay pihadong papayag ang mommy niya na manatili siya sa treehouse nang magdamag kahit hindi na siya magpaalam. Ang treehouse ay nasa gilid lamang ng kanilang bahay. Sa malaki at may katandaan ng puno nakalagay iyon.
Nawala ang kakayahan niyang makalakad dahil sa sobrang hina ng katawan niya. Sa sobrang hina nito ay dumating ang araw na hindi na niya maramdaman ang pang-ibabang bahagi ng kanyang katawan. Ang sabi naman ng kanyang doktor ay malaki ang tsansa na muli siyang makalakad basta't magpalakas siya at ipagpatuloy ang regular na pagpi-physical therapy.
Excited siyang makalakad muli dahil ayaw na niyang maging pabigat sa mommy niya. Nasasabik na rin siyang makatapak muli sa eskwelahan at makasalamuha ng mga kapwa niya teenager. Hindi na siya nakakapasok sa eskwelahan dahil mabilis siyang mapagod at hindi agad-agd nakaka-adapt ang katawan niya sa bagong kapaligiran. Napagdesisyunan ng kanyang ina na maglagi na lamang siya sa kanilang bahay at mag-home study.
Nakakalungkot lang lalo na kapag sumasagi sa isip niya na kung paano kapag hindi na siya lumakas? Habang buhay na lang ba siyang aalagaan ng mga tao sa paligid niya? Siya na lang ba palagi ang pagsisilbihan ng mga ito? Ang nais niya ay siya naman ang mag-aruga sa mga ito lalong-lalo na sa kanyang ina na buong buhay nito ay inalaan para sa kanya. Siya naman ang magsisilbi rito kapalit ng mga ginawa nito para sa kanya.
