KINAPA-KAPA ni Anissa ang ina sa kanyang tabi. Nang mahawakan niya ang braso nito ay niyakap niya io. Nakatalikod ito sa kanya. Naglalambing na isiniksik niya ang kanyang katawan rito.
Hinaplos niya ang tiyan nito gamit ang kanang kamay niya na nakayakap rito. "Mommy, bakit po ang tigas ng tiyan n'yo? May kabag ka po ba?" namamaos pa ang tinig na tanong niya.
Humarap ito sa kanya. Isiniksik niya uli ang sarili rito at sumandal sa dibdib nito.
"Mommy, flat-chested ka pala," aniya nang ilapit niya ang mukha sa dibdib nito.
"Anissa..."
"Bakit boses lalaki ka na, mommy?"
"Anissa..." tawag uli nito sa kanya.
Noon tumimo sa isip niya na baka hindi na ang mommy niya ang kanyang katabi. Napamulagat siya at pagtingala niya ay mukha ng lalaki ang bumungad sa kanya. Nakatingin lang ito sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya.
Napaupo kaagad siya nang diretso. "Mommy!" malakas na sigaw niya na siguradong maririnig sa kabilang kanto ng lugar nila.