"GUSTO mong pumasyal mamaya, princess?" ani Dylan pagkatapos nitong ibaba si Anissa sa treehouse.
Tiningnan ni Anissa si Dylan. Hindi man niya gusto ay hindi na rin niya ito sinasaway sa pagtawag sa kanya ng "princess". Wala rin naman siyang mapapala dahil hindi rin naman ito papipigil.
"Baka magalit si mommy. Hindi pwede," tugon niya rito. Gumapang siya papunta sa dollhouse niya.
"Sandali lang naman tayo. May nakita akong park na malapit lang dito. Para naman masinagan ka ng araw kahit sandali lang."
Tama ito. Hindi na siya masyadong nasisinagan ng araw. Bihira lang kasi siya makapasyal dahil laging busy sa trabaho ang mommy niya. Gusto niyang pumasyal pero hindi maaari na siya lamang na mag-isa.
"Sige na nga. Pero sandali lang tayo ha?" Lumiwanag ang mukha nito sa pagpayag niya. Malapad na ngumiti ito at tumango.
"Bababa muna ako. Dito na lang tayo kumain sa treehouse ng lunch. Titingnan ko kung nakaluto na si Yaya Miding." Nagtungo ito sa hagdan ng treehouse.
"Dylan, maaga pa. Siguradong hindi pa nakakaluto ng lunch si Yaya. Bakit ka ba nagmamadali dyan?" nakakunot ang noo na tanong niya rito.
Nagkamot ito ng ulo at lumapit sa kanya. Umupo ito sa tapat niya. "Excited lang akong ipasyal ka. Baka kasi magbago pa ang isip mo mamaya. Mahirap na. Ngayon ka lang kasi pumayag sa akin."
"Pinayagan na nga kitang buhatin ako kanina, eh. Hindi pa ba pagpayag 'yun?" Kinuha niya ang paboritong manika niya. "Saka gusto ko ring lumabas. Kaya lang baka pagalitan ako ni mommy kapag nalaman niyang lumabas ako."
"Hindi naman siguro magagalit si Ninang kapag ako ang kasama mo. Sasabihin na lang natin sa kanya pag-uwi niya."
Tumango siya. Wala nang nagsalita sa kanilang dalawa. Naiilang siya sa katahimikan sa pagitan nila. Paanong hindi siya maiilang kung hindi siya nilulubayan ng titig nito?
Hindi man siya nakaharap rito ay nararamdaman niyang nakatingin ito sa kanya. Nagkunwari siyang abala sa mga manika pero nakikiramdam lang din siya.
"Anissa, bakit ganyan ka na kapayat? Hindi ka ba kumakain ng maayos?" sa wakas ay basag ni Dylan sa katahimikan.
Nakahinga nang maluwag si Anissa nang magsalita ito. Hindi niya namalayan na kanina pa niya pinipigilan ang paghinga niya.
Nilingon niya ito. "Ganito lang talaga ang katawan ko. Hindi naman ko tabain kahit kumain ako nang kumain."
"Hindi ka naman ganyan kapayat noong huling nagkita tayo. Medyo mapintog pa nga ang mga pisngi mo noon," sabi nito na sinabayan pa ng tawa.
Umasim ang mukha niya. Totoo iyon. Ang ikinakainis niya lang ay parang may ipinapaalala ito na naalala naman niya.
"Ganoon talaga. Nagdadalaga na ako, eh." Inirapan niya ito.
"Ngayon kapag pinisil ko ang mga pisngi mo, baka buto mo na ang mapisil ko."
Nalukot lalo ang mukha niya sa sinabi ni Dylan. Naalala niya ang ginagawa nitong pagpisil sa kanyang mga pisngi kapag hindi siya nakatingin.
"Papisil nga ako. Matagal ko nang hindi napipisil 'yang mga pisngi mo, eh." Tumaas ang kanang kamay nito upang pisilin ang pisngi niya pero mabilis na tinabig niya iyon.