HINDI nagawang pigilan ni Anissa si Jared nang sugurin nito si Dylan. Napahiyaw siya nang matamaan sa panga si Dylan. Gumanti na si Dylan at nagpambuno ang dalawa. Kaya lang ay nadehado si Dylan. Dinamba ito ni Jared at pinagsusuntok.
Humahangos na dumating ang mommy niya sa kanyang silid at siguradong narinig ang sigaw niya. Napahiyaw rin ito sa nadatnan.
"Jared, tama na!" sigaw niya rito. Nakikitang na niyang may umaagos na dugo mula sa gilid ng labi ni Dylan.
Iniwan ni Jared si Dylan at nilapitan siya. Natakot siya nang makita ang galit sa mga mata nito. Kailangan niyang harapin ito dahil may kasalanan rin siya sa nangyari.
"Let's talk, Anissa," anito sa mahinahon na tinig.
Tumango siya. Binalingan niya ang ina. "Kayo na po muna ang bahala kay Dylan."
Dinala siya ni Jared sa kotse nito at pinasakay. Hindi nito pinaandar iyon at nanatili lamang na nananahimik.
"Dapat na ba akong matakot, Anissa?" panimula nito.
"Wala kang dapat na ikatakot," sagot niya. She felt guilty. Hindi niya magawang pasubalian ang nakita nito kanina. "I'm really sorry, Jared." Iyon lang ang kaya niyang sabihin. Baka kasi madagdagan ang hinanakit nito kapag may sinabi pa siyang iba.
"You still love him," he stated. "Hindi ko pa rin pala siya napalitan sa puso mo."
"Jared, hindi--"
"Hindi mo na kailangang magkaila, Anissa. Mas magagalit ako sa 'yo kung hindi mo pa aaminin iyon." There was pain in his eyes. Lalo tuloy siyang na-guilty.
"Hindi ko alam na ganito ang mangyayari. Ang akala ko ay nakalimot na ako pagkatapos ng maraming taong nawala siya."
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Hindi marunong makalimot ang puso. Iyan ang tatandaan mo, Anissa."
"Jared, bigyan mo pa ako ng kaunting panahon. I will get over him. Matutuloy pa rin ang kasal natin, hindi ba?"
"Papakasalan mo ako kahit hindi mo ako mahal? Sigurado ka ba dyan?"
Napipilan siya at napayuko. Ayaw niyang bumalik kay Dylan. Natatakot siya na kapag nangyari iyon ay baka iwan lang siyang muli ng lalaki. Baka hindi na niya kayanin sa pagkakataong iyon.
Ginagap nito ang kamay niya. "Sige. Ibibigay ko sa iyo ang panahong gusto mo para makasiguro ka. I love you so much, Anissa. But you have to choose between me and Dylan. May isang masasaktan sa amin pero kailangan naming tanggapin iyon. Hindi maaaring kaming dalawa." Hinalikan nito ang pisngi niya. "Hihintayin ko ang sagot mo sa mismong engagement party natin. Kapag pumunta ka, ibig sabihin ay ako ang pinili mo. Kapag hindi ka naman dumating..." Huminto ito sa pagsasalita a tila naghahanap ng tamang sasabihin. "Alam ko na kung ano ang desisyon mo. Tatanggapin ko iyon at igagalang pero oras na ako ang pinili mo ay hindi mo na pwedeng bawiin iyon. Hindi na kita pakakawalan kahit magmakaawa ka pa."
Napalunok siya. Hindi niya kayang pangalanan ang sari-saring damdamin na nasa dibdib niya.
He planted a kiss on her forehead. "Go now, sweetheart. Magkita na lang tayo sa engagement party o kung hindi man ay maaari pa rin naman tayong maging magkaibigan." Nginitian siya nito.
Bumaba na siya ng kotse nito at isinara ang pinto. Tinanaw niya ang papalayong kotse nito hanggang sa hindi na niya nakita iyon.