Rekado

13 0 0
                                    

"Para saan 'yan?"

Lumingon ako sa aking likuran at nakita ang aking kapatid na nakasilip mula sa aking pintuan. Nakasuot siya ng isang face mask at face shield. Naisabatas na kasi na dapat kahit nasa loob ng bahay, nakasuot na din ng face mask at face shield dahil sa dumadaming kaso ng mga nagkakaroon ng virus. Sabi nila, dahil daw ang mga tao sa bahay na ang nagkakahawaan.

"Wala ka na doon," malamig kong sagot sa aking kapatid at bumalik sa pagalalabas ng mga bote mula sa isang plastik na pahirapan kong nakuha mula sa iba't ibang tao sa loob ng isang buwan. Desperado na ako. Kailangan ko itong gawin.

"Alam mo ate," panimula muli ng aking kapatid. "Malapit ko nang isipin na nababaliw ka na."

Napatigil ako sa aking ginagawa. Napangiti ako ng mapait sa aking sarili at natawa bahagya sa sinabi ng aking kapatid. Malapit-lapit na nga. Kung tutuusin, kung pagbabasehan ang kakaibang tingin sa akin ng mga taong pinagkuhanan ko ng mga boteng ito, sa paningin nila ako ay nababaliw na.

Malapit na.

"Ate, ang creepy mo," dinig kong sabi ng aking kapatid. "Bahala ka nga d'yan. Mabaliw ka kung gusto mo. 'Wag mo kami idamay."

Narinig ko ang marahas na pagsara ng pinto ng aking kwarto. Hindi ako nagulat. Walang kilos na nagresulta mula sa akin. Nang hindi ko na marinig pa ang mga yabag ng mga paa ng aking kapatid mula sa labas, nagpunta ako sa tapat ng aking pinto at ini-lock ito. Ayoko ng istorbo na sasabihan lang akong baliw.

Gaya ng sinabi ko, desperado na ako.

Bumalik ako sa aking pwesto kanina. Binuksan ko ang onseng bote na nasa harapan ko. Bawat isa ay may kani-kaniyang amoy, kulay, at lasa. Ngunit hindi ko ito titikman. Nakalagay lang ito sa label ng mga bote.

Kinuha ko ang isang malaking kaserola na isang linggo ko nang itinatago sa ilalim ng aking kama. Maingat ko itong inilapag sa aking harapan. Ayokong bigla itong magresulta sa isang ingay. Baka malaman ng aking mga kasama sa bahay na nasa akin lang pala ang kaserola. Baka bawiin nila. Hindi ko pa nga nagagawa itong gusto kong gawin.

Desperado na ako. Gaya ng sinabi ko.

Marahan kong nilagyan ng tubig ang kaserola. Sa isang plastik na nasa harapan ko, naroon ang mga pake-paketeng mga pulbura. Ayon sa isang matandang nakasalamuha ko, ilagay ko daw ito sa tubig bago ilagay ang mga laman ng mga bote. Hindi naman niya ipinaliwanag kung ano ang mga nasa paketeng iyon.

Pero dahil desperado na ako, pagkakatiwalaan ko ito.

Ibinuhos ko ang unang pakete. Mula dito, umagos ang tila ba kumikinang na mga pulbos. Glitters ata ito. Anong meron sa glitters na ito at bakit isa ito sa mga rekado?

Sumunod kong binuksan ang pangalawang pakete. Sa paketeng ito naman lumabas ang kulay puting likido na may kasamang parang mga maliliit na sago. Dito, ako ay nawindang. Inilapit ko ang pakete sa aking ilong at naamoy na ito pala ay parang gatas. Napahinto ako saglit upang isipin kung ano kaya itong umagos mula sa pakete. Nang bigla kong mapagtanto.

Milktea? Bakit may milktea dito?

Nagugulumihanan man, sunod kong binuksan ang ikatlong pakete. Dito, umagos ang isang pulbos. Matapang ang amoy nito. Alam ko ang amoy na 'to kahit samu't sari ang nasasagap ng ilong na amoy. Siomai. Sisig. Jollibee. McDo. Watsons. SM. Usok. Mangga na may Bagoong. Ilan lamang 'yan sa mga amoy na naaamoy ko habang binubuhos ang pakete na ito.

Nang matapos ko nang ibuhos, kinuha ko ang aking sandok. Nagsimula na kong ihalo ang mga rekadong ito at sinigurong maghahalo nga sila. Kung babalik man siguro dito ang aking kapatid, malamang baliw na naman ako sa kaniyang paningin. Kung sa bagay, hindi naman na talaga normal ang aking ginagawa.

Pero desperado na ako.

Matapos itong haluin, isa-isa ko nang ibinuhos ang laman ng onseng bote na mayroon ako. Ang sabi sa akin, kalahati lang ang ilagay mula sa bawat bote. Binuksan ko muna lahat ng boteng ito at isa-isa silang binuhos sa kaserola.

Nararamdaman ko na gumagana ang aking ginagawa. Sa bawat pagbuhos ng mga likido mula sa bote, naririnig ko ang mga pamilyar nilang boses at halakhak. Puno ng sigla at saya. Naririnig ko din ang mga makukulay na kwentuhan nila kahit pa patungkol sa mga simpleng bagay lamang.

Ipinikit ko ang aking mga mata at sinimulan itong ihalo. Habang naghahalo, unti-unting lumalakas ang mga pamilyar na boses at halakhak. Palakas ng palakas. Nakakabingi na. Pero mas mainam na na mabingi dahil sa kanila kaysa sa mga balitang ang dulot lang ay sama ng loob.

Desperado na ako. Ayoko na dito.

Iminulat ko ang aking mga mata at tinignan ang laman ng kaserola. Kulay itim ang likidong narito. Mukhang sunog ngunit napakasarap ng amoy nito. Nakakatakam.

Kinuha ko ang baso na nasa ilalim din ng aking kama. Gamit ang sandok, nilagyan ko ng laman ang baso hanggang kalahati. 'Yon lamang ang nirekomenda ng matanda sa akin. Kapag daw sumobra, maaaring hindi maganda ang mangyari. Ayoko nang dumagdag pa ang mga hindi magagandang pangyayari na nadaragdagan sa bawat araw na lumipas at dumaan sa aking buhay.

Desperado na ako.

Tinignan ko ang itim na tubig na nasa baso. Alam kong hindi ko pagsisisihan ito. Makikita ko na sila ulit. Maririnig ko na ulit ang mga tawa nilang nakakahawa, ang mga boses nilang nagbibigay ng ginhawa at kulay sa magulong mundo kinabibilangan namin. Magkikita na ulit kami. Magiging masaya na ulit ang lahat.

Nilagok ko ng dire-diretso ang tubig. Lasang okinawa milktea. Maya-maya pa'y nakaramdam ako ng pagkaantok. Mula sa aking pwesto, tumayo ako at patumba-tumbang naglakad papunta sa kama upang matulog. Ngunit, hindi pa man ako nakakaabot doon, natumba na ako at tuluyan nang nagdilim ang aking paligid habang naririnig ang aking pangalan na tinatawag ng mga boses na tila ba nalulunod.
.
.
.
"...Jen?"
.
.
.
"...Jen?"
.
.
.
"Jen? Gising ka na."
.
.
.
Mabigat man ang aking ulo, iminulat ko paunti-unti ang aking mga mata. Ilang segundo pa muna ang lumipas bago tuluyang luminaw ang aking paningin at nakita sa aking harapan ang mga pamilyar na pigura ng aking mga kaibigan. Mga nakasuot sila ng pamilyar na kulay asul na uniporme na kagaya ng suot ko ngayon. May mga ngiti sa kanilang mga labi at mayroong nagliliyab na pag-asa at saya sa kanilang mga mata.

"Nako teng," saad sa akin ng isa sa kanila nang makita niya akong gising na. "Kanina ka pa tulog d'yan. Buti hinayaan ka lang ni ma'am, baka daw hindi ka nakatulog ng maayos kagabi."

Hindi ko masyadong pinagtuunan ng pansin ang sinabi niya. Samu't saring usapan ang naririnig ko. Hiraman ng liptint at pulbo. Kwentuhan tungkol sa nangyaring talakayan sa huling subject. Sigawan ng iba pang mga tao sa silid-aralan tungkol sa isang dulaan na marahil ay nangyari kanina.

"Jen," tawag sa akin ng isa sa mga kaibigan ko habang nakangiti sa akin. "Halika na, uwi na tayo."

Mangiyak-ngiyak man ay ngumiti ako ng hanggang tainga sa kanila at binitbit ang kulay asul kong bag. Isinaklay ko ito sa aking likuran at naglakad kasabay sila, nag-uumapaw muli ang saya at pag-asa sa aking sistema.

Dito na lang ako, saad ko sa aking isipan.

Nakauwi na ako.

WONDERLAND - Short Stories Collection #3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon