Chapter 31

46.8K 4.7K 2.3K
                                        

Chapter 31

- REYNA -

Lihim na diyosa

Nang sandaling nagtagpo kami nina Dastan at ng kanyang mga kapatid sa panahong ito, alam kong hindi na biro ang pagdadaanan namin. Simula pa lamang sa pagpasok namin sa palasyo, hanggang sa sama-sama naming paglalakad patungo sa bulwagan.

Hindi na lingid sa kaalaman ng mga diyosa ang presensiya namin at nasisiguro ko na gagawin nila ang lahat upang masunod ang kanilang mga plano at pigilan kung anuman ang siyang aming magiging aksyon. Si Dastan na mismo ang nagsabi na naririto lamang kami upang tumuklas ng impormasyon at sikapin na walang mababago sa sa kasalukuyan, ngunit hindi ko magawang itanggi sa sarili na sa bawat paglipas ng oras na lumalapit ang pangyayaring magpapahirap kay Diyosa Eda at sa pitong simbolikong trono, may bumubulong sa isipan kong tumulong at hadlangan ang masasamang diyosa.

Ngunit alam ko sa sarili kong hindi ko maaaring gawin iyon, dahil ang mga pagtatagpo, pagmamahalan at pamilyang mabubuo sa kasalukuyan ay mauuwi na lamang sa mga alaalang bula na kalaunan ay unti-unti na rin malulusaw dahil kailanman ay hindi na iyon masusulat sa kasaysayan.

Nang kami'y tuluyan nang makarating sa bulwagan at tumambad sa akin ang gandang dulot ng kapangyarihan ni Diyosa Eda, hindi ko na maipaliwanag ang nararamdaman ko. Gusto kong maiyak sa tuwa at lungkot. Tuwa sa kaalamang nasaksihan ito ng sarili kong mga mata, at lungkot sa kadahilanang nagkaroon ng lakas ng loob ang kapwa ko diyosang saktan si Diyosa Eda na ang tanging presensiyang inilalabas ng kapangyarihan ay init, pagmamahal at kapayapaan.

Hindi ko na nagawang magpaalam sa magkakapatid na Gazellian, dahil kusa nang lumipad ang katawan ko at humanap ng sariling daan patungo sa aking misyon.

Katulad ng inaaasahan ay kasalukuyan nang nakaupo sa kanilang mga trono ang pitong simbolikong nilalang, habang nananatiling blangko ang upuan ni Diyosa Eda.

Hindi man ako nakikita ng mga nilalang sa panahong ito, hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam ko at ang pagnanais kong manatiling dumaan doon sa lugar na iilan lang ang mga dumaraan.

Sa ngayo'y naniniwala ang lahat na tanging si Diyosa Eda lamang ang nakababa rito sa lupa. Napailing na lamang ako, kahit noong mga panahong ako'y nakatira pa sa buwan, pinaniwalaan kong hindi ganoon kadaling bumaba rito ngunit tila gumamit sila ng pinagbabawal na paraan upang masigurong masusunod ang kanilang mga plano.

Sumulyap ako sa gitna ng bulwagan, kasalukuyan nagpapakilala ang mga naunang grupo kina Dastan. Hindi man nila inaasahan na may ganitong parte sa pagdiriwang, alam kong magagawan ito ng paraan ng magkakapatid.

Walang imposible sa kanila, lalo na sa tuwing sila'y magkakasama.

Tinanaw ko muli ang posisyon ng mga matataas na trono, wala pa rin doon si Diyosa Eda. Hindi dapat ako kabahan ng mga oras na iyon, dahil may ideya na naman ako sa susunod na pangyayari, walang aberya sa pagdiriwang na ito at bibilang pa ng ilang buwan bago pumutok ang tunay na gulo. Ngunit nasisiguro ko na palihim na silang kumikilos sa mga oras na ito.

Isa pa rin sa bumabagabag sa akin ay kung bakit narito sina Haring Thaddeus at Danna? Totoo nga kaya ang sinabi ng isa sa Gazellian na matapos nilang tulungan si Diyosa Eda ay muli silang bumalik sa mas maagang panahon? Ngunit bakit?

Habang mariin akong nag-iisip, hindi ko na namalayan kung saan ako dinala ng paglipad ko. Natagpuan ko na lang ang sarili ko sa harapan ng telang asul na kumikinang. Ito'y nasa bandang dulo ng bulwagan kung saan ay kapwa mayroon kawal na nakabantay sa harapan.

Hindi na ako nag-alinlangang pumasok doon. At nang sandaling ako'y tuluyan nang makapasok, ang nagliliwanag na katawan ni Diyosa Eda na siyang nakatalikod ang siyang sumalubong sa akin.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon