Chapter 35

45.4K 4.2K 1.5K
                                        

Chapter 35

Paglalaho

Nang sandaling nagmulat ako ng aking mga mata, ang magkadaop naming mga kamay ni Hua ang siyang una kong nasilayan. Nanatili akong nakatungo roon ng ilang minuto, hindi ko akalain na sa simpleng pagdadaop ng aming mga kamay na iyon ay malayo na ang mararating ko. Na hindi lang pala pagsaksi sa nakaraan ang siyang gagawin ko, kundi mismong pagparte rito.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na ako, si Dastan at ang kanyang mga kapatid ay may higit na parte sa nakaraan. Akala ko noo'y dahil lamang iyon sa kaalamang may natuklasan si Haring Thaddeus tungkol sa mga diyosa at sa pinagmulan ni Reyna Talisha, ngunit talaga palang higit pa roon ang partisipasyon ng magkakapatid na Gazellian.

Sila'y may malaking parte sa nakaraan na kailanman ay hindi nasulat sa kahit anong aklat, o maaaring ito'y binura na—

Unti-unting nag-angat ng tingin ang aking mga mata. Imposibleng hindi magkaroon ng kahit kaunting bakas ng mga Gazellian ng panahong iyon. Kahit gumawa ng paraan si Finn, mayroon pa rin maiiwan na maliit na bakas.

Ngunit bago pa lumabas sa mga labi ko ang sarili kong katanungan, nasagot na iyon ng aking isipan.

Haring Thaddeus.

Siya lamang at ang paglalakbay nila ni Danna ang siyang lumabas sa nakaraan at tanging nalalaman ngayong kasalukuyan. Si Diyosa Eda mismo ang nagsabi na hindi ang tulong nina Danna at Thaddeus ang kailangan niya ng mga panahong iyon. Ngunit kung hindi man direkta sa kanya ang hakbang na ginawa ng dalawa, nasisiguro ko na hindi sila basta na lang nagtungo roon na walang kontribusyon sa ikabubuti ng hinaharap.

Malaki ang posibilidad na nilinis na nina Danna at Haring Thaddeus ang maaaring bakas na iniwan ng magkakapatid.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko. Hindi ko maintindihan ang dapat kong maramdaman, nalulungkot, humahanga, nangangamba?

Lahat ay tila planado... plando ngunit ang katapusan ay kay sakit.

Huminga ako nang malalim. Mapait ang ngiti sa akin ni Hua na hanggang ngayon ay nakadaop pa rin ang kamay sa akin. Nasagot na ang lahat ng katanungan sa isip ko.

Hindi si Haring Clamberge ang siyang matinding kalaban ng Nemetio Spiran. Kundi ang mismong pinagmulan ko. Ang mundong inakala kong perpekto at habang buhay kong titingalain.

Nang sandaling saglit kong ipinikit ang aking mga mata upang balikan sa aking isipan ang lahat ng pinagdaanan ko sa nakaraan, lahat ng iyon ay kay linaw at kay sariwa. Alam kong hanggang ngayon ay nakikipagsapalaran pa ang natitirang magkakapatid na Gazellian sa nakaraan, ngunit nasisiguro kong sila'y magbabalik at magtatagumpay. Lahat kami'y sabay-sabay haharap sa digmaan dala ang aming pinakamalakas na sandata— ang isa't isa.

"Hua..."

Ngayon naman ay ako ang mapait na ngumiti sa kanya. Hindi ko akalain na ganoon kalaki ang magiging partisipasyon ko at ng mga Gazellian sa nakaraan... sa pitong matataas na trono, sa pagdiriwang, kay Diyosa Eda, at maging kay... natigil ang pag-iisip ko nang sandaling putulin iyon ng malakas na halakhak ng prinsipeng may pinakamalaki rin partisipasyon sa lahat.

Bago ako tuluyang humiwalay kay Hua ay mas dumiin ang pagkakahawak ko sa kanyang kamay. "Ipinapangako ko, Hua, lilinisin ko ang pangalan ng iyong hari. Ipinapangako kong isisiwalat ang totoong pangyayari sa nakaraan at wala nang iba't ibang bersyon ang kakalat sa mundong ito, kundi tanging ang bersyon ko lamang."

Lumambot ang ekspresyon ni Hua sa sinabi kong iyon. "Nangangako ako, Hua."

"Maraming salamat, Leticia... maraming salamat... mahal na reyna." Nangangatal pa ang mga kamay ni Hua nang dalhin niya ang dalawa kong kamay sa noo niya at marahan siyang yumuko sa akin.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon