AN: You can listen to the music above. You can imagine it as the song of the performance.
Chapter 33
Paglinlang ng Reyna
Bagaman natapos na ang pagpapakilala ng magkakapatid na Gazellian, at nasundan na iyon ng iba pang grupo, ang impresyong kanilang iniwan sa kabuuan ng bulwagan ay talagang nag-uumapaw, na kahit gaanong ganda ang masaksihan ng lahat mula sa iba pang manananghal ay hindi pa rin makaahon ang libong mga mata sa pagkamangha sa magkakapatid.
Wala na sa gitna ng bulwagan ang posisyon ng magkakapatid at kasalukuyan na silang nasa tabi para panuorin ang kanilang mga katunggali, ngunit ang atensyon ng nakararami'y nakasunod sa kanila.
Ipinagpatuloy ko ang pagpapanggap na Diyosa Eda habang ibinibigay ang atensyon sa bawat grupo, ngunit hindi rin nagtagal ay nagsimula na rin kumilos ang magkakapatid na Gazellian.
Wala na sa kumpulan ng magkakapatid si Casper, at nakita ko na lang ang pinakabatang prinsipe ng Gazellian na nakasuot na ng uniporme ng kawal ng palasyo. Siya'y kasalukuyan nang nasa likuran ni Filipus Vidarr, ang demonyo habang nakayuko na tila may mensaheng ibinubulong.
Nang sandaling matapos si Casper sa pagbulong ay tipid na sumulyap sa akin si Filipus Vidarr, hindi na siya nagpaalam sa kahit kanino mula sa natitirang trono at hindi na siya nag-aksaya ng oras na tumayo at iwan ang kanyang pwesto.
Huminga ako nang malalim, pinanatili kong nakakrus ang aking mga hita at hinayaang lumilis ang aking nagningning na kasuotan, dahilan kung bakit lumantad iyon sa harapan ng mga tumititig sa akin.
Itinukod ko ang isa kong siko sa aking trono at bahagya kong ipinatong doon ang aking baba habang patuloy ang panunuod sa ibaba.
Kung ang pagkakakilanlan ko sa mga oras na ito'y ako bilang si Leticia, kailanman ay hindi ko magagawang umupo ng ganito, ngunit si Diyosa Eda ay kaiba sa akin. Hindi na ako nagulat nang marinig sa isipan ko ang ilang tikhim ni Dastan.
Bagaman si Diyosa Eda ang nakikita ng lahat sa akin, nasisiguro kong si Leticia pa rin ang nakikita ng aking hari.
"At saan naman magtutungo si Vidarr?" tanong ng isa sa pitong trono.
Wala namang sumagot sa kanya, sa halip ay may ilan lang sumunod ng tanaw kay Vidarr, ngunit sa huli'y nagkibit balikat na lamang. Ilang beses kong tinapik ang aking hintuturo sa kaliwang hawakan ng aking trono. Sila kaya'y may napapansin na sa pagitan ni Diyosa Eda at Vidarr sa panahong ito?
Tipid akong lumingon kay Andronicus Clamberge III, pero agad ko rin binawi ang mga mata ko nang mapansin na bahagya siyang nakangisi habang tila bumubulong kay Erin, ang puting lobo, habang namumula.
Doon ko nakumpirma na hindi pa ginagalaw ng mga diyosa si Clamberge ng mga panahong ito.
Mariin akong napapikit. Kung sana'y hinayaan na lang nila ang kapayapaang ito, kung sana'y hindi na sila naghangad pa ng higit na kapangyarihan, kung sana'y hindi nila inasam ang pagdanak ng dugo.
Naninikip ang dibdib ko sa nasasaksihan ko, dahil alam kong ang kasiyahang ito'y mauuwi rin sa katapusan— isang masalimuot na katapusan.
"Dastan, nakahanda na ba siya?"
"I will kill him if he's not."
"Dastan!"
Tipid na tumawa si Dastan sa isipan ko. Habang patuloy ang pagpapakilala ng iba't ibang grupo, unti-unti rin nauubos ang magkakapatid na Gazellian sa kanilang kumpulan kanina upang gawin ang kanilang misyon.
Si Casper ay nilapitan na si Filipus Vidarr at nasisiguro ko na siya na ring magdadala kay Diyosa Eda, si Finn ay nanatili sa tabi ni Dastan upang manipulahin ang mga Gazellian sa panahong ito upang hindi sila makilala, si Lily ay kasalukuyang gumagawa ng paraan upang kuhanin ang atensyon nina Diyosa Neena at Diyosa ng asul na apoy at si Evan na nakaantabay sa biglaang maaaring mangyari.
BINABASA MO ANG
Moonlight Throne (Gazellian Series #6)
VampireJewella Leticia is willing to face the biggest war to rewrite the conflicted past of Nemetio Spiran- a world she thought she would only need to see from above. *** To face a war with the greatest support of the most powerful family in Parsua Sartori...