Hi, angels! Sorry if it took so long before I finally had this update. I focused on the Island Trap first. Haha. I was a bit hesitant to write this a while ago since I couldn't find the feel yet. The genre of the two stories is too different, and I had a hard to switch. But when I started to write Leticia's POV, she immediately overwhelmed me. Iba pa rin talaga kapag Gazellian Series ang sinusulat ko, parang laging sasabog ang puso ko sa feels.
I hope you'll feel it this chapter. And yes, I am back in Gazellian Series! Yay!
Chapter 19
– REYNA –
Plano
Nang mga panahong nasa murang edad pa lamang ako, tanging Deeseyadah lamang ang kinikilala kong nagniningning at nagliliwanag. Ang mundong kinamulatan ko... ang mundo ng mga diyosa na inakala kong isang perpeksyon.
Deeseyadah... na maaaring iwangis sa mga ginto, diyamante, esmeralda o kahit anong klase ng magagandang batong nalikha mula sa iba't ibang mundo.
Nasabi ko sa sarili ko na napaka-swerte kong ipinanganak sa Deeseyadah, sa mundo ng mga diyosa na tanging kabutihan at pagmamalasakit lamang ang siyang namamayani... na tanging init ng pagkakaisa, pagmamahalan at pagtutulungan ang siyang bumubuhay sa bawat isa, na ang lamig ay tila wala nang paglagyan.
Ang Deeseyadah ay Paraiso na naglalaman ng mga nagliliwanag na nilalang... ang mga diyosa at ang kanilang mga puso na maging ang mga magagandang bato'y hindi mapantayan... ngunit nang sandaling sumiklab ang apoy ng katotohanan, unti-unti akong namulat sa liwanag na akala ko'y tahanan... at nagising sa liwanag na nakasisilaw at nakabubulag.
Ang Deeseyadah ay hindi kailanman naging Paraiso, kundi isang malaking panlilinlang sa mga matang ilan-daang taon nang nasisilaw sa liwanag na inakala nilang pag-asa.
Si Dastan... ang Parsua Sartorias, ang mga unang diyosang bumaba mula sa Deeseyadah at binansagang mga traydor at ang iba't ibang nilalang na sumubok isiwalat ang lahat ng katotohan ang siyang nagmamay-ari ng totoong liwanag.
Liwanag— na ngayo'y tinataglay na ng isinumpa kong haring habambuhay kong titingalain. Ang aking hari... ang aking minamahal na Hari ng Sartorias.
"Mahal ko..." usal niya sa akin.
Ang mga mata niya'y nagniningning sa nagbabadyang luha dahil sa mga katagang binitawan ko.
Nagkaroon man kami ng masakit na nakaraan ni Dastan, mga desisyon na halos pumutol sa aming dalawa, tumulo man ang walang katapusang mga luha at lumabas man ang mga salitang hindi namin akalain na lalabas sa aming mga labi laban sa isa't isa... namayani pa rin ang aming pagmamahalan.
Buong akala ko'y pipiliin ko lamang ang anak namin at siya'y mananatiling ako lamang ang pipiliin, ngunit nang dahil na rin sa tulong at suporta ng kanyang mga kapatid, nagawa namin paliwanagan at ipaintindi kay Dastan ang lahat... na ang problema'y hindi sa kanya lamang dahil siya ang hari.
Siya'y haring may reyna... siya'y may haring may batalyong ang katapatan ay hindi mapapantayanan ng kahit anong malakas na diyosa. Siya'y haring hinubog para hindi mag-isa, nasa likuran ang mga kapatid niya... nakaagapay at laging nakahawak sa kanyang likuran— at ngayo'y nadagdagan pa ng panibagong pag-asa... ang aming munting prinsipe.
"Hawakan mo siya, mahal ko..." nang sabihin ko iyon mas lalong lumalim ang pagtitig niya sa akin.
Alam ko ang ibig sabihin niyon, ramdam ko ang sakit na ipinakikita ng mga mata niya sa sitwasyon namin ngayon. Magkasama man kami at nagagawang ipahayag ang aming pagmamahal sa isa't isa, iba rin ang maramdaman ang init ng aming mga yakap.
BINABASA MO ANG
Moonlight Throne (Gazellian Series #6)
VampireJewella Leticia is willing to face the biggest war to rewrite the conflicted past of Nemetio Spiran- a world she thought she would only need to see from above. *** To face a war with the greatest support of the most powerful family in Parsua Sartori...