Dedication to Christian Dy Regatcho
Chapter 17
-- REYNA --
Pagkikita
"Mahal ko..." usal ni Dastan.
Malayo man ang distansyang nakapagitan sa aming dalawa, ang mga mata nami'y iisa ang tinutuon.
Ang isa't isa...
Tila naglahong saglit ang dambana sa aking likuran, si Haring Clamberge at ang mga pangarap niya sa puting lobo at kay Hua na matapat siyang pinaglilingkuran. Dahil ang mundo ng nakaraan ay sandaling aming inangkin ni Dastan.
Ang kaninang pino at maingat kong mga hakbang sa dambana'y kusang bumilis at lumaki, dahil sa tindi ng aking antipasyong siya'y muling mayakap.
Hindi naging maganda ang huli naming pagkikita na halos ibato ko sa kanya ang lahat ng muhi, galit at sisi dahil sa mga sunud-sunod na masalimuot na pangyayaring aming nararanasan.
Inaamin ko na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya lubusang napapatawad sa paraan niya, sa kanyang mga lihim at hakbang na hindi man lang inisip ang aking mararamdaman, ngunit hindi ko maipagkakaila ang matindi kong pagmamahal sa kanya.
Ang pananabik...pangungulila at pag-asang sana'y matapos na namin ang malaking gulong ito sa buong emperyo. Na sana'y kami'y magbalik, matapos ang giyera, kasama ang kanyang buong pamilya, ang mga nilalang na tumutulong sa amin at ang aming munting prinsipe.
"D-Dastan..."
Kung ang aking mga paa'y halos umangat na sa ere dahil sa tindi ng aking pananabik sa kanya, si Dastan ay nanatiling nakapako sa kanyang kinatatayuan, pero alam ko sa sarili kong nakikita niya ako... naghihintay at katulad ko'y lubos din nananabik.
Tuluyan na nga akong lumipad patungo sa kanya habang nakabukas ang aking mga braso upang salubungin siya ng yakap. Tila hangin na lamang sa aking mga mata sina Hua at Haring Clamberge dahil si Dastan na lamang ang siyang aking tanging nakikita.
Si Dastan ay kusa na rin ibinuka ang kanyang mga braso para sa akin, ang aming mga mata'y nagningas ng magkaibang kulay, gumuhit ang ngiti sa aming mga labi at ang sabay na tibok ng aming mga puso'y sabay na nagdiwang.
Ngunit ang kasiyahang iyon ay panandalian lamang... dahil nang sandaling abot kamay na namin ang isa't isa at inaasahang muling madadama ang init ng isa't isa'y tumagos ang aming mga katawan.
Ang aking mga brasong inakala kong yayakap sa kanya'y nabitin sa ere habang napatulala ako sa kawalan, samantalang si Dastan ay nanatiling nakatalikod sa akin na katulad ko'y natigilan. Hanggang sa mapait na lang akong napangiti sa hangin.
Bakit ko nga ba kinalimutan? Sa magkaibang paraan kami nakarating dito ni Dastan. At ang mayakap ang isa't isa'y imposible sa pagitan namin.
"D-Dastan..." nanatili akong nalutang sa ere. Hindi muna ako nagtungo sa harapan niya, sa halip ay kusa lamang akong lumapit sa likuran niya at marahan kong inihilig doon ang aking noo na parang nadadama ko siya ng pisikal.
Hindi ko mapigilan ang aking luha.
Gusto ko siyang yakapin, gusto ko siyang hagkan, gusto kong maramdaman ang haplos niya... ngunit ito at laging may nakahadlang sa pagitan naming dalawa.
"Mahal ko..."
Si Dastan na mismo ang siyang humarap sa akin. Pinili ko ang sarili kong manatiling nakalutang upang mas magtama ang aming mga mata.
Nag-angat ang kanang kamay niya na parang hinahaplos niya ang pisngi kong may bahid ng aking mga luha.
"Mahal ko..." mas mahina at malambot na usal niya sa akin.
BINABASA MO ANG
Moonlight Throne (Gazellian Series #6)
VampireJewella Leticia is willing to face the biggest war to rewrite the conflicted past of Nemetio Spiran- a world she thought she would only need to see from above. *** To face a war with the greatest support of the most powerful family in Parsua Sartori...
