Chapter 41

41.1K 4.2K 1.9K
                                    

Chapter 41: Kumpleto

Tila higit na sumikip ang dibdib ko sa hagulhol ng pinunong anghel. Mga luhang ilan daang taon niyang kinimkim. Sino nga ba ang maaari niyang paglabasan ng kanyang sakit at sama ng loob na umukit sa kanyang dibdib ilang daang taon na ang lumipas?

Dahil kung ako man ang nasa kanyang posisyon, marahil ay aasa rin ako. Iba ang lakas ng kapangyarihan ng pag-ibig na nagagawa nitong higitan ang napakaraming taon.

Sina Kalla, Iris at Claret ay pinili na lamang ilihis ang mga mata sa ibang direksyon upang hindi tuluyang masaksihan ang paghihinagpis ng anghel. Dahil bukod sa akin, sina Kalla at Claret ang higit na nakaalam ng matinding epekto ng pagmamahal sa isang Gazellian.

Hindi sila mahirap mahalin...

Sana'y ganoon din sila kadaling kalimutan para sa mga babaeng hindi pinalad.

Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi habang ang mga mata'y nanatiling nakatuon sa anghel na sapo na ng mga palad sa sariling mukha, nais ko siyang lapitan at yakapin, ngunit nasisiguro kong hindi niya iyon magugustuhan.

Saglit kong sinulyapan si Harper. Ang mga mata niya'y hindi man lang natinag at nanatiling diretso ang titig niya sa lumuluhang anghel, ngunit kahit pilit man patatagin ni Harper ang ganoong ekspresyon at anyo, nakikita ko pa rin ang paghihirap niya. Nasisiguro kong katulad ko'y pinipigilan niya ang kanyang sariling yakapin ang anghel.

Samantalang ang mga anghel na nakapalibot sa amin ay piniling tumahimik at nanatili sa kanilang mga posisyon. Bakas din ang pag-aalinlangan, kalituhan at pag-aalala sa kanilang mga mata, ngunit tila nalalaman din nila kung ano ang higit nilang dapat gawin sa mga oras na iyon—ang hayaan ang kanilang pinunong lumuha.

Nasasaktan ako para sa kanya. Lalo na sa kaalamang ang kanyang suliranin sa pag-ibig ay kailanman ay hindi ko magagawang tulungan.

Sa paanong paraan nagawang paibigin ni Haring Thaddeus ang napakaraming babaeng ito at manatiling tapat sa kanya sa nakalipas na napakaraming panahon?

Ilang minuto sigurong natahimik ang lahat at hindi man lang gumawa ng kilos, ngunit tanging si Harper lang ang siyang naglakas ng loob muling kausapin ang pinunong anghel.

Tatlong beses siyang marahang humakbang at nang masiguro niyang nasa tamang distansya siya ay bahagya siyang yumuko sa pinunong anghel habang nakalahad ang kanyang palad.

Tinanggal na ng pinunong anghel ang kanyang mga palad sa kanyang mukha at taas noo niyang sinalubong ang mga mata ni Harper sa kabila ng bakas ng mga luha sa kanyang pisngi.

"Tanggalin mo iyang kamay mo. Hindi ko kailangan ng tulong mo."

Tipid na ngumiti si Harper habang nanatili pa rin nakayuko at nakalahad ang kamay. "I am not helping you. Give me the relics."

"Harper..." rinig kong usal ni Claret.

Umawang ang bibig ng pinunong anghel at napahugot siya ng paghinga na parang hindi niya inaasahan na iyon ang sasabihin ni Harper.

"Y-You insolent princess—" pinutol siya agad ni Harper. "I am. Now, give me the relics."

Magsasalita pa sana ang pinunong anghel nang sandaling ibuka niyang muli ang kanyang mga labi, ngunit nang mariin silang magtitigan ni Harper ay napabuntonghininga na lamang siya.

Gumawa siya ng senyas sa kamay niya dahilan kung bakit may mga anghel na lumapit sa kanya para alalayan siyang tumayo. Tila ang panunuyang iyon ni Harper ang nagpabalik sa kanyang kaninang presensiya. Taas noo niyang inilahad ang isa niyang kamay na agad nagliwanag, hindi na rin kami naghintay nang matagal nang ipakita na ng pinunong anghel ang maliit na kahon na sa sandaling buksan ay nagbibigay ng magandang musika.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon