04

59 25 0
                                    

Naubos ang oras ko sa pagpapahinga sa clinic. Narinig ko na ang nagkakagulong mga studyante hudyat na uwian na. Mabilis kong sinilid sa bag ko ang manga na binabasa ko kanina.

"Oh? Kumusta pakiramdam mo?" tanong ng nurse sa akin pagkalabas ko galing sa dulong parte ng clinic.

"Medyo maayos na po," sabi ko naman.

"Mabuti naman. Umuulan sa labas, may dala ka bang payong?" tanong pa niya.

"Wala po," mahinang sagot ko naman.

"Wala rin akong payong dito. Paano ka niyan makakauwi?" Nag-aalalang tingin ang binigay niya sa akin.

"Okay lang po, hihintayin ko na lang pong tumila." Bahagya pa akong ngumiti para ipakitang ayos lang talaga.

"O, sige. Mag-ingat ka pauwi."

Nakangiti akong lumabas nang clinic. Kahit papaano pala ay may taong totoo ang pinapakita sa akin.

"Ang lakas ng ulan!" gulat na sabi ko pagkakita sa paligid.

Wala akong dalang panangga sa ulan kaya naman mababasa ako kung sakaling tumakbo ako para lumipat sa malapit na room.

"Maligo na lang kaya ako sa ulan?" Pagkausap ko sa sarili ko. Agad din naman akong umiling nung marealize na mababasa ang mga gamit ko kapag ginawa ko 'yon.

"Titila rin naman siguro agad 'to," muling sabi ko pa at umupo sa bench ng clinic. Magbabasa na lang ako habang naghihintay na tumigil ang ulan.

Josaiah: Wala kang payong?

Nagulat ako sa linya ng lalaking bida. Bakit parang tumugma sa nangyayari sa akin ngayon.

Sabrina: Nakalimutan ko sa bahay.

Parehas sila ngayong nasa waiting shed habang bumubuhos ang ulan. Silang dalawa lang ang naroon habang ang ibang studyante ay may mga payong at naglalakad na ang mga ito.

Josaiah: Hintayin na lang muna nating tumigil ang ulan.

Tiningnan ko ang litrato ni Josaiah. Ganoon pa rin ang itsura niya, wala pa ring emosyon. Nakapamulsa ang mga kamay at nakatingin lang sa harapan, sa mga patak ng ulan.

Sabrina: Wala ka ring payong?

Nakatingin naman si Sabrina sa kan'ya. Matangkad si Josaiah kaya naman maliit tingnan si Sabrina.

Josaiah: Wala, hindi ako nagdadala ng payong.

Sa sumunod na pahina ay nakatingin pa rin si Sabrina kay Josaiah. Katulad ng ginagawa ko ngayon. Matagal akong napatitig sa mukha ni Josaiah.

Kung babasehan ang itsura, ang edad ni Josaiah ay parang nasa 14 pero kung sa libro naman ang babasehan ay nasa 19 na ito.

Sabrina: Tumigil na ang ulan.

Pagpapatuloy ko sa pagbabasa. Hindi ako makapagbasa nang maayos dahil nararamdaman ko ang basa sa braso ko. Lumalakas ang ulan kaya umaanggi na rito sa pwesto ko. Mabilis akong tumayo at lumipat ng pwesto.

Josaiah: Sa susunod ay magdala ka ng payong o kahit anong panangga sa ulan.

Nakatitig sa akin ang litrato niya. May kung ano sa litratong iyon. Parang totoo s'yang nakatitig sa akin. Para bang sa akin niya pinaparating ang sinabi niya kay Sabrina.

Sabrina: Ikaw rin, magdala ka ng payong mo.

Sumulyap ako sa mga dumaraan. Lahat sila ay may payong at sinusuong ang ulan. Anong oras pa ako makakauwi kung hihintayin ko ang pagtigil ng ulan.

"Tumakbo na lang kaya ako?" Umakma na akong tatayo. Napatingin ako sa librong hawak ko nung biglang parang bumigat ito na dahilan ng biglaang pagbalik ko sa upuan.

Josaiah: Madulas sa daan. Mag-ingat ka.

Pinagpatuloy ko ang pagbabasa. Nawiwirduhan ako dahil sumasakto talaga sa nangyayari ngayon ang nababasa ko. Alam kong nagkataon lang naman lahat ng 'to.

Sabrina: Hindi naman ako madudulas. Sanay ako sa ganito.

Nakangiti si Sabrina habang nakatingin kay Josaiah. Ang lalaki naman ay hindi nagbago ang mukha, nanatiling walang emosyon.

Hindi pa rin tumitigil ang ulan at parang mas lumalakas pa ito. Tinigil ko muna ang pagbabasa at pinanood ang bawat patak ng ulan, katulad ng ginawa ni Josaiah kanina sa nabasa ko.

"Paano ako uuwi nito?" tanong ko sa sarili. Madilim na dahil sa ulan at malapit na ring maggabi pero narito pa rin ako at naghihintay tumila ang ulan.

"Hija, ito ang payong gamitin mo na," sabi ng isang matanda sa akin. Hindi ko siya kilala.

"Nako, kayo na po ang gumamit niyan, lola."

Ngumiti siya sa akin. "Ayos lang ako, ikaw ang gumamit nito, mas kailangan mo ang payong ko."

Alangan man ay inabot ko na rin ang payong na binigay niya. Nahihiya ako sa kaniya dahil siya ang walang magagamit ngayon.

"Ibabalik ko po bukas ang payong ninyo, dito rin po sa pwestong 'to ako maghihintay sa inyo," sabi ko naman na nginitian niya lang.

"Mag-iingat ka pauwi," bilin niya pa. Binuksan ko na ang payong na bigay niya at naghanda na sa pag-alis pero bago 'yon ay nilingon ko ang matanda para sana magpasalamat pero wala na ito sa tabi ko.

"Ang bilis namang umalis ni Lola." Nilibot ko pa ang paningin ko sa paligid. "Saan s'ya dumaan?"

Hindi ko na lang pinansin ang pagkawala ng matanda at nagsimula na akong maglakad para makauwi na ako. Saktong-sakto ang payong sa akin pero ang gamit ko ay medyo nababasa. Nilagay ko sa harapan ko ang aking bag at niyakap ko 'yon.

"Basang-basa ka!" bungad ni Mama sa akin pagka-uwi ko.

Mabilis kong sinara ang payong at bahagyang pinagpag ang sarili. Nabasa nga ako, pero malaking tulong naman ang payong kahit papaano.

"Aabutin ako ng gabi kapag naghintay akong tumigil ang ulan, Ma."

"Kanino ka nanghiram ng payong?" tanong niya habang kumukuha ng pamunas ko.

"May matandang nagpahiram sa akin. Ibabalik ko sa kaniya bukas kapag nagkita kami," sagot ko naman at nilapag ang gamit ko sa isang silya. Paniguradong basa ang mga gamit ko.

"Mabuti naman pala at may nagmagandang loob na nagpahiram sa iyo," Inabot niya sa akin ang tuwalya. "Magbihis ka na at mag-asikaso ng mga gamit mo, basa na iyan panigurado."

Sumunod ako sa sinabi ni Mama. Mabilis ang naging pagkilos ko sa pagligo at pagbibihis. Nang matapos ako ay inasikaso ko na ang bag ko. Tama ako, basa lahat ng gamit pang eskwelahan ko. Pero isang bagay ang sobrang nakapagpataka sa akin.

"Bakit hindi nabasa ang manga ko?" mahinang sabi ko sa sarili ko at kinuha ang manga. Napakaayos pa nito katulad ng unang pagkabigay sa akin. Walang lukot, walang dumi at lalong hindi nabasa ng ulan.

Paano nangyaring hindi tinablan ng ulan ang librong 'to? Halos lahat ng gamit ko ay basa maliban dito.

To be continued. . .

OCHINAIDE (BOOK 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon