Chapter 48 : Backstory VI

17 4 0
                                    

NAGMADALI ako sa paglalakad kahit gabi na. Mabilis lang naman akong nakarating sa nayon dahil sa aking kapangyarihan.



Katahimikan ang bumungad sa akin pagkarating ko roon. Lahat ay nagpapahinga na at ilang lampara na lamang ang nakabukas.



Nilibot ko ang buong nayon dahil hindi ko alam kung saan ko mahahanap ang tirahan ni Zayana.



Maingat akong sumilip sa mga kabahayan na malalagpasan ko at tanging mga normal na taga-nayon lamang ang nakikita ko. Kailangan ko nang makita agad kung saan siya nakatira.



Napahinto ako sa paglalakad nang makarinig ng mga kaluskos sa paligid. Ramdam ko na may palihim na nagmamasid sa akin kaya kailangan kong mag-ingat. Hangga't maaari ay walang dapat na makaalam tungkol dito.



Nagmadali na ako at napatigil nang makita ko ang isang malaking tahanan. Ito na nga siguro ang hinahanap ko. Pero mukhang mahimbing na silang natutulog. Paano ko makakausap si Zayana at maibigay ang sulat na ito?



Kung hindi ko siya makakausap, iiwan ko na lang ang sulat na 'to. Papasukin ko na ang loob dahil nararamdaman ko na nasa paligid pa rin ang kung sino mang nagmamasid sa akin.



Nakakita ako ng isang maliit na lamesa kaya iniipit ko ang sulat sa isang libro na naroon saka ako nagmadaling lumabas.



"Sino ka? At ano'ng ginagawa mo rito?" nabigla ako nang may magsalita mula sa aking likuran. Sinasabi ko na nga ba't may nagmamasid sa akin. Kailangan ko nang makabalik sa aming tahanan sapagkat nararamdaman ko ang panganib dito.



Aalis na sana ako nang makaramdam ako ng tila kakaibang enerhiya na bumalot sa aking katawan. Hanggang sa nanghina ako at unti-unting dumilim ang paligid.



At nawalan na ako ng malay...




×××




HINDI pa rin maalis sa aking isipan ang batang nabangga ko kahapon. Nabanggit niya sa akin na nakita niya sa kaniyang panaginip ang patungkol sa markang nasa aking palad.



Ramdam ko na may maitutulong ang batang iyon sa markang ito. Kailangan ko siyang makitang muli upang makausap.



"Zayana, may magaganap na pagpupulong mamaya. Pag-uusapan ang patungkol sa papalapit na digmaan sapagkat nagpadala si Zino ng kaniyang tauhan na nagsabing sa pagsapit ng kabilugan ng buwan magaganap ang digmaan..." tinanguan ko na lamang ang aking ama sa kaniyang ibinalita.



Kailangan na naming maghanda ngayon pa lamang upang maging handa sa magiging digmaan. Hindi ko pa alam kung ano ang magiging plano upang hindi madamay ang mga kasamahan namin, lalong-lalo na ang mga paslit sa digmaan. Kinakailangan naming pag-planuhan ito ng mabuti dahil ayoko nang maulit ang naganap sa nakaraang digmaan namin laban kay Maze.



Maraming buhay na ang nasayang at ayokong mangyari iyong muli. Sisiguraduhin kong makakamit na ng lahat ang kapayapaan at katahimikan. Kahit buhay ko man ang maging kapalit...



"May nais akong ipaalam sa iyo. Nanaginip ako kagabi na may isang bagay na makapangyarihan. May isang tao ang nakakaalam ng tungkol sa bagay na iyon ngunit hindi ko siya makilala." nagtaka ako sa sumunod na sinabi ni ama. Ano ang ibig niyang sabihin?



"Ang bagay na iyon ang magiging daan para sa kapayapaan at katahimikan." pagpapatuloy niya pa kaya napaisip ako. Hindi kaya may kinalaman ang markang ito sa sinasabi ni amang Rani?



AyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon