THREE

3.3K 208 30
                                    

Date


"Papa, ang usapan ay isang linggo!" Pabagsak na binitawan ko ang kutsara at gumawa iyon ng ingay. Agad na lumigid ang luha sa aking mga mata. Tinapunan ako ng masamang tingin ni Tiya Lorna. Hindi nito nagustuhan ang aking inasal. Gusto kong pagsisihan ang ginawi ko sa harap ng grasya pero mabigat ang kalooban ko. Hindi ako handa sa sinabing iyon ni Papa.

Papa Norman side-eyed me. Mabait ang Papa ko. Kahit madalas ay lumalabas ang sungay ko, nasasagot si Mama ng pabalang, hindi pa ako kailanman pinagalitan ni Papa. Ang lagi nitong ginagawa ay kinakausap ako sa mahinahon na paraan. Hindi ko matandaan na pinagtaasan ako nito ng boses.

Kumagat-labi ako at humikbi. Kung nandito lang si Krizette ay tiyak akong kanina pa iyon nagtatalak. Kaso, ang pinsan ko ay lumuwas na pabalik ng Maynila kaninang umaga dahil sa kulang daw ng staff sa store na pinapasukan nito. Kung alam ko lang ay sana sumabay na lang ako sa kanya.

"Kuya, tatlong araw pa lang ang pamangkin ko dito. Bakit naman biglaan agad ang kanyang pagluwas sa Maynila?" Hindi na pagilan ni tiya ang magtanong. Inusog nito sa direksiyon ko ang bandihado na may lamang adobong manok. She inclined towards to me. "Kumain ka pa." She whispered.

Si Papa naman ay bumuntong-hininga. Binaba nito ang hawak na kubyertos at humarap sa akin. Inabot nito ang aking kaliwang palad at pinaloob sa kanya. "Nagbago isip ng Mama mo anak, e. Kailangan ka daw niya dun. Nalulungkot siguro ang Mama mo dahil siya lang mag-isa sa bahay."

Halos gusto kong tumawa sa sinabi ng aking ama. Alam naming pareho na malayo iyon sa katotohanan. Kailan pa nalungkot si Mama? Kapag nasa bahay nga kami pareho ni Papa ay siya nga iyong panay alis ng bahay at madaling-araw na kung umuuwi? Si Mama ang klase ng taong hindi mo mapapapirmi sa bahay ng buong araw.

Alam ko kung bakit sinabi iyon ni Papa. Ayaw lang nito na mas mapasama si Mama sa mata ni Tiya Lorna. Pero kahit hindi namin sabihin, alam ni tiya na hindi masaya ang pamilya namin. Alam ni tiya na may problema sa kanilang mag-asawa.

"Kailangan niya si Mira? Dahil ba wala siyang mautusan sa mga gawaing bahay?" Si tiya na umismid kay Papa. "Dito lang si Mira. Luluwas siya sa Sabado katulad ng napag-usapan."

"Lorna." Matigas na tawag ni Papa sa kanyang pangalan. "Luluwas si Mira bukas. Mahaba pa naman ang bakasyon. Pwede ka pang bumalik dito sa Batangas, anak. Hayaan mo at kakausapin ko ang iyong ina."

Nagpahid ako ng mga luha gamit ang likod ng aking palad. Pagkatapos ay pinagdiskitahan ko ang laylayan ng aking T-shirt at kinusot-kusot iyon. I was angry but I couldn't show it to them.

"Mira." Pagsusumamo ni Papa.

Kahit labag man sa loob ko ay inangat ko ang aking tingin sa kanya at tumango.

Inabot ni Papa ang likod ng aking ulo at banayad na hinaplos iyon. "Mahal mo naman si Mama mo di ba? Unawain na lamang natin siya. Hindi man sabihin ng Mama mo, alam kong mahal niya tayo at kailangan niya tayo."

Si Tiya Lorna ay napapailing na lamang. Ano pa ba ang magagawa ko? Kahit ano pa ang sabihin ni Mama ay sinusunod lagi ni Papa. Parang ginawa na niyang panata sa buhay ang pagsilbihan si Mama sa abot ng kanyang makakaya. Pero tama din naman si Papa. Kahit malamig ang pakikitungo ng aking ina sa akin, mahal ko pa rin ito.

Ipinaglagay ako ng kanin ni Tiya sa aking plato. Umiling ako pero pinanliitan lamang ako nito ng mga mata. Wala na sana akong balak pang kumain. Nakakawalang-gana naman kasi ang biglaang anunsiyo na iyon ni Papa.

Tumayo si Papa kahit may laman pa ang kanyang plato. Tinignan nito ang kanyang relong pambisig.

"Kailangan ko nang bumalik sa Villa Alcantara. Tutungo kami sa Laguna ni Leona."

Fortress Island Series 2 Romano: Can't We Try (BOOK 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon