Kwentong pang undas

7.5K 72 1
                                    

Kwentong pang undas

Kapag ganitong malapit na ang Araw ng mga Patay, parang nakasanayan na ng marami na magkwentuhan tungkol sa mga kababalaghan. Parang ang saya kasi makinig sa mga nakakatakot na kwento lalo na kapag marami kayong magkakasama.

Inaamin ko na madali akong matakot pero ewan ko ba, mahilig pa din ako makinig sa mga nakakatakot na usap-usapin at manood ng mga nakakagimbal na palabas tungkol sa mga multo, aswang, kapre, mananaggal, white lady, at mga ibang nilalang. Nagkukunwari ako na matapang sa umaga pero kapag unti-unti nang dumidilim, para bang nanunumbalik ang mga kwentong narinig ko at mga pelikula at programa na napanood ko. Lumalabas din ang tutoo kahit gaano ko pa itago. Umiiral ang takot sa dibdib ko. Madalas nga akong pagsabihan ng asawa ko kasi mahilig ako manood ng mga horror na palabas at pelikula pero saksakan naman ako ng duwag kapag dating sa gabi. Nahihirapan ako matulog dahil malakas ang aking guni-guni. Naiinis naman minsan ang asawa ko dahil kapag hindi ako makatulog, siya naman ang kinukulit ko para damayan ako.

Ngayong malapit na ang Halloween, uso na naman ang mga nakakatakot na kwento at palabas. Nais kong ibahagi ang ilan sa mga personal na kwento at mga naipasa sa akin ng mga kaibigan, kamag-anak, at ibang mga kakilala.

Bigyan ng kaukulang respeto ang mga patay. Mayroong isang grupo ng mga estudyante ng medisina na binigyan ng pagkakataon ng kanilang propesor na doktor na pag-aralan ang isang patay o cadaver. Bago pa magsimula ang kanilang pag-aaral, sama-sama silang nagdasal. Maayos naman ang lahat ngunit nang lumabas saglit ang doktor at iniwan ang mga estudyante sa laboratoryo, bigla na lamang nilang naisipan pag-tripan ang kawawang patay. Pinagtawanan nila at nilait ang itsura ng cadaver. Hindi na nila binigyan ng respeto ang patay!

Pagkatapos ng kanilang pag-aaral ng cadaver, naghiwalay-hiwalay na ang mga magkakaklase. Noong gabing iyon, sabay-sabay silang dinalaw ng babaeng kanilang pinagtawanan sa kanilang panaginip. Pare-pareho ang panaginip nila. Nakahiga daw sila sa kanilang kama at hindi makagalaw. Nakalutang ang patay na babae sa paanan ng kanilang kama at nanlilisik ang mga mata. Nagising sila na pinapawisan ng malamig.

Kinabukasan noong nagkita-kita sila muli sa klase, nagulat na lamang sila ng malaman na parehong masaklap ang kanilang mga panaginip. Doon na lamang nila naisip na malamang nagalit sa kanila ang patay. Nagsisi sila sa kanilang ginawa. Nag-alay ang mga magkakaklase ng misa para sa kaluluwa ng babae at humingi ng kapatawaran sa pamamagitan ng dasal. Hindi na sila muli ginambala ng kaluluwa sa panaginip. Itinuring nila ang karanasang iyon bilang isang mahalagang leksyon. Mula noon, binigyan na nila ng kaukulang respeto ang bawat patay na kanilang makita.

Mga kaluluwang paslit. Mahigit na sampung taon na si Lito na nagtratrabaho bilang isang gwardiya. Madami na din siyang lugar na binantayan. Noong siya ay in-assign ng kanyang ahensiya bilang gwardiya ng isang paaralan, nakaranas siya ng isang kababalaghan. Madaling araw noon nang makakita siya ng dalawang batang lalaki na masayang naglalaro at nagtatakbuhan sa playground. Nagtaka siya nang makita ang dalawa dahil madaling araw yun at matagal pa ang simula ng klase. Lalapitan na sana niya ang mga bata pero bigla na lamang silang nagtawanan at tumakbo papalayo. Laking gulat na lamang ni Lito nang makita niyang tumakbo ng diresto ang mga bata sa pader. Tumagos sila sa pader na parang hangin lamang. Natigilan si Lito sa kanyang paglalakad at nanlamig ang buong katawan. Mga kaluluwa pala ng mga bata ang nakita niya. Mag-isa lamang noon si Lito kaya takot na takot siya. Hindi naglaon, sumikat na ang araw at dumating na ang kanyang karelyebong gwardiya. Ikinuwento niya ang buong pangyayari sa kapwa gwardiya. Nakarinig na din pala ang kapwa gwardiya niya ng mga boses ng mga bata noong nag-graveyard shift siya ngunit wala siyang nakitang multo. Tinanong niya ang ilang mga guro sa paaaralan, ngunit wala naman daw silang alam na namatay na bata sa paaaralan o sa paligid. Hindi na muling nakita ni Lito ang mga kaluluwang paslit.

Sitsit sa gabi. Madalas akong nagsusulat ng mga artikulo sa gabi habang natutulog ang aking mag-ama. Kapag malamig ang panahon, hindi na namin ginagamit ang aircon. Binubuksan ko na lamang ang mga bintana at tinatali ang kurtina upang pumasok ang hangin.

Isang gabi, ako na lamang ang natitirang gising sa aming pamilya. Mahimbing na natutulog ang aking mag-ama habang ako ay nagta-type sa computer. Bigla na lamang ako nakarinig ng sitsit. Tinignan ko ang aking asawa na natutulog. Akala ko niloloko niya ako. Sabi ko lang, “Dad naman, walang ganyanan.” Nagising siya at mukhang na-alimpungatan. “Bakit mo ako ginising?” tanong ang asawa ko. Medyo natakot na ako at sinabi ko sa kanya, “Ikaw ba yung sumitsit?” Sagot naman ng asawa ko, “Hindi. Kailangan ba naman kina sinitsitan?” Naisip ko, guni-guni ko lang siguro yun kaya humingi ako ng paumanhin sa asawa ko at sinabing bumalik na lamang siya sa pagtulog. Wala pa sigurong sampung minuto, mayroon na namang sumitsit pero klarong galing sa labas. May punong malaki sa tapat ng bintana namin. Hindi na ako tumingin sa labas. Pinatay ko nalang ang laptop ko at dali-daling humiga sa kama. Pinikit ko ang aking mata at nagdasal na sana wala ng magparamdam. Hindi na naulit ang sitsit. Nagpapasalamat ako na yung lang ang nangyari. Di na baleng nakarinig ako ng sitsit, huwag lamang ako makakakita ng multo o anumang kababalaghan.

Kinabukasan, nagbiro ang asawa ko. Sabi niya, siguro mayroon lang nilalang na gusto na ako patulugin kasi madaling araw na. Mula noon, kapag ginagabi ako sa pagsusulat, sinasara ko ang bintana at binababa ang kurtina para wala na akong marinig na sitsit.

Babaeng lumulutang sa daan.

Ang magkasintahang Danny at Leslie ay kasalukuyang papunta sa probinsya para dalawin ang buntis na kapatid ni Danny. Habang nasa daan, bigla na lamang hinawakan ng napakahigpit ni Leslie ang braso ni Danny. Nagreklamo si Danny at sinabihan si Leslie na tangalin ang kamay sa braso niya dahil siya ay nagmamaneho. Parang walang narinig si Leslie at hindi bumitaw. Medyo nag-alala si Danny dahil parang tulala ang kanyang kasintahan. Itinabi ni Danny ang sasakyan malapit sa isang tindahan at tinanong niya si Leslie kung masama ang pakiramdam nito.

Ganon na lamang ang gulat ni Danny ng sabihin ni Leslie na may nakita siyang babaeng nakasuot ng putting damit na lumulutang sa daan. Dinaanan nila ang babae at tumagos sa kotse. Hindi naman daw siya makasigaw dahil baka sila mabanga. Takot na takot ang dalawa.

Naging mas maingat si Danny sa pagmamaneho hanggang makarating sa bahay ng kanyang kapatid. Nagpasalamat sila at walang nangyaring masama sa kanila sa daan.

KILABOT (Tagalog Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon