74 GRADO
By Admin Neptune
ISANG transferee student si Mariela Rivera. Unang tapak palang niya sa gate ng bago niyang iskwelahan ay nakaramdam na siya ng 'di maipaliwanag na kilabot. Sa tuwing maglalakad siya doon ay pakiramdam niya'y palaging may nagmamasid at sumusunod sa kanya. Hanggang sa pagpasok niya sa kanilang silid-aralan ay damang-dama pa rin niya ang takot na animo'y nasa sementeryo siya ng hatinggabi. Marahil ay naninibago lamang siya sa environment sa probinsiya. Taga Maynila kasi sila at ngayong taon ay lumipat sila ng bahay sa probinsiya at doon na rin niya ipinagpatuloy ang fourth year high school niya.
SA unang araw ng kanilang klase ay marami na siyang mga nakakausap sa bago niyang mga kaklase. Mababait naman pala ang mga ito at conversative. Ang mga biro nila ay nasa tamang lugar. Habang nakikipagkwentuhan si Mariela sa mga katabi niya ay napasulyap siya sa harapan. Natulala siya sa nakitang batang lalaki na nakatayo sa likod ng kanilang guro na nakaupo sa harap habang may inaayos sa class record nito. Naliligo sa sariling dugo ang bata na nagmumula sa basag niyang ulo at nakatingin sa kanya ng masama. Nawala lamang sa kanyang atensyon ang batang lalaki nang humarang sa kanyang harapan ang isa pa niyang kaklase at nagpakilala sa kanya.
"Hi ako nga pala si Marc Lucriana." nakipag-shake hands ito kay Mariela. Ginantihan lamang niya ng ngiti ang lalaki. At pagtingin muli niya sa harapan ay wala na doon ang batang lalaking nakita niya kanina. Binalot tuloy siya ng pagtataka kung sino iyon at kung bakit siya lamang ang nakakita noon.
Pag-uwi niya sa bahay ay kinuwento niya kaagad sa ina niya ang nakita habang sila'y kumakain ng hapunan sa kusina.
"Nay, may nakita po akong multo kanina sa classroom namin." aniya. Nagkatinginan sina Betty at Maldo, ang kanyang mga magulang.
"Anak, kumain kana. Baka naninibago ka lang dahil ngayon ka pa lang nakapunta ng probinsya," sabi ng ina niya at nilagyan ng tubig ang kanyang baso.
Pagsapit ng gabi ay pinagmasdan ng mag-asawa ang natutulog nilang anak sa sariling kwarto nito. Dahan-dahan nilang isinara ang pinto para hindi na maalimpungatan ang bata. Parehong nag-aalala ang dalawa.
"Maldo, akala ko ba kapag lumipat tayo sa ibang lugar hindi na makakakita ang anak natin? Bakit ganun? May nakikita pa rin siyang mga kaluluwa? Alam mo naman na hindi ako mapapanatag hangga't hindi nagiging maayos ang kalagayan ng ating anak. Baka mangyari na naman ang nangyari sa kanya noong sinapian siya. Ayoko nang maulit iyon." may lungkot ang tinig ni Betty sa kanyang wika.
"Ganun siguro talaga kapag may third eye ang isang tao. Wala nakong naiisip na paraan, Betty. Hayaan nalang natin at baka kusang magsara din ang kanyang ikatlong mata kapag hindi na niya ito pinagtuonan ng pansin." mayamaya'y wika ni Maldo.
"Halika na magpahinga na tayo." yaya niya sa asawa at pumasok na ang mga ito sa kanilang kwarto.
PAGLIPAS ng isang buwan ay naging mapayapa si Mariela. Wala na siyang nakikitang mga kakaiba. Katunayan, nag-first honor pa nga siya sa kanilang klase at nasa line of 9 lahat ang kanyang mga marka sa card. Ikinatuwa ito ng kanyang mga magulang ng makita nila ang card ni Mariela. Sa first grading period nila, lima lamang silang mga top achievers. Ngunit sa kabila ng swerteng natanggap ng mga Top 5 ay may isang kakambal na malas. Natagpuang patay ang Top Achiever No. 5 na si Marc Lucriana sa CR ng mga lalake. Nakahandusay ito sa sahig, hubad ang uniporme at may malaking sugat na paguhit sa likod nito. Ang nakalagay ay numerong 74. Halatang matalim na bagay ang ipinangsugat sa kanyang likod ngunit sino kaya ang may gawa nito? At dahil sa pangyayaring iyon, muli na namang nakakakita ng mga kaluluwa si Mariela. Minsan ay nakikita niya si Marc, lumuluha at nanghihingi ng tulong sa kanya. Minsan naman ay nagpapakita sa kanyang muli ang duguang batang lalaki na una niyang nakita noon. Matalim ang mga mata nito at may hawak na kutsilyo na parang may binabalak na masama. Hindi kaya siya ang pumatay kay Marc?
PAGKALIPAS ng dalawang linggo, matapos maiburol si Marc ay muling naging mapayapa ang lahat. Break time ng mga oras na iyon at nasa canteen lahat ng mga estudyante maliban kay Malou, ang close friend ni Mariela at Top 4 naman sa kanilang klase. Siya ang bukod tanging nerd sa kanilang klase ngunit matalino. Sadyang ayaw lamang niya makihalubilo sa maraming tao at magpunta sa maiingay na lugar kaya palagi siyang nagpapa-iwan sa room mag-isa.
Nagbabasa siya ng wattpad sa kanyang cellphone nang biglang magsara ang pinto. Dumampi sa kanyang balat ang kakaibang lamig ng hangin na pumapasok mula sa bukas na bintana. Noot hanggang buto ang lamig na dumapo sa kanya kaya binitawan niya ang cellphone at napayakap sa sarili nang biglang...
"Tssssssnnnnk!!!"
"Aaaaaaaarrrrk!!!"
"Buuuuggghhh...!"
Pagkaraan ng labinlimang minuto...
"Krrrrrnnggg..."
Tumunog na ang bell, hudyat iyon para magsipasok na ang mga estudyante sa kani-kanilang room dahil tapos na ang break time. Nagsigawan sina Mariela at ang iba pang mga kasama nang madatnan nila ang bangkay ni Malou na nakahandusay sa sahig ng classroom. Hubad ang uniporme at may malaking sugat na pahugis numerong 74 sa likod nito. Sa paglipas ng ilan pang mga buwan, nagpatuloy ang mga patayang iyon sa iskwelahan. Una, si Marc Lucriana, isang Top Achiever Student. Pangalawa, si Malou Garduque, isang Top Achiever Student. Pangatlo, si Princess Jane Mendoza, isang Top Achiever Student. At ang pang-apat ay si Selina Tulavera, isang Top Achiever Student. Sa imbestigasyon ng mga pulis, iisa lamang ang napansin nila, lahat ng mga namamatay ay mga Top Achiever Students, mga batang matatalino. Kaya naman lahat ng mga bully students sa iskwelahang iyon ay isa-isa nilang tinanong O inimbestigahan ngunit bigo silang matuklasan kung sino ang suspect. Walang nakakaalam kung sino ang nasa likod ng krimeng ito, ngunit si Mariela, alam niya. Nakikita niya. At nang araw na iyon ay muli itong nagpakita sa kanya. Ang batang lalaking duguan at may hawak na kutsilyo. Nakatayo ito sa ikalawang baitang ng hagdan pababa habang nakatitig ng masama kay Mariela. Pagdating ng adviser nila ay naglaho na ito sa paningin niya.
"Mariela anung ginagawa mo dyan?" tanong sa kanya ng teacher na si Mr. Dennis Thrill You.
"Sir, may itatanong ho ako." wala sa loob na nasabi ni Mariela.
"Ano naman yun?"
"Bago ho maganap ang mga patayan dito sa school natin, may namatay na ho bang student dito last year?" Napaisip ang guro bago sumagot. Inaalala ang nakaraan.
"Oo meron. Ang pangalan niya ay Dodong Dantes." biglang kinutuban si Mariela.
"Ano ho ang ikinamatay niya?"
"Well... Last school year, naging estudyante ko si Dodong Dantes. Isa siyang salbaheng bata. Madalas absent. Bihira na nga lang pumasok, nanggugulo pa sa klase. Wala na ngang ginagawa, nang-iistorbo pa sa iba niyang mga kaklaseng nag-aaral. Kaya naman noong fourth grading, nakakuha siya ng average na 74 sa card. Lahat ng mga grades niya ay bagsak. Nang makita iyon ng tatay niya noong kinuha ang card sa akin, pinagalitan siya at ipinahiya sa harap ng maraming estudyante. Balita ko pa nga may sakit daw palang cancer yung bata. At noong nagsuka daw siya ng dugo sa bahay nila, doon na siya binawian ng buhay. Nakakaawa nga, e." kwento ng guro kay Mariela. Ngayon ay tama nga ang hinala niya. Ang batang lalaking nagpapakita sa kanya ay si Dodong Dantes. Marahil ay nang mamatay ito, may sama siya ng loob sa mga batang matatalino dahil siya lamang ang bukod tanging binigyan ng average na 74 ng kanilang guro. Hindi niya tanggap ang pagkamatay at ang mga marka na nakuha niya. Kaya naman sa pagbukas ng klase ngayong taon, iniisa-isa nito ang lahat ng mga batang matatalino.
"S-sige ho, Sir Dennis. Mauna na ho ako. Salamat po sa impormasyon." paalam niya sa guro bago bumaba ng hagdan para umuwi.
HINDI pa man nakakababa sa second floor si Mariela nang bumulaga muli sa kanya ang galit na galit na kaluluwa ni Dodong. Nakatutok sa kanya ang hawak nitong kutsilyo. Napasigaw si Mariela at nagmamadaling umakyat pabalik sa kanyang guro. Nang makita siyang maputla ay nagtaka ang teacher sa kanya.
"Oh Mariela bakit ka sumisigaw?"
"Si Dodong, Sir! Nagpapakita siya sa akin!" tarantang tugon ni Mariela.
Napakunot ang noo ng teacher. "Ano?!"
Mayamaya'y gumulat sa kanila ang papaakyat na si Dodong. Nakalutang ang mga paa nito sa lupa at tumutulo sa hagdan ang mga dugong pumapatak mula sa kanyang ulo na tumulo hanggang paa. Hawak nito ang kutsilyong nakatutok sa kanilang dalawa. Napayakap si Mariela sa kanyang guro.
"Papatayin ko kayong lahat na mga matatalino! Lalo kana Dennis! Ikaw ang nagbigay sa akin ng markang nagpabagsak sa akin kaya ihuhuli kita!" galit na wika ng naghihiganting multo. Habang tumatagal ay lalong nagiging nakakatakot ang mukha nito at tumatalim ang tingin ng kanya mga mata. Nanggigigil sa galit! Hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa alaala ng kaluluwa ni Dodong ang tunay na ikinamatay niya. Ang bugbog ng kanyang ama. Pagkauwi nila sa bahay noon ay walang sawang pinagbubugbog siya nito at pinagsasaksak ng kutsilyo sa ulo hanggang sa nasugatan at nabalian siya ng buto, sumuka ng dugo at namatay.
Balot na balot ng takot sina Dennis at Mariela. Umiiyak na nga ang bata sa takot.
"Dodong... Kung anuman ang galit mo sa akin, huwag mong idamay ang mga bata dito. Ako ang harapin mo!" matapang ang guro. Bumitaw siya kay Mariela at sinugod si Dodong subalit bigla itong naglaho. Nilingon ni Dennis ang paligid pero wala na talaga siyang makita. Pero may kasunod pa pala ang kababalaghang iyon. Biglang nakaramdam si Dennis ng sakit sa kanyang likod, dibdib at tiyan. Nagdugo ang mga ito. Parang sinasaksak! Hindi nakikita ni Dennis ang multong nananakit sa kanya ngunit si Mariela, kitang-kita niya! Galit na galit si Dodong habang hinahataw ng kutsilyo si Dennis. Parang mababaliw na ang babae sa takot.
"Tama naaaaa!!!" sigaw ni Mariela. Nasasaksihan niya kung paano patayin ni Dodong ang kawawang guro. Pinagtataga niya ito sa ulo hanggang sa dumugo. Ang mga ginawang pananakit sa kanya ng ama noon ay ginagawa ni Dodong ngayon sa kanyang guro. Nagsuka ng dugo si Dennis dahil sa dami ng tadtad na saksak sa katawan. Pati sa leeg! Iyon na pala ang huling oras niya. Agad na siyang binawian ng buhay at bumulagta sa sahig malapit sa hagdan. Bumigay ang mga tuhod ni Mariela at napaluhod, umiiyak, natatakot. Mayamaya ay biglang lumitaw sa harapan niya ang kutsilyong ginamit ni Dodong. Halos nakulayan ito ng dugo sa pagtadtad kay Dennis. Pinulot ito ni Mariela na siya namang pagkarating ng mga pulis na nag-iimbestiga. Nagulat ang mga ito at ang iba pang mga estudyante ng makita si Mariela na may hawak na kutsilyong may bahid ng dugo. At nasindak rin sila ng makita ang bangkay ng teacher na si Dennis na nakabulagta malapit sa hagdan. Tadtad ito ng saksak sa buong katawan. Biglang nabitawan ni Mariela ang kutsilyo at kumabo ng malakas ang kanyang dibdib. "Sumama ka sa amin sa prisinto!" anang pulis at nilapitan siya para lagyan ng posas ang kanyang mga kamay. Lalong napahagulgol ng iyak si Mariela. "Hindeeeee!!!"
AGAD nilang ikinulong si Mariela. Ni hindi na pinatawag pa ng mga pulis ang mga magulang niya. Wala na kasing dahilan para ipagtanggol pa ng mga magulang ang kanilang anak dahil kitang-kita ng mga pulis na si Mariela ang may hawak na kutsilyo kaya akala ng mga ito ay siya ang pumatay. Lalong naawa si Mariela sa sarili habang nakakulong. Walang patid ang kanyang pag-iyak. Mayamaya ay nagpakita muli sa kanya ang kaluluwa ni Dodong. Nakangisi ito at tumatawa na parang dimonyo. "Ikaw ang magbabayad ng aking kasalanan, Mariela. Dahil ikaw ang first honor sa inyong klase kaya hindi na kita pinatay. Dahil ikaw naman ang magdudusa sa isang kasalanang hindi mo naman ginawa at kahit anung sabihin mo, wala ng maniniwala sa'yo! Hahahahaha!" pangungutya ng multo at mabilis itong naglaho. Muling napahagulgol ng iyak si Mariela. Sa magkahalong takot at kalungkutang nadarama ay hindi na ito kinaya ng kanyang utak. Matapos niyang umiyak ay bigla siyang tumawa. Matapos tumawa ay muling iiyak. Tawa. Iyak. Tawa. Iyak. Tuluyan na siyang nabaliw sa sobrang takot...
:’( THE SAD ENDING :’(
BINABASA MO ANG
KILABOT (Tagalog Horror Story Collection)
Horror"Nasubukan mo na bang makipag-usap sa mga nasa kabilang buhay na?" - Manang ~~~ Written by different writers.