Isang linggong Pag-ibig

3.5K 31 0
                                    

"ISANG LINGGONG PAG-IBIG"
by Kerby Jeric RImando

"Free hug po sir, ma'am." habang nakatayo si Rhoslean sa kanilang pwesto ay abala naman itong si Cherrylyne sa pag-aayos ng mga ibang materyales na kanilang gagamitin. Sina Browner, Kerby at Antonette naman ay abala sa mga taong nagpaparehistro ng kani-kanilang pangalan. Napaghandaan ng grupo ito noong nakaraang Linggo pa upang sa gayon ay maging maayos ang lahat. Samantala, sila Leah at Melanie naman ay naghihimok ng mga estudyanteng gustong sumali sa kanilang grupo habang sila Jessa, Diane at Marybelle naman ang mga tagapag-anunsiyo ng mga kaganapan.
"Good morning guys, sorry I'm late." ang napakamot na si Ramil.
"As usual." ang matipid na tugon ni Cherrylyne.
"Well what do we expect eh palagi ka namang late." ani ni Antonette.
"Ikaw taya, manlibre ka mamaya." -Jessa
"Oo nga." pagsang-ayon naman ni Marybelle.
"Teka, where's Henry?" biglang tanong ni Leah.
"Diba' may work siya so baka hindi na siya makakapunta." sagot naman ni Diane.
"Guys I need to pee." ang pagmamadali ni Rhoslean.
"Sige lang ako na muna magsasub sa'yo." -Kerby
Kinuha ni Kerby ang cartolina na nakahugis puso na hawak-hawak ni Rhoslean. Hindi makaconnect si Kerby sa pag-ibig na 'yan. Kahit minsan kasi ay hindi pa siya nagmahal, wala siyang alam pagdating sa pag-ibig na 'yan. Kung pag-ibig ang pag-uusapan, makakausap mo naman siya iyon nga lang ay papasok sa tainga niya at lalabas sa kabilang tainga niya.
Hindi niya alam na ngayong araw na ito ay may magbabago sa kanya.
Tugs! Tugs! Tugs! Tuuuugs! Ang bilis ng pagtibok ng kanyang puso. Parang may anghel na bumaba sa lupa. Ang mga mata niya'y nakakaakit, ang kutis niya'y nakakabighani, ang kanyang labi na kasing-pula ng mansanas. Hindi niya kilala kung sino ang taong iyon na kanyang nasilayan pero pakiramdam niya ay na-love at first sight siya rito.
Laking gulat niya na lamang nang bigla siyang niyakap nito. Tulalang-tulala siya ng mga oras na iyon, pakiramdam niya ay huminto ang kanyang oras.
"Kuya Kerbs wui." ang pag-akbay ni Browner kay Kerby.
"Nasaan na ang aking soulmate?" biglang nasambit ni Kerby.
"Ayieeh." pang-aasar ni Rhoslean kay Kerby.
At bigla na lamang kikilitiin ni Cherrylyne si Kerby na para bang kinikilig siya.
"Kuya parang sa kanya 'tong notebook na naiwan." -Marybelle
Walang alinlangang kinuha ni Kerby ang notebook na iyon at nagdahilan na masama ang kanyang pakiramdam upang sa gayon ay mahanap niya ang sinasabi niyang soulmate. Habang pauwi siya ay marami ang namumuong plano sa kanyang isipan pero hindi niya alam kung paano maisasakatuparan ang mga iyon.
Laking tuwa niya nang mabasa niya sa harapan ng notebook na iyon ang mga mahahalagang detalye ng nagmamay-ari noon.
Name: Aina
Address: #222 Camp Avenue, Baguio City
Tel. #: 09282222000
Sa kanyang kuryusidad ay binuksan niya iyon upabg malaman ang nilalaman nito at bumungad sa unang pahina nito ang larawan ng sinasabi niyang soulmate. Hindi niya miwasan ang mapangiti sa nakitang larawan. At ang mga sumunod na pahina ay kanyang nabasa ang ilan sa mga pangyayari na naganap sa buhay ng sinasabi niyang soulmate.
July 15, 2012
Dear Diary,
Ang araw na ito ay punung-puna ng katuwaan para sa akin. Nakita ko kasi ang taong pinapangarap ko sa National Book Store. Bigla ko siyang niyakap at pakiramdam ko ng mga oras na iyon ay pag-aari ko na siya.
Bigla na lamang naantala ang kanyang pagbabasa nang makatanggap siya ng mensahe sa taong 'di niya kilala.
"Hello, nasa sa'yo raw 'yung notebook ko na naiwan sabi ng mga kaibigan mo?"
Sa kakaisip ni Kerby ng mga oras na iyon ay hindi niya namalayan na nakatulog pala siya. Iyon lamang ang mensahe na natanggap niya sa numerong iyon, hindi na ito nasundan pa kung kaya't naisipan niya na lamang na tawagan iyon.
"The number you dialled is out of coverage area. Please try your call later."
Iyon ang unang araw sa buhay ni Kerby nang makita niya ang isang anghel sa lupa. At simula noon ay hindi na siya mapakali, may kailangan siyang gawin upang makita ulit siya. Nang sumunod na araw ay nagtungo siya sa address kung saan nakatira ang sinasabi niyang anghel na kung akuin niya ay ang matagal niya ng hinahanap na soulmate ngunit bigo siyang makita ito. Sabi nila kapag ikaw ay nagmamahal pakiramdam mo lahat ay perpekto, iyon bang tipong nasa sa iyo na ang lahat na sana'y 'wag ng matapos pa ito. Ganoon ang nararamdaman ni Kerby, kahit ganun man ang nangyari ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa.
"Hello, nasa sa'yo raw 'yung notebook ko na naiwan sabi ng mga kaibigan mo?"
Wala ng sinayang na oras si Kerby at dali-dali niyang binigyan ng tugon ang mensahe kahit na ito muli ang nilalaman 'nun.
"Hi, oo nasa sa'kin ang notebook mo. Maaari ba tayong magkita? Gusto ko kasi na ako mismo ang mag-abot nito sa'yo."
Matapos noon ay hindi na ulit siya nakatanggap ng mensahe sa kanya.
"Susubukang mabihag ang puso mo,
Sa payong ng pagmamahal ko..
Hanggang sa mapagod ako,
Sa kakapayong sa'yo."
Walang hilig sa musika si Kerby pero simula ng dumating sa buhay niya si Aina, ang kanyang sinasabing soulmate, ay nagkaroon ng himig ang kanyang pusong matagal ng naghahanao na siyang bubuo sa kakulangan nito. Hindi niya pa naman kilala si Aina pero alam niya na sa mga oras na ito ay siya ang magbibigay ng rason upang mabuo ang kanyang pagkatao.
"Magandang umaga, maaari ba tayong magkita?"
Tuwang-tuwa pero kinakabahan si Kerby sapagkat sa wakas ay maisasakatuparan niya na rin ang kanyang plano na makilala ang taong ito pero nababagabag siya.
"Paano kung ayaw niya sa'kin? Paano kung hindi magin maganda ang aming pagkikita? Paano kung. . . . ?
Marami siyang katanungan, natigil lamang ito nang makatanggap ulit siya ng mensahe galing kay Aina.
"Maghihintay ako sa Burnham Park 'dun sa Children's Park."
Agad na nag-ayos si Kerby upang makipagkita rito at nang marating niya ang nasabing lugar ay hindi siya nabigo sapagkat bumungad sa kanya ang isang anghel na kanyang nasilayan noong unang araw.
"H-hi k-ka-kanina ka p-pa. . . ."
Naputol ang sasabihin ni Kerby nang bigla siyang halikan nito sa labi. Tatlong segundo, hindi... Parang mahigit pa roon ang itinagal ng halik na iyon. Ang init ng kanyang labi, nakakapaso sa sarap.. Ramdam ni Kerby ang kuryente na dumadaloy sa kanyang katawan. Akala niya na ihi lang ang nagpapakilig sa kanya. Iyon ang kanyang unang halik, napapikit siya matapos noon at sa pagdilat ng kanyang mga mata'y wala na sa kanyang paningin si Aina ngunit ang notebook ay nasa kanyang mga kamay pa rin.
Ang ika-apat na araw ay nagdesisyon si Kerby na puntahan ulit ang bahay ni Aina, palihim siyang nagmamasid para lamang makita muli si Aina. Ang akala niya'y mabibigo muli siya.
"Aalis ka na?" ang malungkot na tanong ni Aina.
Hindi kaagad nakapagsalita si Kerby sa pagkabigla nito nang makita niya si Aina sa kanyang likuran. Napalitan ito ng pagkasabik nang muling magsalita ang dalaga.
"Pasensiya na nga pala kung bigla akong nawala kahapon."
"Gusto mo bang mamasyal?" ang anyaya ni Kerby.
Hindi siya tinugon nito at sa halip ay hinawakan siya sa kanyang kaliwang kamay na nagsasabing pinapaunlakan nito ang kanyang paanyaya.
Nagtungo sila sa isang lugar na malaparaiso, maririnig mo ang mga ibong nag-aawitan, mga bulaklak na nagsasayawan. Walang pag-uusap ang dalawa, nakasandal lamang ang ulo ni Aina sa kanang balikat ni Kerby. Masayang pinagmamasdan ng dalawa ang kagandahan ng tanawin. Bago pa man matapos ang araw na iyon ay niyakap ni Aina si Kerby.
"Salamat. . Salamat" paulit-ulit lamang sinasabi ng dalaga ang mga salitang iyon.
"Maaari mo bang ipikit ang iyong mga mata?" ang kasunod na wika niya.
Sinunod naman siya ng binata at sa pagdilat ng kanyang mga mata'y wala na ang dalaga sa kanyang paningin.
Nang sumunod na araw ay naging mailap si Aina sa kay Kerby.
"Kalimutan mo na ako at ayaw na kitang makita."
Iyan ang huling mensaheng kanyang natanggap sa dalaga. Hindi akalain ni Kerby na ganoon pala kasakit ang mabigo sa pag-ibig, ang kirot na dulot nito ay walang lunas. Naguguluhan siya sa mga pangyayari, hindi niya alam ang dahilan kung bakit naging ganoon na lamang ang nangyari. Tinawagan niya si Aina pero sa kasamaang palad ay nabigo siyang makausap ito.
"The number you dialled is out of coverage area. Please try your call later."
At sa paglipas ng oras ay ganoon lamang ang sinasabi sa kabilang linya.
Umiiyak siya ng mga oras na iyon. Minabuti niyang itigil ang kanyang pag-iyak at nagdesisyon na pupunta sa bahay ni Aina kinabukasan. Sa pagdilat ng kanyang mga mata ay isang katanungan ang pumasok sa kanyang isipan.
"Nasaan ako?"
Hindi niya alam kung paano siya napunta roon pero nasa loob siya ng bahay at may narinig siyang umiiyak.
"Huhuhu wala bang pwedeng magmahal sa akin?" Patuloy lamang ang paghagulgol ng babae na iyon. Hindi bago sa pandinig ni Kerby ang boses na iyon. Si Aina, hindi siya maaaring magkamali ngunit paano nangyari iyon.
"Jose ikaw ba 'yan?"
At nang matapos ang katanungan na iyon ay parang napako si Kerby sa kanyang kinatatayuan. Mayroob kasi siyang matalik na kaibigan na Jose rin ang pangalan.
"Jose nagbalik ka, salamat." umiiyak ang dalaga habang yakap si Kerby.
Hindi niya matandaan ang mga sumunod na pangyayari matapos noon.
"Dude may dapat kang malaman. Si Sonia patay na."
Si Kerby ang matalik na kaibigan ni Jose. Saksi siya sa pagmamahalan nila Jose at Sonia. Matagal na siyang walang contact sa kay Jose, ni hindi niya nga alam kung saan na ito ngayon.
At sa ika-pitong araw ay nagising si Kerby na yakap-yakap.siya ni Aina. Naalala niya na ang lahat matapos ang panaginip na iyon na maaaring si Jose na kanyang matalik na kaibigan at ang Jose na sinasambit ni Aina ay iisa. Malakas ang kutob niya.
"Jose gising ka na pala." nakangiting si Aina.
Hindi kaagad nakatugon si Kerby at sa halip na makasagot ay nabaling ang kanyang atensyon sa suot na damit ng dalaga. Pamikyar kasi sa kanya ang damit na suot nito. Katulad ito sa suot na damit ni Sonia na irinegalo ni Jose.
"Sonia..." ang matipid na sambit ni Kerby.
"Puro ka Sonia! Ano bang meron sa kanya na wala sa akin? Magtapat ka sa akin Jose!" nanggigigil na sagot ni Aina.
Biglang nawala ang dalaga sa kanyang paningin sa isang iglap. 'Di alam ni Kerby ang gagawin niya ng mga oras na iyon basta ang alam niya ay kailangan niyang makatakas. Nagsisitakbo ito palayo pero hindi niya alam kung saan ang daan, basag ang mga kasangkapan at pundido ang mga ilaw. Sa kakatakbo niya'y nadapa ito at nauntog ang kanyang ulo sa lamesa, dahilan upang siya'y mawalan ng malay.
"Kerby bagay ba sa akin itong suot ko? Bigay sa akin ni Jose kahapon sa aming anibersaryo."
Nang magkamalay siya ay nasa kanyang harapan si Aina ginagamot ang sugat ni Kerby. Ganoon pa rin ang suot ng dalaga. Pansamantala ay nawala ang kabog sa kanyang dibdib. 'Di kasi maalis sa kanyang ala-ala ang masasayang oras na sila'y magkasama kahit panandalian lamang iyon. Bigla lamang naantala iyon ng sumagi sa kanyang isipan ang kanyang napanaginipan.
"Aina magtapat ka sa akin, bakit suot mo 'yang damit ni Sonia?"
Hindi maaaring magkamali si Kerby dahil nag-iisa lamang iyon.
"Hindi ba bagay sa akin ito Jose?" ang nakasimangot na tugon ni Aina.
"Maganda rin naman ako, ano ba ang nakita mo kay Sonia na hindi mo makita sa akin?" ang kasunod niyang wika.
Hindi nakakibo si Kerby kaya ang ginawa niya na lamang ay hinawakan ang pisngi ng dalaga at tinitigan ang kanyang mga matang nagsusumamo. Hinalikan siya ng dalaga kanyang labi ngunit nagpumiglas si Kerby at hinalikan niya sa noo ang dalaga tanda ng kanyang respeto para rito.
Nang mga oras na iyon ay ipinaliwanag ng binata sa dalaga ang lahat.
"Aina hindi ako si Jose. Si Jose ay aking matalik na kaibigan. Hindi ko alam kung nasaan na siya ngayon. Hindi man ako siya at hindi niya man kayang suklian ang pagmamahal mo pero ang taong nasa harapan mo ay kaya kang mahalin. Handa akong ibigay ang buong pagkatao ko sa'yo, handa akong tanggapin kung sino ka man at hindi na mahalaga sa akin kung ano ang iyong nakaraan basta makasama lang kita."
Sa sinabi ni Kerby na iyon ay natauhan si Aina. At laking pasasalamat niya sa kanya dahil buong akala niya ay wala ng magmamahal sa kanya. Niyakap niya ang binata ng mahigpit at hinalikan ito sa labi.
"Maraming salamat. Salamat sa iyong pagmamahal. Babaunin ko ito sa aking pag-alis."
Biglang nagliwanag ang buong bahay at ang mga kasangkapan ay bumalik sa dating kaayusan. Nakalabas si Kerby ng bahay at sa kanyang paglabas ay hindi niya mapigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha. Si Aina ang taong nagpalasap sa kanya kung ano ang pag-ibig.
"Iho mabuti naman at nakalabas ka pa ng buhay." ang sabi ng matanda sa kanya. Hindi niya kilala ang matanda.
"Bakit po?" tanong naman nito sa matanda.
"Alam mo kasi sa oras na pumasok ka diyan ay hindi ka na makakalabas pa ng buhay. May sabi-sabi na 'yung dating nakatira diyan ay nabaliw at nagpakamatay. Lahat ng pumapasok diyan ay tinatawag niyang Jose sa pag-aakalang babalikan pa siya nito at nagbabakasakaling iibigin siya nito."
Ngumiti lang si Kerby. Hindi niya alam kung nasaan man si Aina ngayon pero malaki ang pasasalamat niya rito. Siya ang unang pag-ibig ni Kerby, 'di niya makakalimutan iyon, masarap pero nakakatakot. Gayunpaman, ay naghari ang masasayang alaala nilang dalawa ni Aina nang siya'y umibig sa isang taong 'di niya kilala ng lubusan.
Ang pag-ibig nga ay sadyang makapangyarihan. Nagagawa nitong posible ang isang bagay na imposibleng mangyari. Sabagay wala namang imposible sa isang taong pursigido basta magtiwala ka lamang sa iyong kakayahan.

-----Wakas-----

KILABOT (Tagalog Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon