Washing Machine

4K 47 2
                                    

WASHING MACHINE
By Admin Neptune

MAGAAN ang pakiramdam ng mag-asawang sina Shantal at Morgan sa unang araw nila sa bagong bahay na inupahan. Hindi ito up and down ngunit malawak ang bawat sulok ng bahay. May garahe din ito at bodega sa likuran. Hindi mahahalata ang kalumaan ng bahay dahil taun-taon ay palagi itong nire-repair at pinipinturahan ng bago. Hindi ito gaanong malayo sa kabihasnan ngunit sa pagiging tahimik ng lugar ay para silang nakatira sa kagubatan. Malalayo ang mga bahay at hindi dikit-dikit kaya kung sakaling may sunog mang maganap, hindi maaapektuhan ang ibang mga may bahay. Mas pinili rin naman ng babae na manirahan sa tahimik na lugar upang hindi siya maabala sa tuwing matutulog na sila kapag gabi. Ang ayaw niya sa lahat ay ang mga maiingay na hondang animoy nakikipag-racing kung magpatakbo ng kanilang mga pinapasada na siyang bumabasag sa katahimikan lalo na kung sasapit ang dilim. Kaya ang lugar na iyon ang tamang tirahan para kay Shantal.

PAGKARAAN ng ilang mga araw ay inihanda ni Shantal ang mga labada at dinala sa garahe upang doon maglaba. Tutal ay wala rin naman silang kotse kaya ginawa nalang nilang tambakan ng mga labahan ang garahe. Habang siya'y nagbabanlaw ay nagluluto naman ng tanghalian ang asawa niyang si Morgan. Palibhasa'y katutubong Kapampangan kaya maraming alam sa kusina at magaling magluto. Nasa kalagitnaan na siya ng paglalaga ng baka ng may marinig na kumakalabog sa loob ng bodega. Napasulyap siya doon at pinakinggang mabuti ang ingay. Malinaw sa pandinig niya, parang tao ang gumagawa ng kalabog. May naririnig pa siyang mga umuungol at nagwawala. Saglit niyang pinatay ang kalan at lumapit sa pintuan ng bodega at dahan-dahang binuksan iyon. Pagbukas niya ay huminto ang mga kalabog. Tumuloy siya sa loob. Inikot niya ang paningin sa bawat sulok ng bodega. Wala siyang makitang iba maliban lamang sa sirang mga kagamitan tulad ng telebisyon, radyo, aparador, papag, bentilador at mga punit-punit na kurtina. Paglingon niya sa bandang sulok ay nakakita siya ng isang washing machine. Nilapitan niya ito at pinagmasdan. Nagtaka siya kung bakit itinambak nalang sa bodega ang washing machine na iyon. Nang tignan niya ay bago pa lamang ito. Wala pang kahit anong sira o bakbak. Tinignan niya ang saksakan, makintab pa rin at halatang hindi pa nagamit kaya tinawag niya ang asawa sa garahe at pinapunta sa bodega.
"Tignan mo 'to asawa ko, baka pwede pang gamitin ito. Subukan kaya natin?" ang sabi ni Morgan kay Shantal at itinuro ang washing machine. Nang hawakan ito ng babae at binuksan ang takip para tignan ang loob, nakita niyang mukhang imported ang washing machine at hindi pa nagamit.
"Mukhang bago pa lang 'to, ah. Tignan natin kung gumagana pa. Dalhin natin sa garahe." anang babae at binuhat nilang dalawa ang washing machine upang masubukan kung gumagana pa ito.
Laking tuwa ng mag-asawa dahil gumana nga ito at wala pang palya. Nakapaglaba pa siya at dahil doon ay mababawasan ang pagod niya sa pagkukusot ng mga damit.
"Sayang naman bakit kaya iniwan ito ng may-ari? Wala naman palang diperensiya." nagtatakang wika ni Shantal habang pinagmamasdan ang pag-ikot ng mga labada niya sa loob ng washing machine.
"Naku Morgan, pumunta ka nga ulit sa bodega baka may makita ka pang mga gamit doon na pwede pa nating mapakinabangan." utos ng babae sa asawa.
"Sige titignan ko."
Muling pumasok si Morgan sa bodega. Ngunit nang inspeksyunin niya ang mga gamit doon ay parang wala na silang pwedeng pakinabangan pa. Sira na ang lahat at halos balutin na ng alikabok at mga sapot ng gagamba. Ngunit may napansin siya sa pinanggalingan ng washing machine na kinuha nila kanina. Pinulot ni Morgan ang isang lumang family picture na nasa sahig. Marahil ay hindi nila iyon nakita dahil nasa ilalim iyon ng washing machine kanina nang ito'y buhatin nila. Isang mag-asawang nasa pawang edad 40 at 50 ang nakita niya sa litrato kasama ang dalawang batang babae na nasa edad 10 at 15. Sa isip-isip niya, baka ito ang unang pamilya na tumira noon sa bahay na inuupahan nila ngayon. Muli siyang nagbalik sa kusina para ipagpatuloy ang niluluto. Wala sa kaloobang nadala niya ang litrato.

PAGKAHINTO ng washing machine sa pag-ikot ay kinusot pa ni Shantal ang ilang mga labada para makasiguradong maputing-maputi ang kanyang mga labada. Maselan kasi siya sa mga damit lalo na sa mga kulay puti. Habang nagkukusot siya ay may lumutang sa tubig. Nang hawakan niya ito at iniangat ay napatili siya dahil isang mata pala ang nahawakan niya. Isang mata ng tao at may bahid pa ng dugo. Inihagis niya ito at napatakbo siya palabas ng garahe at nagkabanggaan pa sila ni Morgan.
"Oh asawa ko bakit namumutla ka? Halika na kumain na tayo mamaya mo na ipagpatuloy ang mga labada mo. Baka lumamig na yung sabaw." yaya ng lalaki sa kanya. Nanginginig pa rin sa takot si Shantal at napalingon muli sa washing machine.
"Halika na..." bulong ng asawa niya sa kanya at hinila siya nito papunta sa kusina.
NAWALA na sa isip ni Shantal ang nakita kanina ng matikman ang lutong nilagang baka ng asawa. "Morgan, ang sarap mo talaga magluto. Hindi ako nagsisi na mag-asawa ng kapampangan." papuri ni Shantal habang nginunguya ang laman na manamis-namis at sabay higop ng sabaw. Natawa na lamang si Morgan dahil palaging ganoon ang linya ng asawa sa tuwing pinupuri siya nito sa mga putaheng luto niya. "At hindi rin naman ako nagsisi na mag-asawa ng isang matakaw para sulit na sulit ang pagod ko sa pagluluto." biro naman ni Morgan sa babae, sabay tawa. Tinapik ni Shantal sa braso si Morgan dahil sa sinabi nito.
"Naku! Sa totoo lang hindi naman ako mahilig kumain ng marami, no! Kaya nga kahit trenta anyos nako ang sexy pa rin ng katawan ko. Kaya lang naman ako tumaba ng ganito dahil sa sarap mong magluto kaya diko mapigilan makarami." nakangiting tugon ni Shantal. Napakasaya nilang mag-asawa kahit wala pa silang anak. Ayaw muna kasi magka-anak ni Shantal hangga't hindi pa nakakahanap ng trabaho ang mister niya dahil baka hindi nila ito mapakain ng maayos at maibili man lang ng gatas. Palibhasa ay may pagka-maarte ang babae. Kaya nga hindi pa sila gaano nakararanas ng matinding suliranin dahil sa pagiging maarte at mailap ni Shantal sa ibang mga bagay.

PAGKARAAN ng ilang araw ay may bisitang dumating kina Shantal. Iyon si Eugene. Ang kaklase ni Morgan noong kolehiyo at matalik din niyang kaibigan.
"Oh kamusta kana, brad? Bakit ang tagal mong hindi bumisita sa amin. Kamusta na pala yung trabaho mo dati? Tungkol pala saan yun? Naghahanap kasi ako ng trabaho ngayon, eh." pangangamusta ni Morgan sa kaibigan. Naupo sila sa sofa at naglapag si Shantal ng mainit na kape sa chinese table at inalukan ng miryenda si Eugene.
"Oh sige kayo muna bahala dyan. Mamamalengke muna ako." paalam ni Shantal bago lumabas. "Pasensya kana, brad kung ngayon lang ako bumisita ulit after 3 years. Hindi ko kasi agad nabalitaan na lumipat na pala kayo at mahirap pang hanapin ang tirahan n'yo, eh. Atsaka busy rin ako sa trabaho ko noon kaya lang wala na ngayon." kwento ni Eugene kay Morgan. Tila makahulugan ang sinabi nito na para bang may nais ipaalam na hindi masabi-sabi.
"Ganun ba, sayang naman. Maaari mo ba akong tulungan makahanap ng trabaho?" Bahagyang hindi nakasagot si Eugene. Pinag-iisipang mabuti kung ano ang sasabihin.
"Ah... Eh... S-sige ba! Kapag may time ako bibisitahin ulit kita dito at sabay tayong hahanap ng trabaho..." pangako ni Eugene sa kaibigan. Ngumiti si Morgan. "Sige brad. Teka lang ha? May kukunin lang ako sa kwarto." paalam niya at umalis muna sandali. Naiwan mag-isa si Eugene sa sala. Tumayo siya at nilingon ang paligid. Ramdam niyang nangangati na naman ang kamay niya. Parang uhaw na uhaw magnakaw. Iyon ang itinatago niya sa kaibigan. Ang totoo ay nakulong siya sa loob ng tatlong taon matapos siyang mahuli ng mga pulis na nagbebenta ng mga droga at nagnakaw ng sasakyan noon. Ang tinutukoy niyang trabaho na nawala sa kanya ay ang pagnanakaw at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. At ngayon ay hindi na naman niya mapigilan ang mga kamay na magnakaw dahil sa sobrang kagipitan. Pati kasi ang perang kinita niya sa pagbebenta ng shabu noon ay kinuha din ng batas kaya wala ng natira sa kanya. Mayamaya ay natagpuan niya ang sarili na nakatayo sa harap ng garahe. Kanina pa kasi niya naririnig na parang may nagtatawanan doon kaya minabuti niyang silipin para makasiguradong walang tao. At wala ngang tao doon. Ngunit saan nanggagaling ang mga tawanan? Muli niyang narinig ang mga humahagikgik na boses. Batid niyang nasa garahe lamang iyon. Inikot niya ang paningin sa bawat sulok ng garahe at hinahanap kung saan nanggagaling ang mga boses. Nagmumula iyon sa loob ng washing machine. Nilapitan niya ito at tinanggal ang takip. Subalit bumaligtad ang sikmura niya ng makita ang tatlong pugot na ulo ng tao sa loob ng washing machine. May kasama pang putol na mga kamay at durog na mga bungo! Napasigaw siya at napaatras. Nang sinubukan niyang tumakbo ay siya namang ikinatisod nito. At sa pagkakataong iyon ay hindi na siya makatayo hanggang sa umangat ang duguang ulo ng isang babae sa washing machine. Humaba ang buhok nito at sumayad sa lupa. Humingi ng saklolo si Eugene subalit hindi na niya nagawang makapagsalita nang bumalot sa buo niyang katawan ang buhok ng ulo ng babae at hinila siya papasok sa loob ng washing machine. Lumabas ng kwarto si Morgan at nagtungo sa garahe dahil parang narinig niya kaninang sumisigaw si Eugene doon.
"Brad? Ayos ka lang?" tanong niya habang lumilinga sa paligid. Walang boses na tumugon. Napansin niyang walang takip ang washing machine at gumagana ito. Dinig na dinig pa niya ang tunog ng makina nito sa loob. Pagsilip niya doon ay bumungad sa kanya ang kasindak-sindak na eksena. Umaapaw ng dugo ang washing machine at umiikot-ikot ang mga putol-putol na katawan ni Eugene doon. Kasama ang ulo nito at nakabuka pa ang bibig! Napatili si Morgan na parang babae at tumakbo palabas ng garahe.

KINAHAPUNAN ay inilabas na ng mga pulis ang putol-putol na katawan ni Eugene at inilagay sa malaking plastic. Halos walang maisagot si Morgan sa mga ito kung ano nga ba ang tunay na nangyari sa lalaki.
"Hindi ko po talaga alam kung paano siya namatay. Wala namang nakapasok dito sa amin kanina. Wala namang mga sinirang gamit at wala ring ninakaw. Nagpunta lang kanina ako sa kwaro para kunin yung naka-charge kong cellphone tapos narinig ko siyang sumisigaw sa garahe at pagpunta ko doon, ganyan na ang nakita ko." paliwanag ni Morgan sa isang pulis na kausap niya. Bakas sa mukha nilang lahat ang pagtataka dahil sa 'di maipaliwanag na kaso kung paano pinatay si Eugene at kung sino ang pumatay. Walang makapagsabi kung ano ang tunay na naganap dahil wala namang nakakita. Hindi rin naman nakita ng mga kapit bahay nila dahil malalayo nga ang pagitan ng bawat mga bahay doon kaya imposibleng may makakita kay Eugene sa loob ng bahay nina Morgan.

PAGSAPIT ng gabi ay kinausap ni Shantal ang nagbenta ng bahay na iyon sa kanila. Ang maliit na tirahan ng taong iyon ay malapit lamang din sa bahay na inuupahan nila. Mag-isa niyang pinuntahan ang caretaker ng bahay. Si Morgan naman ay nagpaiwan upang bantayan ang bahay nila.
"Magandang gabi, ho Mang Castor. Pasensya na sa abala..." bati ni Shantal nang pagbuksan siya ng pinto ng matanda.
"Buti't napasyal ka dito Shantal, anong maitutulong ko?" nakangiting tugon ni Mang Castor. Pinapasok niya ang babae at pinaupo sa silya pagkatapos ay saka ito nagsimulang magkwento. Sinabi niya ang nangyari kay Eugene pati ang unang mga nakita niyang kakatwa sa loob ng washing machine.
"Iha, sa palagay ko, may kinalaman ang dating may-ari ng bahay sa mga nangyayari ngayon sa inyo." seryosong tugon nito.
"Talaga, ho? Alam n'yo ba kung ano ang meron sa iniwan nilang washing machine?"
"Dati nila akong katiwala sa bahay na 'yan. At ang may-ari ng bahay na 'yan ay ang Family Bustos. Noong naninilbihan pa ako sa kanila, palagi silang nagkakagulo at nag aaway-away. Parang mga aso't pusa. Hindi magkasundo. Palibhasa ay parehong mga lulon sa bisyo ang mag-asawa dati dyan. Yung lalake, drug addict, yung babae naman, lalakero. At yung mga anak nila, natuto nang magsugal. Pero isang gabi, nadatnan ng lalaki na naghahalsabalutan na ang babae. Gusto na daw niyang lumayas sa pamamahay na 'yan dahil gusto niyang sumama sa kabet niya. Pero nagalit ang lalaki at hindi pinayagan si babae. Kaya ayun, nag-away sila. Napatay pa nga ng lalaki yung asawa niya. Nakita yun ng mga anak nila, sunod din niyang pinatay yung mga anak niya. Palibhasa, drug addict nga. Wala na sa tamang katinuan kaya hindi na niya alam kung sino ang mga sinasaktan niya. Pinutulan niya ng mga kamay at paa ang pamilya niya at pinugutan pa ng ulo tapos inilagay niya sa washing machine ang putol-putol na katawan ng mga biktima. Lahat yun nasaksihan ko sa loob ng bahay na 'yun. Kaya yung lalake, tumakas para hindi mahuli ng mga pulis, at bago siya umalis, mahigpit ang bilin niya sa akin na huwag ko daw ipagsasabi kahit kanino ang nangyari. Kaya ang ginawa ko, itinago ko sa bodega ang washing machine at binenta ko nalang ang bahay para kumita. Maswerte nga ako dahil hindi niya ako pinatay, eh." kwento ni Mang Castor.
"Kung ganun, bakit pumapatay yung washing machine ng mga inosenteng tao tulad nung kaibigan ng asawa ko? Bakit kami hindi niya pinatay noong una naming nakita ang washing machine sa bodega at bakit wala kaming nakitang mga putol na katawan doon?" nalilitong tanong ni Shantal.
"Ang pinapatay lamang ng washing machine ay yung mga taong masama. Yung mga drug addict, lalakero o babaero, at yung mga lulon sa bisyo."
"Ibig sabihin, yung kaibigan ng asawa ko, drug addict or something?" kunot noong tanong ni Shantal.
"Marahil." maikling tugon ni Mang Castor.
"Eh kung mga masasamang tao lang ang pinapatay ng washing machine, bakit pa kami mag-aalala? Mabuti nga yun para maubos ang mga masasama sa mundo diba?"
"Hindi mo masasabi 'yan iha. Dahil kapag nagpatuloy sa pagpatay ang washing machine. Maiipon sa loob ang kaluluwa ng mga taong masasama at sa pagkakataong iyon, lalo silang lalakas at magiging mabangis at kapag lumabis na ang lakas nila, may posibilidad na pumatay na rin sila ng mga tunay na inosente."
"Kung ganun, tulungan n'yo kaming ihinto ang washing machine sa pagpatay bago pa lumala ang lahat."
"S-sige. Tutulungan ko kayo..." kabado si Mang Castor.

SAMANTALA, mag-isa si Morgan sa garahe habang walang patid na pinagmamasdan ang washing machine. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya mahulaan kung paano namatay si Eugene sa loob niyon. Sumakit na nga ang ulo niya sa kakaisip kaya sumandal siya sa pintuan ng garahe patalikod sa washing machine at may tinawagan siya sa cellphone niya.
"Hello, babe? Kamusta kana dyan sa bagong condo mo? Pasensiya kana, ha kung hindi kita mabisita. Naghihintay pa kasi ako ng tamang tiyempo para matakasan ang asawa ko, eh." ang sabi niya sa kabilang linya.
"Ganun ba, babe. Wala naman akong magagawa kundi ang maghintay, eh. Miss na nga kita, eh lalo na yung mga luto mo."
"Miss na din naman kita, eh. Hayaan mo kapag nagkapera ako pupuntahan kita ulit dyan at ipagluluto kita ng masasarap na pagkain. Yung mga putaheng hindi pa natikman ng asawa ko." nangingiting sabi ni Morgan sa babaeng kausap nito sa CP. Ang hindi niya alam, habang may kausap siya ay muling gumana ang washing machine. Lumabas mula doon ang magkapares na putol na kamay at gumapang ito papunta sa kinatatayuan ni Morgan. Nasa kalagitnaan siya ng pakikipag-usap nang bigla siyang hablutin ng magkapares na kamay. May pambihirang lakas ang mga ito at nagawa pa nitong maitumba si Morgan. Nabitawan niya ang CP matapos siyang kaladkarin papunta sa washing machine ngunit saktong dumating naman sina Mang Castor at Shantal. Naabutan nilang nakadapa si Morgan sa sahig habang hinihila siya ng mga kamay papunta sa loob ng washing machine. Parehong nagulat sina Mang Castor at Shantal. Humugot sila ng lakas ng loob para lapitan si Morgan at hilain pabalik. Sa kabutihang palad ay nabawi naman nila ang lalaki. Tumakbo ang mga kamay pabalik sa washing machine nang mabitawan nito ang mga paa ni Morgan. "Morgan, ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?" nag-aalalang tanong ni Shantal habang yakap ang asawa.
"Morgan, sinabi pala sa akin ni Mang Castor na may pinatay daw sa bahay na 'to at inilagay sa loob ng washing machine ang mga katawan nila. At mga masasamang tao lang daw ang pinapatay ng mga ito. Ibig sabihin ba, may ginagawa ka ring kasamaan kaya muntik ka na ring patayin ng washing machine kanina?" diretsahang tanong ni Shantal. Walang liguy-ligoy. Biglang naalala ni Morgan ang kanyang itinatagong lihim, na may iba pa siyang babae bukod kay Shantal. Ngunit dahil sa nangyari kanina sa kanya, napayakap siyang lalo sa asawa at nagsisi.
"Patawarin mo ako, Shantal. Patawad..." mangiyak-ngiyak niyang pagmamakaawa. Subalit naputol ang eksena nila nang muling gumana ang washing machine at lumabas doon ang ulo ng isang babae na may mahabang buhok. Napalingon sina Morgan, Shantal at Mang Castor sa washing machine at nagulat. Sumayad sa lupa ang buhok ng babae at pumalupot ito sa mga braso ni Mang Castor at hinila siya papunta sa washing machine. Natumba siya at nagsisigaw. Hindi na nagawang makatayo ng mag asawa sa takot.
"Bakit n'yo kinukuha pati si Mang Castor? Wala naman siyang kasalanan sa inyo, ah?" naglakas loob na tanong ni Shantal sa babae. Mayamaya ay may lumitaw pang isa sa loob ng washing machine. Isang duguang lalaki at may nakatarak pang itak sa ulo nito. "Pinatay niya kame!" galit ang boses nito. Nagbabaga ang mga mata sa galit.
"Ano??!"
Nagsinungaling si Mang Castor kay Shantal. Ang totoo, binalak din ng lalaki na patayin ang matanda para hindi ito makatakas at makapagsumbong ngunit lumaban ito. Nang makakuha ng itak si Mang Castor sa kusina ay itinarak niya ito sa ulo ng lalaki. Self defense. Nang bawian ng buhay ang lalaki ay inilagay din niya ang katawan nito sa loob ng washing machine kasama ng pamilya nito. At itinago ni Mang Castor ang washing machine sa sulok ng bodega para hindi na magamit pa. Hindi niya alam na isa palang malaking pagkakamali ang ginawa niyang iyon. At doon na nagsimulang kapitan ng sumpa ang washing machine. Ngunit nang gabing iyon din napatid ang sumpa dahil napatay na ng washing machine si Mang Castor. Tulad ni Eugene, nagpira-piraso din ang katawan nito at umikot-ikot sa washing machine habang umaapaw ang dugo nito sa loob. Nagtapos ang lahat sa pagkamatay ng matanda. Hindi agad nakakibo ang mag-asawa ng mga sandaling iyon. Hindi sila makapaniwala sa lahat ng naganap at natuklasan. Para bang malalaglagan sila ng utak sa sobrang takot. Mayamaya ay napatayo sila at tinignan ang loob ng washing machine. Pinagmasdan nila ang umiikot-ikot na putol-putol na katawan ni Mang Castor sa sarili nitong dugo na umapaw sa loob. Di nagtagal ay tumigil ang makina ng washing machine at unti-unting humupa ang dugo mula roon. Nagpapatunay na talagang tapos na ang sumpa. Napayakap na lamang si Shantal kay Morgan ng mga oras na iyon. Kinabukasan ay inalayan nila ng dasal ang washing machine kasama ang isang pari bago nila ito itinapon. At ang pangalawang babae ni Morgan? Hindi na ito muling nakatawag sa kanya dahil blinock na ng lalaki ang contact number nito sa cellphone niya. Pinutol na niya ang relasyon nila ng babaeng iyon at lalo pa niyang minahal si Shantal. Ipinadama ang higit na pag-ibig.

THE END

KILABOT (Tagalog Horror Story Collection)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon