"Ang Girlfriend kong White Lady"
Written by:Admin DreadfulMay bali-balitang simula nang mawalan ng iniirog si Pedro ay mukha na raw siyang nasiraan ng bait. Madalas makita ito ng kanyang mga kamag-aral na tumatawang mag-isa. Minsan pa nga'y nagsasalita itong mag-isa bagay na madalas tuksuhin siya ng kanyang mga kamag-aral pero hindi na lamang ito pinapansin ni Pedro.
"Look who's here, it's the pea brain." sabay taas ng kaliwang kilay ni Diane.
"The man with an imaginary friend haha." pang-aasar naman ni Marybelle.Walang imik si Pedro at sa halip ay ipinagpatuloy niya na lamang ang iniinom niyang kape. Isa sa kanya at may isa pang kape sa kanyang tabi.
"Excuse me! Pag kinakausap ka humarap ka, Bastos!!" nakapamewang na si Diane ng mga sandaling iyon.
"Look sis, sadyang malala na ang kanyang Obsessive Compulsive Disorder." tugon naman ni Marybelle.Kukunin ni Marybelle ang kapeng nasa tabi ni Pedro upang inumin ito nang bigla na lamang itong tumilapon sa isang tabi. Nagulat si Marybelle ngunit panandalian lamang at napagdesisyunan ng dalawa na umalis na lamang. Akmang lalabas na silang dalawa ng classroom nang bigla na lamang nagsipagtumbahan ang lahat ng mga upuan,
"Lubayan niyo ang Pedro ko!!" ang tinig na iyon ay 'di malaman ng dalawa kung saan galing.
"Evelyn my loves pabayaan mo na sila please." pagmamakaawa ni Pedro.Agad nagsitakbuhan papalayo ang dalawa. Naghilaan ang dalawa at sa sobrang bilis ng kanilang takbo'y 'di nila namalayan na nakarating na pala sila sa Magsaysay. Puno ng mga katanungan ang dalawa pero binalewala na lamang nila ang mga katanungang bumabagabag sa kanilang mga isipan. Nagtungo ang dalawa sa may Centermall upang maibsan ang takot na naramdaman nila kanina. Inuna nilang pinuntahan ang bahagi kung saan mayroong mga nagtitinda ng mga damit at sa sandaling iyon ay nagkahiwalay muna ng landas ang dalawa sapagkat magkaiba sila ng tipo pagdating sa mga kasuotan.
Pumukaw sa kay Marybelle ang isang kasuotan na kumikinang na parang mga bituin sa langit. Nanlaki ang kanyang mga mata sa sobrang ganda nito. Pinagmasdan niyang maigi ang nasabing kasuotan. Hahawakan niya na sana ito nang bigla na lamang may tumawag sa kanya.
"Psstt!"
Wala naman siyang natanaw na tao roon maliban sa kanya. Muli niyang pinagmasdan ang kasuotan nang may tumawag muli ng kanyang atensiyon.
"Sis 'wag mo'kong ginu-good time. It's not funny!"
Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay wala pa rin siyang nakitang tao na naroon. Ilang salitang "psstt" pa ang kanyang narinig. Nasanay na rin naman na ang kanyang mga tainga kung kaya't hindi niya na lamang pinansin iyon. Ilang sandali pa'y napansin niya na lamang na mayroong lumalabas na mga kamay sa kasuotan na iyon. Napaatras si Marybelle at kasabay noon ay ang pagpikit ng kanyang mga mata. Pinapanalangin niya sa mga oras na 'yun na sana'y namamalikmata lamang siya. Pinagsasampal niya ang kanyang sarili at iminulat ang kanyang mga mata.
"Bulaga!" panggugulat ni Diane kay Marybelle.
"Ano ka ba naman sis papatayin mo'ko sa takot."Walang anu-ano'y bigla na lamang nakaramdam si Diane ng takot at napako ito sa kanyang kinatatayuan. Ipinagtaka naman ito ni Marybelle. Habang abala siya sa pagpapakalma sa kaibigan ay bahagyang gumalaw ang kanang kamay ni Diane at may itinuturo sa likod ni Marybelle. Nang lumingon si Marybelle sa bandang likod ay nakita niya roon ang isang babaeng lumulutang na nakaputi, masama ang tingin nito sa kanilang dalawa at ang mga mata'y nanlilisik sa galit. Katulad ni Diane, si Marybelle ay napako rin sa kanyang kinatatayuan.
"San ka ba galing Evelyn my loves?" usisa ni Pedro habang abala ito sa iniinom niyang kape.
"Hindi ka na nila gagambalain pang muli mahal ko."Wala namang tao sa classroom ng mga oras na iyon maliban kay Pedro. Akala ng marami ay nasiraan na ng bait si Pedro ngunit hindi sapagkat mayroon isang bukod tanging kamag-aral niya ang saksi bukod sa kanya na hindi siya nag-iisa. Si Athena, kitang-kita nito na madalas kausap ni Pedro ang yumaong kasintahan na si Evelyn. Simula noon wala ng nang-aasar kay Pedro, natatakot kasi sila na matulad sa sinapit nila Diane at Marybelle. Nasiraan ng bait ang dalawa at patuloy lamang nilang sinasambit ang pangalan ng yumaong kasintahan ni Pedro.
-----WAKAS-----
BINABASA MO ANG
KILABOT (Tagalog Horror Story Collection)
Horor"Nasubukan mo na bang makipag-usap sa mga nasa kabilang buhay na?" - Manang ~~~ Written by different writers.