[36] Operation Plan B

390K 8.3K 1.5K
                                    

                                       

                                                   ******

Lumulusot si Alex sa bintana ng isang silid kung saan ang bagsak niya ay sa likurang bahagi ng mansiyon. May tig-isang bantay sa magkabilaang kanto ng mataas na pader ngunit dahil madilim ang bahagi ng bintanang lalabasan niya, hindi namamalayan ng mga ito ang ginagawa niyang pagtakas. Mabilis niyang tinalon ang halos may dalawampung talampakang taas. Walang kaingay-ingay ang paglapag niya sa bakuran. Tumakbo siya patungo sa mayabong na halamanan at nagkubli doon.

Maingat siyang gumapang. Napalingon sa direksiyon niya ang isang bodyguard kung kaya't agad siyang tumigil sa pagkilos. Pati halos paghinga ay pinigilan niya. Nang lumingon sa ibang bahagi ng bakuran ang bantay saka siya mabilis na tumakbo patungo sa isang puno malapit sa pader. Hindi niya basta-basta kayang akyatin at laktawan ang bakod dahil bukod sa ubod ng taas nito ay may patusok pa itong mga grills sa ibabaw.

Mabilisang inakyat niya ang mayabong na puno. Dahan-dahan niyang tinulay ang mga sanga patungo sa bahaging kadikit ng pader. Maingat na maingat at animoy walang timbang siyang gumalaw upang iwasang may yumugyog. Pagdating sa medyo dulo ng sangang tinutulayan, lumundag siya ng mataas at saka tagumpay na nakatawid sa bakod. 

Paglapag niya ay agad siyang nagpalinga-linga. Tumaas ang isang sulok ng kanyang bibig nang makita ang isang nakaabang na motorsiklo. Hindi niya ito inaasahan. Sadyang di pa rin siya natiis ni Balatbat.

"Sino yan?!" dinig niyang sigaw ng mga bantay sa kabilang bakod nang nagkaroon ng di maiwasang pagpagaspas ng mga dahon dulot ng mapuwersang pagtalon niya.

Nagmadali siyang sumakay sa motor na may nakabaon ng susi. Isunuot niya ang helmet na nakasabit dito at saka paharurot itong pinatakbo. Tinahak niya ang mga alam niyang shortcut na daan. Bagamat halos paliparin niya na ang motor ngunit agad din naman siyang nagmimenor kapag alam niyang may mga traffic enforcer. Nakikipaghabulan siya sa oras kaya iniwasan niya rin ang anumang sitwasyon na magdudulot ng pagkaantala.

Sa loob ng dalawang oras, nakarating siya ng San Juan, Batangas. Panandalian niyang itinabi ang motorsiklo at kinuha sa backpack ang isang mapa. Pinag-aralan niya ang eksaktong lokasyon ng hideout ng mga kidnappers. Nang masaulo ang daan saka niya muling pinaandar ang motor. 

Tumigil siya sa isang madilim na lugar na may layong mga isang kilometro mula sa pinagkukutaan ng mga kriminal. Ipinarada niya sa tabi ng isang puno ang motorsiklo at maingat na lamang na binaybay ang daan patungong hideout. Palinga-linga siya sa paligid. Naaamoy niya ang simoy ng hanging nagmumula sa dagat at nadidinig na din ng sensitibo niyang mga tenga pati mga alon. Pailan-ilang resorts na rin ang kanyang nadaanan. Maaring buhay na buhay sa mga baybayin subalit tahimik lamang ang kahabaan ng kalsada. May kadiliman. Bibihira ang mga bahay. Mga puno ng niyog at saging ang marami dito.

Natanaw niya ang kuta ngunit hindi agad siya lumapit. Mistula itong pribadong resort. Matataas ang pader at may mga nakaikot na alambre sa ibabaw. May nakasulat na 'warning w/ electricity'

Hinubad niya ang jacket at backpack. Nagsuot siya ng climbing belt at inakyat ang isang puno ng niyog bitbit ang teleskopyo. Huminto siya sa kalagitnaan at sinurvey ang buong lugar. May laki itong halos isa't kalahating hektarya. Pati bahaging nakaharap sa dagat ay nababakuran din ng mataas na pader. May malaking up and down na bahay sa gitna. May tatlong nipa hut sa bawat side ng pader maliban sa kanang bahagi na bukod sa mga kubo ay may nakatayong isang may munting sementadong bahay ngunit gawa sa pawid ang bubong. Matatagpuan ito sa unahang sulok malapit sa bukana.

Nagsalubong ang kanyang mga kilay habang sumisilip sa teleskopyo. Pinag-iisipang mabuti kung saan pwedeng itago si Aldovar.  Mas malamang na itatago ito sa malaking bahay dahil iyon ang mas higit na mahirap pasukin. Ngunit pwede ring nasa maliit itong bahay at ang lider ang nasa malaking bahay para sa proteksiyon ng pinuno. Ang mga ganitong lider na nanghahamon ng babae at tinataya ang kapakanan ng buong samahan para lamang sa paghihiganti ay tiyak na may itinitagong karuwagan o pagkamakasarili. Mas inuuna nito ang pansariling proteksiyon at ipinapanangga ang mga tauhan.

Ang Misis Kong Astig!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon