CHAPTER 9

757 129 15
                                        

KABANATA 9

Kahit na nanghihina ay pinilit ni Rin Halesmoth na tumayo at lumipad upang marating ang kinaroroonan ng kanyang lolo dalawang araw na ang lumipas. Si Munting Dark ay tumalon sa kanyang balikat at makikita sa kanyang expresyon ang pag-aalala.

Dalawang araw nang hindi umuuwi ang kanyang amo kaya napagpasiyahan nitong sundan ang mga ito. Hindi aakalain ng munting itim na pusa na ganito ang kanyang madadatnan.

Sa ilang oras na paglipad, sa wakas ay narating na ni Rin Halesmoth ang lugar. Ngunit ang kanilang nadatnan ay mga sira-sirang puno na nagkalat sa lugar. Ang lupang mayroong malalalim na butas na mahahalatang dulot ng isang matinding labanan.

Nagkalat rin ang mga dugo at katawan ng mga nadamay na Vicious Beast at medyo nangangamoy na ang mga ito dahil sa dalawang araw nang pinagpye-pyestahan ng mga uwak at langaw ang kanilang bangkay.

Ang malamig na mga mata ni Rin Halesmoth ay lalo pang mababakasan ng lamig. Blanko ang expresyon nito at ang tanging gusto lamang niyang makita ay ang kanyang lolo. Malawak ang nasakop ng labanan kaya kailangan pang suriin ni Rin Halesmoth ang lugar upang mahanap ang hinahanap nito.

"Meow!! meooooww~"

Naagaw ng pansin ni Rin Halesmoth ang tila alulong na hinagpis ni Munting Dark. Agad siyang lumipad sa kinaroroonan nito at ang bumungad sa kanya ay ang katawan na pugot ang ulo.

Durog na durog ang mga buto sa katawan at ang mga lamang loob nito ay lumabas na sa kaniyang tiyan. Hindi mabilang na galos ang tinamo nito at ang pinakamasahol sa lahat ay wala itong ulo. Mga langaw na lamang ang lumilipad sa ibabaw ng bangkay at kahit dumating pa ang pinakamagaling na Alchemist sa buong mundo, wala nang pag-asa upang gamutin ang katawang ito.

Nang masaksihan ni Rin Halesmoth ang pugot na katawan ay bumagsak siya sa kanyang paglipad. Malakas na pagbagsak ang kanyang naranasan ngunit tila wala siyang naramdaman nang lumapat ang kanyang katawan sa lupa.

Thud!

Napaluhod na lamang ang binatilyo at ang kaniyang mga mata ay biglaang nanlabo dahil sa patuloy na pag-agos ng kanyang luha. Tahimik ang kaniyang pag-iyak ngunit ramdam na ramdam ang kalungkutan at paghihinagpis sa kanyang mga mata.

Ang taong nag-alaga at nagpalaki sa kanya ng sampung taon ay hindi niya aakalaing dadanas ng ganitong pagdurusa. Alam niyang hindi siya tunay na kadugo ng kanyang lolo dahil sinabi na nito sa kanya noon pa ang katotohanan, natagpuan lamang siya nito sa maliit na kubo at ang kanyang ina ay namatay noong pinanganak siya.

"TANDA!!~"

Sigaw ni Rin Halesmoth na mayroong halong paghihinagpis. Pumasok sa kanyang ala-ala ang masasaya nilang ala-ala. Ang paggabay at pagtuturo nito sa kanya sa pakikipaglaban hanggang sa pagbuo ng mga sandata at pills. Ang magkasama nilang pakikipaglaban sa isang malakas na Vicious Beast at ang pagtuturo nito sa kanya sa larangan ng Beast Taming.

Ang lahat ng iyon ay hindi na muling mangyayari dahil wala na, wala na ang kanyang lolo at alam niyang hindi na ito maibabalik pa sa mundo ng mga buhay kahit ano pa ang gawin niya.

Lumutang ang katawan ni Rin Halesmoth sa himpapawid. Blanko ang kanyang berdeng mga mata at ang itim niyang buhok na kasing itim ng gabi ay pumapagaspas. Nagkaroon ng malakas na hangin sa lugar na iyon at ilang sandali ay namuo ang maiitim na ulap sa kalangitan.

"Krooooggggg!"

Pumalahaw ang ingay ng kulog at ilang saglit pa bumuhos ang malakas na ulan.

"Bzzttt!"
"Blangggg!"

Kasabay nito ang pagkakaroon ng malakas na kidlat sa kalangitan. Ang kaninang malakas na sikat ng araw ay nawala at biglaang pumalit ang tila nangangalit na panahon.

Hindi lang sa bulubunduking iyong ang naapektuhan dahil halos sa buong bansa ng Umwar Kingdom ay bigla na lamang sumama ang panahon. Hindi matukoy ng mga tao kung bakit bigla na lamang nagkaroon ng malakas na ulan at kidlat. Dumilim din ang kalangitan dulot ng maiitim na ulap.

Si Rin Halesmoth ay nakalutang lamang sa ere at sa malakas nitong paghiyaw dulot ng paghihinagpis ay muling kumidlat ng napakalakas.

Kung makikita ito ng mga experto sa kontinente, siguradong isa lamang ang papasok sa kanilang mga isip. Isang tunay na henyo! Isang malakas na mago ang lumitaw na maging ang kanyang emosyon ay nakakaapekto sa daloy ng kalikasan.

"Meoww~"

Ang itim na pusa ay lumutang sa ere at ang abo nitong mga mata ay mababakasan rin ng paghihinagpis at pag-aalala. Nag-aalala ito para sa kanyang amo dahil alam niyang nilalamon ito ng kalungkutan.

"Hiyaaaa! Waaaaaa!!!"

"Krooggggg!"
"Bang!!!"

Sa muling paghiyaw ng kanyang amo ay nakataas ang mga kamay nito, at sa paggalaw ng kanyang kamay pababa ay siya ring pagbulusok ng napakaraming bultahe ng kidlat.

Pumatong si Munting Dark sa balikat ni Rin at hindi nito pinigilan ang kanyang amo na ilabas ang kanyang nararamdaman. Ilang oras ang lumipas at sa wakas unti-unting nawawala ang malakas na kidlat at ulan. Bumaba si Rin Halesmoth sa bangkay ng kanyang lolo at maingat itong binuhat.

Hindi nila mahanap ang ulo nito at maging si Urka ay walang bakas sa lugar na iyon. Maaaring ulo lang ang kailangan kaya pinugutan ng ulo ang kanyang lolo. Si Urka ay hindi malabong patay na rin dahil hindi nakita ni Rin ang bangkay ng kanilang nakalaban.

Humakbang si Rin Halesmoth at umalis sa lugar na iyon. Bumalik sila ni Munting Dark sa kanilang kubo na nagsilbi na nilang tirahan. Sa likod ng maliit na kubo niya ginawan ng libingan ang kanyang lolo.

Nang maisagawa niya ang puntod nito sinimulang niya na ring bumuo ng isang Array Formation. Magsisilbi itong proteksyon sa libingan ng kanyang lolo. Isang napakalaking bato ang namuo sa mismong libingan nito.

Ngunit ang batong iyon ay isang Array lamang na gawa sa ilusyon. Kung hahawakan ang bato ay hindi mo mahahalatang ito ay isang huwad. Ang medalyon na binuo ni Rin Halesmoth ay siyang susi lamang upang mabuksan ang Array. Kumpyansa siyang hindi masisira ang kanyang ginawang Array kahit pa ilang beses itong atakihin ng malalakas na atake.

Ang blankong expresyon ni Rin ay hindi nawala at naglabas siya ng panulat upang sumulat ng mensahe kina Ginoong Viro.

Ang nakalagay sa sulat ay patay na ang kanyang lolo at ang dahilan nito ay dulot ng katandaan. Nagsinungaling siya dahil sa mga oras na iyon, maging sina Ginoong Viro ay hindi niya maaaring pagkatiwalaan.

Sila lamang ang kilala niya kaya hindi malabong mayroon silang nalalaman sa mga pangyayari. Ang sulat ay itinali niya sa paa ng isang uwak. Sa pamamagitan ng kanyang utos ang uwak ay mabilis na lumipad upang hanapin ang taong nakatatak sa kaniyang isipan.

"Magsisimula ngayon Munting Dark, hindi na tayo titigil sa pag-eensayo. Bubuo at mag-eexperimento rin tayo ng mga pambihirang pills na kahit sa labas ng kagubatang ito ay wala silang kaalaman, at sa oras na sapat na ang ating lakas at kaalaman lalabas tayo sa kagubatang ito. Hahanapin at ibabalik natin ng isang daang beses ang ginawa nila kay Tanda!"

Madiing wika ni Rin Halesmoth, ang abong mga mata ni Munting Dark ay lalo pang naging malamig. Tila gaya ng kanyang amo ang lahat ng kasiyahan sa kaniyang mga mata at puso ay naglaho na rin.

Simula nang araw na iyon, wala nang tigil ang naging pagsasanay ni Rin Halesmoth. Maging ang pagdiskubre ng mga bagong gamot ay kaniya ring pinagtuunan ng pansin. Sa ganitong paraan lamang niya makakalimutan ang bangungot na dumating sa kanyang buhay.

-

Tok!

Tok!

"Kaibigang Rin! Halika na at kumain muna tayo. Kanina pa nagtatawag si Guro."

Naputol na lamang ang mga ala-alang pumasok sa isipan ng binata nang marinig nito ang pagtawag ni Owen. Pinunasan niya ang kanyang mata dahil tila mayroong pumatak na luha mula rito.

Inayos niya ang kanyang sarili at si Munting Dark na kanina pa nahahalata ang kalungkutan ng kanyang amo ay pumatong na sa balikat nito. Alam niyang lumabas si Rin sa kanilang tinitirhang kagubatan dahil oras na upang simulan ang kanilang mga plano.

©️Kuya_Rey

The Hidden ProdigyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon