CHAPTER 4

788 122 13
                                    

KABANATA 4

"Isang Oras?"

Napakunot ang noo ng mga kawal at hindi makapaniwala sa sinabi ng binatilyong nasa kanilang harapan.

Sa kanilang kaalaman, maaaring abutin ng sampung oras o mas matagal pa ang panggagamot sa kanilang tatlong kasama dahil nasa bingit na ang mga ito sa kamatayan.

Maaaring isang oras lamang ang panggagamot kung isang Master Alchemist ang siyang personal na mag-aasikaso sa kanilang kasama ngunit kung isa lamang studyante ay wala silang tiwala rito.

Ngunit kahit gano'n pa man, wala silang karapatan upang kwestyonin ang binatilyong nasa kanilang harapan na mayroong hawak na medalyon na mayroong dalawang simbolo ng kumikinang na bituin.

Sino sila para kwestionin ang isang kagalang-galang na Two Star Master Alchemist na iginagalang saan mang sulok ng kontinente.

Maaaring uminom ito ng pambihira niyang gamot upang gawing bata ang kanyang hitsura. Iyon na lamang ang naisip ng mga kawal at maingat na pinagmasdan ang binatilyong mayroong itim na buhok at berdeng mga mata.

Napansin din nila ang maliit na itim na pusa sa balikat nito ngunit isa lamang itong ordinaryong pusa kaya hindi nila ito pinagtuunan ng pansin.

"Mahina na ang kanilang pulso, Kaibigang Rin! Maaaring magamot ko ang dalawa ngunit ang isa sa kanila ay mayroong lason sa loob ng kanyang katawan."

Maingat na ibinaba ni Owen ang kamay ng isa sa mga kawal at mapapansin ang nangingitim nitong katawan. Ang isang kawal na ito ay nakagat ng isang nakalalason na Vicious Beast at ang bagay na ito ay hindi kayang asikasuhin ni Owen dahil wala siyang sapat na oras para tanggalin ang lason sa katawan nito.

"Hmmnn... ipaubaya mo na saakin ang isang iyan."

Lumapit si Rin at pinagmasdan ang kalagayan ng kawal na ito. Mayroon itong malalim na kalmot sa tiyan na muntikan nang nagpalabas sa kanyang lamang loob at mayroon din itong malalim na sugat sa kanyang hita na mababakasan ng matutulis na pangil.

"Kumalat na ang lason sa kanyang katawan. Nanghihina na rin ang kanyang pulso at hindi na siya magtatagal ng tatlumpong minuto."

Napasinghap ang mga kawal na nanonood at nawalan sila ng pag-asa dahil sa sinabi ni Rin.

Ngunit natigilan sila sa sunod na sinambit ng binata.

"Ngunit ang tatlumpong minuto ay higit pa sa sapat upang magamot siya. Sabihin na lang nating swerte siya ngayon dahil ako ang gagamot sa kanya."

Tinanggal ni Rin ang wasak na damit ng kawal at sinimulang linisan ang mga sugat nito.

Si Munting Dark na natutulog kanina sa kanyang balikat ay nagising na at naglabas ito ng dalawang uri ng potions sa kanyang bulsa.

Iniabot niya ito kay Rin at ang binata naman ay ipinahid ang isa sa mga sugat ng kawal at ang isa naman ay ipinainom nito ng sapilitan.

Ilang segundo ang lumipas ay mayroong lumabas na malagkit na itim na likido sa katawan ng kawal. Ito ang lason na kanina ay kumakalat sa kanyang katawan.

Pumulupot ang dahon sa katawan ng kawal at umangat ito sa ere. Pagkatapos ay nilinisan ang kama gamit ang tubig at pati na rin ang katawan ng lalaki upang matanggal ang malagkit na itim na likido.

Muling ibinalik ni Rin ang kawal sa kama at naglabas muli si Munting Dark ng isang maliit na bote ng pills.

Berde ang kulay ng Pills at hugis maliit na bilog ito na siyang agad na malulunok kapag inilagay sa bunganga.

Lumipas ang ilang sandali at kapansin-pansin ang paghihilom ng sugat sa katawan ng kawal. Ang malalaking hiwa sa katawan nito ay unti-unting nanumbalik sa dati nitong balat.

The Hidden ProdigyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon