CHAPTER 12

821 161 37
                                    

KABANATA 12

Hindi umalis si Rin Halesmoth sa lugar na iyon bagkus bumalik siya sa kanina niyang upuan at tamad na pinagmasdan ang iba pang patuloy na nagsasagot.

Tumagal siya ng isa't kalahating oras sa pagsagot at masasabi niyang matagal na iyon. Hindi niya minamaliit ang ibinigay na pagsusulit dahil lumagpas ito sa kanyang inaasahan. Alam niyang sa mga kapareho niya ang edad mahihirapan ang mga ito na maipasa ang pagsusulit.

Pinagmasdan ni Rin Halesmoth si Owen at tinantiya nito kung papasa ba ang kanyang nag-iisang kaibigan. Ngunit kilala niya ang hangganan ng talino ni Owen at base sa kalkulasyon ni Rin Halesmoth mababa ang tiyansang pumasa ang kanyang kaibigan. Ngunit nasa kanyang kaibigan pa rin ang totoong resulta, ito lamang ang kalkulasyon ni Rin Halesmoth.

Habang pinagmamasdan ni Rin Halesmoth si Owen napapansin nito ang pamumuo ng pawis sa mga noo nito. Halatang nahihirapan siya sa kanyang sinasagutan. Ang ibang mga kalahok ay gano'n din, ang iba pa ay napapahawak na lamang sa kanilang mga ulo at halos maiyak na dahil kahit anong gawin nila ay hindi nila alam ang kasagutang hinihingi.

Dahil sa tanawing ito ay mas lalong nabagot si Rin Halesmoth. Hinanap niya ang pigura ni Ginoong Viro sa labas ng malawak na espasyo at natagpuan niya itong nakatingin sa kanyang estudyante.

Tiwala si Ginoong Viro na papasa ang kanyang estudyante ngunit sa nakikita niya ngayon ay hindi niya mapigilang kabahan. Para naman kay Rin Halesmoth, alam niyang ang binatilyong ito ay papasa at marahil mas marami pang kaalaman ang batang ito kaysa sa kanya.

"Hmmmnn, mukhang nag-aalala si Tanda."

Mahinang bulong ni Rin sa kanyang sarili ngunit ipinagsawalang bahala na lamang niya ito. Nagtama ang paningin nila ni Munting Dark na nasa balikat ni Ginoong Viro. Nababagot na rin ang Munting itim na pusa dahil sa kahihintay sa kanyang amo. Ang abo nitong mga mata ay muling pumikit at tila walang pakealam sa maraming tao.

Hindi maaaring sumama ang mga Vicious Beast sa kanilang mga amo dahil isa ito sa patakaran. Maging ang mga Spacial Rings ay ipinaiwan sa labas ng malawak na espasyo. Maaari kasing may maganap na dayaan kapag nasa kanila ang kanilang Spacial Rings at alagang Vicious Beast kaya pansamantala itong ipinaiwan ng dalawang propesor.

_

Samantala sa isang malaking silid sa loob ng mataas na gusali ay mayroong matandang lalaki. Pormal at makikitaan siya ng otoridad. Malumanay siya kung magsalita ngunit sapat na ito upang sundin at respetuhin siya ng kanyang kaharap.

"Bakit ngayon niyo lamang ito nalaman Propesor Fang. Ang bulumbon ng papel na nasa pilak na kahon ay para sa mga guro na gustong subukang magturo sa ating paaralan. Habang ang nasa itim na kahon ang para sa mga estudyante na gustong mag-aral para sa taong ito."

Malumanay na wika ng matandang lalaki, siya ang Headmaster ng Phantom Academy. Iginagalang at ang kanyang pangalan ay kilala sa buong kontinente. Isa sa mga maiimpluwensyang tao at isa rin sa mga talentado noong kanyang henerasyon.

"Headmaster, ngayon ko lamang napansin na iba ang nadala ni Propesor Urio at Mino. Sila ang nakatalaga sa Lungsod ng Agriseth upang magsagawa ng pagsusulit."

Wika naman ni Propesor Fang, isa siya sa pinaka magaling na guro sa Phantom Academy. Ang akala niya ay naipaliwanag na sa mga Propesor na ang pilak na kahon ay para sa pagsusulit ng mga aplekanteng guro. Hindi niya aakalain na iyon ang dadalhin ni Propesor Urio at Mino.

"Hayy, paniguradong walang papasa sa mga magsusulit sa lungsod na iyon kung ang pilak na kahon ang kanilang dinala." Wika ng Headmaster at muling nagpatuloy sa kanyang sasabihin.

"Ikaw na lamang ang magdala ng itim na kahon sa lungsod ng Agriseth, Propesor Fang. Sundan mo sina Propesor Urio at Mino dahil paniguradong wala ring kwenta kung ang pilak na kahon ang kanilang dala."

The Hidden ProdigyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon