Kabanata 15

771 25 1
                                    

Bumalik na ang dalawa, si Mico at Joce galing kung saan. Maayos na ngayon ang mukha ni Joce at nagtatawanan pa ang dalawa. Nahihiwagaan na talaga ako sa kanila.

"Kakain na ba?" tanong ni Mico sabay tingin sa mesa na puno ng pagkain.

"The nerve. Hindi ka naman tumulong," reklamo ni Andrew at matalim na tiningnan si Mico na pangiti-ngiti lang.

Humawak siya sa dibdib niya na para bang nasasaktan siya.

"Ako naman ang naghiwa, nag timpla at nagtuhog niyan, ah! Hindi pa ba sapat 'yon? 'Yong iba nga riyan, paupo-upo lang," pabirong sabi ni Mico ang huli.

"Fuck you," sagot agad ni Alex. Siya ba ang tinutukoy ni Mico? Akala ko ako. Sira ba siya? Paano naman tutulong si Alex kung wala naman 'yang maaninag? Hindi naman mukhang nagalit si Alex sa biro ni Mico.

Humalakhak si Andrew na parang natutuwa pa sa mga nangyayari.

Nagsimula na kaming kumain at nasa tabi ako ni Alex. Kaharap namin si Mico at Joce. Sa gitnang bahagi naman ng mesa ay si Andrew.

Nilagyan ko ng vegetable salad ang pinggan ni Sir at nagsalin na rin ng juice sa baso niya. Habang ako, barbeque lang. Ayoko sa salad dahil pakiramdam ko, para akong kambing.

Hindi ako sanay sa ganoong klaseng pagkain. Ang sarap nga sana magkanin, e. Iyon ang perfect na partner nitong barbeque, tiyaka sawsawan na may sili!

Pero siyempre, nakakahiya mag demand at mga rich kids ang kasama namin. At isa pa, sino ba ako para mag demand?

Nagkatinginan kami ni Joce, at sabay kaming napatingin sa barbeque. Pareho yata kami ng iniisip.

"Uh, may kanin ba tayo?" tanong niya sa mga lalaki at napapakit ako sa kahihiyan.

Nagtinginan ang mga lalaki at nakakunot lang ang noo ni Alex at nakikinig.

"Rice? Bakit?" tanong ni Mico.

Talaga? Hindi nila alam na dapat kanin ang partner nitong barbeque at hindi damo-damo?

"Para sa barbeque. Paano natin makakain 'to kung walang kanin? Huwag niyong sabihing 'yang gulay ang ipapares natin sa barbeque? Hindi naman yata tayo mabubusog niyan at iyon din ang gusto ni Honey! Hindi ba, Honey?"

Ito na nga ba ang kinakatakot ko, na baka mapunta sa akin ang usapan. Dahil totoo naman ang sinabi ni Joce! Sa sobrang hiya ko, kaysa tumango ay umiling ako.

"Okay lang ako, Joce," alanganin akong ngumiti sa kanya pagkatapos. Nagulat siya sa sinabi ko.

"Talaga? Gusto mo 'yan?" sabay turo niya sa vegetable salad nang nakataas ang kilay. Parang nag-aabang din ang lahat sa isasagot ko.

"O-Oo! Masarap 'yan! S-Subukan mo," aya ko pa na parang nakakain na ako no'n.

Napangiwi siya at umiling.

"Sige na nga! Pero hindi ba pagkain ng kambing 'yan?"

Napaubo si Alex sa pag-kain. Nabulunan yata siya sa sinabi ni Joce at dali-dali kong inabot sa kanya ang tubig. Tawa naman nang tawa si Mico at Andrew.

"So we're goats?" natatawang tanong ni Andrew kay Joce.

Itinuro ni Joce ang salad. "Anong klaseng mga dahon 'yan? Parang pampunas sa pwet sa amin 'yan, e!"

Si Mico naman ngayon ang nabulunan at ibinaba na ni Alex ang kutsara niya sabay inom ng tubig.

"Cook rice for her," utos niya sa hindi namin alam kung kanino.

"Sige na, magluluto na. Tara, sama ka sa 'kin," si Mico at hinatak si Joce papuntang kusina.

Tawa pa rin nang tawa si Andrew at alanganin ang ngiti ko. Napatingin ako kay Alex at hindi na siya kumakain. Nawalan ba siya ng gana?

Secret ScentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon