"Hoy grabe, ha. Hindi naman yata tama iyon. Alam niyang naihulog niya ang baso at narinig ka pa niyang napaimpit sa sakit. Hindi ka man lang niya kinamusta? Kaya pala walang nagtatagal diyan, e," maktol ni Joce habang ginagamot ang sugat ko sa kwarto namin.
Dito na ako dumiretso dahil ayoko nang mag-alala pa si Nay Lolit. Napapangiwi ako sa tuwing lalapat ang gamot sa sugat ko.
"Kaya mo pa ba talaga, Honey? Baka ngayon sugat-sugat lang, tapos sa susunod ay kung ano nang mangyari sayo," pag-aalala niyang sinabi.
Paano pa kaya ang mga susunod na araw ko dito. Makakaya ko pa kaya? Sobrang nasasayangan naman ako sa totoo lang kung iiwan ko ang trabahong ito. Pero ang hirap niyang alagaan.
Huminga ako ng malalim at napahiga sa kama matapos magamot ni Joce ang sugat ko. Nag-iisip ako, kung kaya ko pa ba. Naisip ko rin kung babalik ako sa fastfood na pinagtatrabahuan ko dati ay siguradong hindi kakasya ang sweldo ko roon para pag-aralin ang sarili. Lalo na at malapit na akong magtapos. Marami ang gastusin sa school at bukod pa roon, ang pangkain ko pa sa araw-araw at kung anek-anek.
"Gusto ko nang umalis, Joce. Pero hindi pwede," wala sa sarili kong sinabi habang nakatingin sa kisame.
"Paanong hindi pwede?" aniya at umupo sa tabi ko at dumungaw sa akin.
Bumangon ako at inayos ang sarili. Babalik na ako sa kwarto ni Alex dahil magtatanghalian na.
"May malaking utang kami kay Aling Marites. Nag-aaral ako, nakakulong pa si Tatay. Paano na ako niyan kung titigil ako rito? Paano ako makakapagtapos?" malungkot kong saad sa kaibigan at nakitang nalungkot rin ang mukha niya sa sinabi ko.
"Sa bagay, saan ka naman makakahanap ng ganito kalaki ang sweldo? Kahit yata engineer hindi aabot sa isang daang libo ang sahod sa isang buwan," aniya at inayos na rin ang sarili. "Mabuti pa, kaibiganin mo siya, Honey. Malay mo, magbago ang pakikitungo niya sayo," suhestiyon niya sa akin.
Kaibiganin? Hindi mo nga halos makausap iyon nang hindi ka sinisinghalan. Parang ang laki ng galit niya sa mundo pati na sa mga taong nakapalibot sa kanya.
"Malabo 'yon. At ang amo, hindi dapat kinakaibigan, Joce. Amo natin sila katulong lang tayo. Baka siguro gano'n siya makitungo sa akin dahil normal lang iyon sa kanila," saad ko bago pa nagpaalam kay Joce.
Nasa harapan na ako ng pintuan ni Alex. Bago ko pa pinihit ang siradora ay huminga muna ako ng malalim. Pagkabukas ko ng pintuan ay nakita ko siyang nakatayo paharap sa bintana kung saan ay nasisikatan siya ng araw. Parang dinadama niya ito dahil nakapikit siya.
Ayokong disturbuhin ang ginagawa niya kaya paatras akong naglakad, palabas na sana.
"Stay," biglang salita niya at nagpakurap-kurap ako. Hindi na tinuloy ang paglabas.
"Do you know how it feels to be alone? Iyong kahit may ibang tao kang kasama pero pakiramdam mo, nag-iisa ka pa rin," dugtong niya at nalaglag ang panga ko sa sinabi niya. Saan 'yon nanggagaling? Nangangapa ako ng isasagot dahil natatakot akong mali ang masabi ko at baka kung ano na naman ang mangyari sa akin.
Tumabi ako sa kanya paharap sa bintana. Sumasayaw ang mga puno sa simoy ng hangin. At mas tumitingkad ang kulay nila dahil sa sikat ng araw. Kagaya ni Alex. Mas nakikita ko ngayon sa liwanag ang mukha niya. Kung gaano kagandang lalaki siya. Pero sa likod ng magandang mukha niya ay nakatago ang pangit niyang pag-uugali.
Tungkol naman sa tanong niya, ramdam ko ang ibig niyang sabihin. Mag-isa na lang din ako...para sa akin. Andiyan nga si Tatay, nakakulong naman. Parang wala rin. Hindi rin maayos ang pakikitungo niya sa akin.
"Bakit mo naman natanong? Iyon ba ang pakiramdam mo ngayon?" buong tapang kong tanong sa kanya at hindi ko man lang siya tinawag na 'sir'.
Tumingin ako sa kanya at mangha-mangha ako sa kutis niya, sa hugis ng mukha niya, minus talaga ang bigote. Ang mga mata niyang kumiskislap na kulay gray na mas lalong nagpapatingkad sa ka gwapohan niya. Ang maliit at matangos niyang ilong at ang mga pilik-mata niyang mas mahaba pa at makapal kaysa sa mga pilik-mata ko.
BINABASA MO ANG
Secret Scent
RomanceLove is blind, literally. She fell in love to a blind man which happen to be her boss. Siya ang naging daan, at liwanag sa madilim na mundo ni Alexander Gallendre ang nag-iisang anak ng yumaong mag-asawang Gallendre. It wasn't a smooth sailing for...