Kabanata I

23.4K 448 15
                                    

Ngayon ko lang na-post 'tong story sa maraming kadahilanan. March 8 pa dapat pero... yun nga. Anywayyy.. alam n'yo naman na siguro kung kaninong kwento ito kung nagbabasa man kayo ng Beauty and Madness. Kung hindi naman, okay lang magegets nyo pa rin siya.

Medyo mas explicit ito kaysa sa Beauty and Madness. So read at your own risk!

***

KABANATA I

MAKALIPAS ang sampung taon…

“Fortune Lights. Dalawa. Pasindi na rin.”

Mabilis na iniabot ni Alexa sa tsuper ang lighter at dalawang sigarilyo na hinugot niya mula sa kulay abong pakete ng Fortune Lights. Inayos niya ang suot na sumbrero habang hinihintay ang lalaki na masindihan nito ang isinubong yosi.

“Baka gusto n’yo rin ng tubig, kuya. Meron din ako. Malamig na malamig pa,” ngiting alok niya rito na sinagot lamang ng iling ng lalaki.

“May tubig ako, salamat. Heto ang bayad oh. Mamaya na lang ‘yong sa basahan, wala pa akong barya.”

Napakamot si Alexa, nabahala ng bahagya gaya ng madalas na mangyari kapag hindi agad nagbabayad ang mga driver sa kanya. Kahit naman kasi alam niyang pabalik-balik lamang ang mga tsuper ng dyipni, taxi, at bus sa lokasyon niya’y may iba talagang kinakalimutan na ang mga utang. Kung alam lang ng mga ito kung gaano kahirap kumita sa kalye.

“Sige na nga ho. Basta h’wag n’yong kalimutan ha?”

“Aysus, ikaw pa ba naman? S’ya sige na. Puno na ako, iba-byahe ko na ‘to. Salamat!”

Tumabi siya sa sidewalk at pinanood na paandarin ng tsuper ang dyipni. Sinundan niya iyon ng tingin hanggang sa may pamilyar na kamay ang tumapik sa kanyang balikat na naging sanhi upang mapapitlag siya sa gulat.

“Oh easy. Ako lang ‘to.” Ngising bungad ni Zaira na sapo-sapo sa balikat ang takatak na tila hindi pa rin nababawasan ng paninda. “Masyado kang magugulatin.”

“Eh kasi magpasintabi ka naman! Bigla ka na lang sumusulpot!” kunot ang noong sagot niya sa matalik na kaibigan. “Oh ano nang nangyari sa ‘yo? Parang ‘di naman nabawasan ‘yang bitbit mo.”

Nagkamot sa ulo ang dalaga, ilan sa hibla ng buhok nito ang kumawala dahil doon. “Wala kasing masyadong motorista sa kabila, eh. May isinaradong kalye yata sa malapit kaya sa ibang kalye dumadaan ang karamihan.”

“Naku, ang sabihin mo, kasalanan ‘yan ng katamaran mo. Anong oras ka na ba kasi lumitaw dito kanina? Magha-hapon na nga, oh.”

“Oo na, oo na. Kasalanan ko na. Ano pa nga ba? Basta okay na ‘to. Ang mahalaga may pang-kain ako mamayang gabi kahit na papaano.”

Nagkibit ng balikat si Alexa, alam na ayos lang naman talaga sa kaibigan ang madalas na matumal na kita. “Sabi mo, eh. H’wag ka nang lumipat do’n. Dito ka na lang, marami namang motorista rito.”

Tumango si Zaira at kagyat na tumakbo mayamaya nang may sumenyas na driver sa kanila. Sinundan niya ang kaibigan habang sabay na inaayos ang sumbrero at tinatakpan naman ang mga mata mula sa matinding sinag ng araw.

Pinagmasdan niyang magbenta si Zaira, pinanood itong makipagtawanan sa mga tsuper at magbiro. Napangiti siya sa sarili. Mabuti pa ang kaibigan niyang iyon, tila walang problema sa buhay. Kahit na halos magkumahog sila sa pagbebenta ng mga basahan, kendi at yosi sa kalye ay nagagawa pa rin nitong ngumiti. Samantalang siya’y malapit nang bumigay. Sa hirap ng buhay sa kalye, madalas na siyang nagbabalik-tanaw sa dating maalwan niyang estado.

The Innocent and The DamnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon