Kabanata XVI

6.7K 137 1
                                    

KABANATA XVI

"THIS is not... Britanni, this is not a good idea."

Nagpalinga-linga si Alexa sa kabahayan. Halatang luma na ito ngunit base sa ganda at linis ay naaalagaan naman. Pagkapasok nila kanina sa gate, walang tao. Hindi niya alam kung paanong napanatili ang mga rosas at samu't saring bulaklak sa hardin gayong parang wala naman yatang nakatira dito.

"Davao pa rin ito, hindi ba?" tanong niya kay Britanni na pasalampak na naupo sa sofa.

"Davao pa rin," sagot nitong pinutol ang makikipagtagisan ng matalim na titig sa fiancèe. "Hindi naman tayo umalis ng Davao. Dinala lang kita sa kung saan hindi tayo matutunton ng kapatid ko."

"P-Pero saan ba ang lugar na 'to? Isa pa, bakit parang walang nakatira?"

"Meron naman. Kasambahay namin. Mine-maintain niya 'tong bahay simula nang umalis kami rito. Bahay namin ito dati noong nabubuhay pa sina Mommy at Daddy. No'ng nakuha ang mana ko, nag-decide akong ipaayos ito ulit at bisi-bisitahin kapag may pagkakataon. Pero lagi akong nawawalan ng pagkakataon kaya ngayon na lang ulit ako nakapunta rito."

Kumunot ang noo niya sa pagkalito. Kung bahay pala ito noon nina Helion, ibig sabihin ay mas magiging madali rin ang pagtunton sa kanila dito ng binata. "Edi alam niya ang bahay na 'to? Bakit tayo nandito kung gano'n?"

"Good point." Patango-tangong ngumiti sa kanya si Britanni. "Pero bakit naman siya pupunta sa isang lugar na hindi niya alam na nag-e-exist pa rin pala?" sa gulat niyang ekspresyon ay tumangong muli si Britanni. "Bilang lang ang mga lugar sa Davao na kayang puntahan ni Helion without associating those with the memories of our childhood. Hindi siya pupunta dito, believe me."

"Hindi mo man lang ba ipapaalam sa kanyang kasama mo ako?"

Britanni simply shrugged her shoulders. "Alam na niya 'yon. At sigurado akong ipinagtatauban na niya ang buong Ilaya para lang hanapin ka."

"Kaya nga itigil na natin 'to, baby." Sabad ni Anthony mula sa likuran. May pag-aalala sa ekspresyon ng lalaki na maski si Alexa'y nahahawa na rin dito. "You don't know what you're doing!"

"So enlighten me then. Ano ba'ng ginagawa ko?"

Nag-aalalang tumingin si Anthony sa kanya, waring may gustong ipahiwatig.

Pakiramdam ni Alexa, nararamdaman ni Britanni na may alam si Anthony sa nangyayari. Sa palagay niya'y pinarurusahan din nito ang mapapangasawa sa tahimik na paraan. Nagi-guilty tuloy siya. Kung hindi naman kasi dahil sa kanya'y hindi malalaman ni Britanni na may itinatago palang sikreto ang katipan mula rito. Ang masaklap pa, sikreto iyong may kinalaman sa sarili nitong kapatid.

Kahit naman siguro siya'y magagalit kung siya ang nasa lagay ni Britanni.

Subalit hindi rin naman niya masisisi si Anthony. Nagiging tapat lamang ang lalaki sa kaibigan. Isa pa, gaya ng sabi nito kanina, that's not his story to tell. May alam man o wala, sa tingin niya'y hindi talaga nila magagawang mapagsalita si Anthony tungkol sa nangyayari kay Helion.

"Matulog ka na muna, Alexa." Dinig niyang wika ni Britanni na pumutol sa makahulugang palitan nila ng tingin ni Anthony. "Alam kong napagod ka. Malalim na rin naman ang gabi. Gamitin mo na lang ang dating kwarto ni Helion. Third room on the left, sa second floor."

Pinilit niyang ngumiti at tumango. "Okay. Goodnight."

Pumanhik siya sa itaas at sinunod ang direksyong sinabi ni Britanni. Humantong siya sa isang simpleng kwarto na may mga samu't-saring posters ang nakadikit sa kisame't dingding. Twin sized bed ang nasa gitna ng silid na iyon at naka-imprinta sa unan at bed dress ang mga mukha ng iba't-ibang anime characters.

The Innocent and The DamnedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon