"Talaga bang hindi ka nagsisinungaling noong sinabi mo kanina na hindi mo kilala ang gwapong binata na iyon?"usisa ni Dolores habang sinusuklayan niya ang mahaba at mangulot-ngulot kong buhok.
Tinitigan ko siya sa harapan ng salamin.
"Hindi ko siya kilala.Ngayon ko lamang siya nakita.Mayroon ka bang nalalaman tungkol sa lalaking iyon?At hindi rin naman siya ganoon kagwapo."
Ngumuso si Dolores upang pigilan ang kaniyang pagngiti.Ano naman kaya ang naiisip niya?
"Wala akong nalalaman tungkol sa kaniya, Senyorita.Pero masasabi kong gwapo siya, baka hindi mo lang natitigan ng maayos."
Umangat ang isa kong kilay at pinahinto siya sa pagsusuklay.Nilingon ko siya.
"Huwag mong sabihing nabighani ka sa walang modong lalaki na iyon, Dolores?"
Sunod-sunod ang kaniyang naging pag-iling.Halos mukhang magkasing edad lamang kami ngunit mas matanda naman siya sa akin ng dalawang taon.Ulila na si Dolores at ang aking Mama ang kumupkop sa kaniya.Natagpuan namin siyang namamalimos sa gilid ng simbahan noon kaya naman naawa sa kaniya ang aking namayapang ina at dinala siya dito.Bilang pagkupkop sa kaniya ay nagpresinta si Dolores na maging personal kong tagapagsilbi.
"W-wala akong gusto sa kaniya.Kalabisan kung sakali mang magkakagusto ako dahil halata rin sa kaniyang pananamit at pagkilos na mayaman ang kaniyang pinagmulang pamilya.Lalo na at ganoon kaganda ang kaniyang postura at panlabas na anyo."
Muli akong humarap sa salamin at pinagmasdan ang aking repleksyon.Halos mamula-mula ang aking magkabilang pisngi dahil sa init noong lumabas kami kanina.Ang labi kong natural na mapula ay napakaganda dahil perpektong hugis pana iyon.
Hindi ba nailang ang lalaking iyon sa hitsura ko?Kadalasan kasi ay tila nahihiya ang kalalakihan sa akin dahil sa sobra ko raw ganda.Hindi ko mapigilang hindi siya isipin.Ngayon pa lamang ako nakatagpo ng ganoon na lalaki.Taga saan kaya siya at ano ang kaniyang ngalan?Ngunit kahit na gaano ako kakuryoso sa kaniyang pagkatao ay hinihiling kong huwag na siyang makita sa Parola dahil gusto kong sa akin lamang ang lugar na iyon.
"Hindi niya pa ata alam ang haka-haka tungkol sa Parola, Senyorita Rosa."wika ni Dolores kaya napangiti ako ng kaunti.
Ang haka-hakang tinutukoy ni Dolores ay ang tungkol sa naninirahang multo sa Parola, ngunit gawa-gawa ko lamang iyon.Gustong-gusto ko kasi ang lugar na iyon kaya naman inutusan ko noon na magdamit ng nakakatakot si Dolores upang nang sa ganoon ay wala ng magpunta pa sa Parola.Nagkataong may isang pamilya ang binalak na mamasyal ngunit umalis rin kaagad dulot ng pagkatakot nang makita nila si Dolores.Epektibo naman ang aming ginawa dahil wala pang isang araw ay kumalat na ang balita sa buong bayan.Naging tampulan ng mga nakakatakot na istorya ang Parola kaya naman wala na akong naging kaagaw doon.
"Marahil ay hindi nakaabot sa kaniya ang kwento tungkol sa babaeng gumagala doon.Ngunit baka naman nasindak na siya sa aking banta kanina.Tiyak na hindi na iyon magtutungo pang muli sa Parola."
"Ayan, Senyorita!Ang ganda n'yo po talaga.Nandyan na ang guro iyong guro para sa iyong klase sa musika."
"Anong instrumento ang aking aaralin para sa araw na ito, Dolores?"tanong ko bago tumayo at pasadahan ng huling tingin ang aking repleksyon.
Nauna siyang maglakad upang pagbuksan ako ng pintuan.Tumango ako bilang pasasalamat.
"Ang instrumentong ituturo po sa inyo ngayon ay Piano."
Naglakad ako pababa sa malaki at malawak na hagdan sa loob ng mansyon.Pagkababa ko ay sumalubong sa akin ang mga nakahilerang utusan.Binati nila ako ng sabay-sabay at tanging tipid na ngiti lamang ang aking iginawad sa kanila.
"Dolores, bilisan mo ang iyong kilos."istriktang utos ko.
"Opo."aniya bago lumapit sa aking muli.
Inabot ng dalawang oras ang naging klase ko para sa pag-aaral ng musika.Ipinasadya ko pa ang musikero na iyon galing ibang bansa upang maturuan lamang ako.Mahilig ang aking Mama sa musika kaya naman sinikap kong matuto rin ng tungkol sa pagtugtog.Sayang nga lamang at hindi ako gaanong natuto sa kaniya dahil pumanaw siya kaagad sa mura kong edad.
"Nagugutom ka na ba, Senyorita Rosalia?"tanong ni Dolores matapos akong lapitan.
Obligado siyang samahan ako sa kahit saang lugar ako magpunta.Sanay na rin naman ako sa kaniyang presensiya dahil halos sabay na kaming lumaki at sa aking kalooban ay itinuturing ko na siyang aking nakatatandang kapatid.
"Hindi pa, nasaan nga pala si Papa?"
"Rosalia Teresita, bakit mo ako hinahanap?"
Napalingon ako sa hagdan at nakitang pababa na si Papa mula sa itaas.Kasunod niya ang kaniyang napakaraming taga bantay.Napakabihis rin siya at mukhang may pupuntahan.Nang makalapit siya ay humalik ako sa kaniyang pisngi.
"Saan kayo magtutungo, Papa?Hindi n'yo ba ako sasaluhan sa hapunan?"
May edad na ang aking ama ngunit kahit na ganoon ay hindi pa rin kumukupas ang kaniyang kagwapuhang taglay.Matikas pa rin ang kaniyang pangangatawan.
"Magtutungo ako sa bahay ni Dulce ngayon, hija.Nais mo bang sumama sa akin?Tiyak na magugustuhan mo ang aking babaeng napupusuan sa sandaling magkakilala na kayo."
Nawala ang ngiti sa aking labi at napalitan ng kaseryosohan.
"Para sa akin ay isang kamalian ang makipagkilala sa babaeng ipinalit n'yo kay Mama."
"Rosalia Teresita!"tawag niya sa aking pangalan.
"Mas pipiliin n'yong makasama ang babaeng iyon at ang anak niya kaysa sa akin, Papa?"tanong kong muli at hindi na inalintana kung magalit pa siya sa akin.
Huminga siya ng malalim bago sinenyasan si Dolores na alalayan na ako paalis.
"Magkita na lamang tayo bukas.Mag-uusap pa tayo, Rosalia Teresita.Hindi ko gusto ang iyong mga naiisip tungkol kay Dulce.Kung kikilalanin mo lamang siya ay tiyak na magugustuhan mo rin siya."
"Kahit hindi ko pa po siya nakikilala ay ayaw ko na sa kaniya kaya papaano kayo nakadisiguro-"
"Senyor!"sigaw ni Dolores matapos akong sampalin ni Papa.
Nangilid ang luha sa aking mga mata at nanginginig na napahawak sa aking pisngi.Nag-angat ako ng tingin at pinakatitigan ang aking ama.Bakas ang galit sa kaniyang mga mata at tila hindi man lang nagsisi sa nagawa.
"N-nagawa mo akong saktan ng dahil lamang sa babaeng iyon?"tila hindi makapaniwalang tanong ko.
"Dolores!Ihatid mo na sa kaniyang silid si Rosalia Teresita!"matigas na utos niya sa aking katabi kaya walang nagawa si Dolores kundi ang sumunod.
Pigil ang paghikbi ay nagpatianod ako sa kaniyang paghila.Nang makapasok kami sa aking kwarto ay doon lamang ako napaluha ng tuluyan.Inalis ko ang pagkakahawak sa akin ni Dolores at nilapitan ang litrato ng aking ina.
"Kay lupit ni Papa, Mama!Kung ganito lang din ang mangyayari sa akin ay sana isinama mo na ako sa iyong p-paglisan."lumuluhang wika ko habang nakatingin sa larawan ng aking yumaong ina.
Naramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Dolores upang patahanin ako.
"Pagpasensyahan mo na ang iyong Papa, Senyorita.Marahil ay uminit ang kaniyang ulo dahil sa mga nasabi mo tungkol sa babaeng kinababaliwan niya ngayon."
"Pero sapat na ba iyon na dahilan upang mapagbuhatan niya ako ng kamay, Dolores?"bakas ang paghihinananakit sa aking boses.
BINABASA MO ANG
Anathema of Rosalia Teresita
Historical FictionAgravante Legacy : Anathema of Rosalia Teresita Sa bayan ng San Agravante ay nakatira ang dalawang pinakamayaman at maimpluwensiyang mga pamilya, ang mga Hermedilla at Agravante. Si Rosalia Teresita Hermedilla ang nag-iisang anak ng Senyor Ernesto n...