Capitulo Cuarenta

34 1 0
                                    

Hindi ko alam ang daan papalabas ng kagubatan at halos kanina pa ako nagpapaikot-ikot sa lugar ngunit natatabunan pa rin ng naglalakihang mga puno ang buong paligid.Bukod pa doon ay malalim na ang gabi kaya napakadilim at halos wala na akong maaninag.Nabalot ng takot ang aking pagkatao sa mga naririnig na kakaibang tunog.Batid kong napakaraming mababangis na hayop ang gumagala ngayon sa paligid ng kakahuyan.

Pinatakbo kong muli ang kabayo ngunit tila nagalit ito nang mapalakas ang pagkakapalo ko sa kaniyang likuran.Napasigaw ako nang bigla nitong itinaas ang kaniyang dalawang paa sa unahan dahilan upang mahulog ako sa lupa.

Napapikit ako ng mariin nang maramdaman kong tumama ang aking ulo sa isang matigas na bagay.Nagtatakbo palayo sa akin ang kabayo at hindi ko na nagawang habulin pa dulot ng panghihina.Kinapa ko ang kumikirot na banda sa aking ulo at naramdamang may kung anong mainit at malapot na likido na nahawakan.Dumidilim ang aking paningin kasabay ng pamamanhid ng aking katawan.Pinilit ko mang bumangon upang umalis ngunit tila pagod na pagod na ako at tuluyan ng nagpadala sa kadiliman.

Nang maimulat kong muli ang aking mga mata ay nasa loob na ako ng aking silid.Masamang panaginip lamang ba iyon?Kinapa ko ang aking ulo at naramdamang may nakabendang tela doon.Doon ko napagtantong hindi panaginip ang nangyari.Kaagad akong bumangon upang lumabas.Sino ang nakakita sa akin sa kagubatan at nagdala pabalik dito sa mansyon?Kahit na nahihilo pa ay minabuti kong bumaba upang hanapin si Papa.

"Papa?Greta?Nasaan kayo?!"sigaw ko habang iginagala ang aking mga mata sa paligid.

"Gising ka na pala."

Nilingon ko ang nagsalita at nakitang si Greta iyon.Namumugto ang kaniyang mga mata habang nakasuot ng kulay puting saya na ginagamit lamang kapag mayroong namatay.Umawang ang aking labi at mabilis na lumapit sa kaniya.

"P-papaano ako nakauwi dito sa hacienda?Greta, dinukot kami ni Dulce!Nakita mo iyon, hindi ba?M-mabuti at nakaligtas ka."

Hindi siya nagsalita ngunit bakas ang labis na kalungkutan sa kaniyang mga mata.

"Nasaan s-si Dulce?"

"Tinatanong mo kung nasaan ang aking ina matapos mo siyang iwanan at pabayaan?Ang kapal ng mukha mo, Rosalia Teresita!"

Tumulo ang masaganang luha sa mga mata ni Greta kasunod non ay ang pagsampal niya sa akin.Gayon pa man ay hindi ako nagpatinag.Kailangan kong ipaliwanag sa kaniya ang buong nangyari.

"Hindi ko siya i-iniwan.Dinakip kami ng mga rebelde at hindi ko ginusto iyon!"

"Alam ko ang tungkol sa bagay na iyan ngunit pinabayaan mo siyang mapagsamantalahan!Ibinuwis niya ang kaniyang buhay para lamang mailigtas ka!At ano ang ginawa mo pagkatapos?Iniwan mo siya doon!Napakamakasarili mo!"

"Hindi totoo 'yan!Umalis ako upang humingi ng tulong!Oo, iniligtas ako ni Dulce at utang na loob ko sa kaniya ang buhay ko pero hindi ko ginustong m-mapagsamantalahan siya!"

Hindi ko ininda ang matinding pagkirot ng aking ulo.Ramdam ko ang pagtulo ng dugo mula sa sugat.Umiling si Greta.Punong-puno ng muhi ang kaniyang mga mata habang nakatitig sa akin.

"Kahit anong sabihin mo ay wala akong tatanggapin.Ano?Nakokonsensya ka na ba ng labis?Hindi mo ba inaasahang sa kabila ng mga masasama mong ipinakita kay Mama ay nagawa niyang magsakripisyo para lamang sa katulad mo?!"

"Makinig ka muna!Sinabi ko na sa'yong hindi ko ginustong iwan doon si Dulce!Nakipagkasundo sa akin si Jacinto, ang pinuno ng mga rebelde.Ang kapalit ng mga kayamanan ng pamilya ko ay ang paglaya ng mga bihag!Inutusan niya akong umalis para kuhanin ang mga dokumento at ilipat sa kaniya ang lahat ng pagmamay-ari ng mga Hermedilla.P-pero bago niya pa naisip iyon ay pinagsamantalahan na nila si Dulce, n-namatay siya dahil sa pagpapahirap nila sa kaniya.Maniwala ka, Greta.H-hindi ko ginusto ang nangyari."lumuluhang paliwanag ko at halos hindi na malaman pa kung papaano siya kukumbinsihin.

"Rosalia!"

Dumako ang tingin ko sa kabilang gawi at nakita doon si Papa.Gumaan ang aking pakiramdam nang makita siyang ligtas.Tumakbo ako papalapit upang yakapin siya ngunit isang sampal ang sumalubong sa akin.

"P-Papa?Bakit?"umiiyak na tanong ko habang nakahawak sa aking pisngi.

"Hindi ko alam kung anong kamalasan ang dala mo!Noong una ay ang iyong ina!Namatay siya sa sobrang pag-aalaga sa'yo na dumating na sa puntong napabayaan niya ang kaniyang kalusugan!Sumunod si Dolores, na namatay naman dahil sa iyong kapabayaan at ngayon naman ay si Dulce?N-ni hindi mo man lang ba alam na nagdadalang tao siya?Namatay ang asawa ko at ang magiging kapatid mo!Ilang tao pa ba ang kailangang mapahamak ng dahil sa'yo?!"

Hindi ako nakakibo at tila napako sa aking kinatatayuan.Kung alam lang nila kung ano ang mga dinanas ko.Pero para sa kanila ay walang-wala iyon.Para bang para sa kanila ay ginusto kong mawala si Dulce.Wala akong kaide-ideya na nagdadalang tao siya.Nanlaki ang aking mga mata nang may mapagtanto.

"P-Papa, baka sumugod na ang mga rebelde dahil hindi ako nakarating!Ang s-sabi nila ay kailangan nating ibigay ang ating mga kayamanan kay Jacinto upang pakawalan nila ang mga bihag!"

"Tama na, Rosalia!Tumigil ka na!Wala ng mga rebelde dahil nakakulong na sila ngayon!Iniwan mo si Dulce na mag-isa!Pinabayaan mo siyang mamatay!"

"Hindi!H-hindi iyan totoo!Namatay na si Dulce bago pa ako umalis.Maniwala kayo sa akin!Umalis ako upang humingi ng tulong!"giit ko at halos lumuhod na sa dalawang tao sa aking harapan ngunit kahit na anong sabihin at gawin ko ay tila sarado na ang kanilang mga isipan.

"Patawad kung iniwan k-ko si Dulce ngunit ginawa ko lamang iyon upang hindi siya mapagsamantalahang muli!"

"Hindi kita mapapatawad!Pakatandaan mong walang katumbas na kahit ano ang kinuha mo sa akin!Halos hindi makilala ang mukha ng aking pinakamamahal na ina.B-bukod pa doon ay napakaraming sugat ang kaniyang natamo.At ang magiging kapatid sana natin ay hindi na naisilang pa at namatay rin kasama niya!P-pinahirapan siya at wala ka man lang ginawa!"

"Greta, hindi!P-parang awa mo na, maniwala ka sa mga sinasabi ko!"

Umiling siya habang patuloy pa rin sa pag-agos ang kaniyang mga luha.

"Papa!M-maniwala ka."tawag ko at humawak sa kamay ng aking ama.

"Mali man ngunit sumasagi sa aking isipan na sana ay ikaw na lamang ang namatay, Rosalia Teresita."

Nabitawan ko ang kaniyang kamay dulot ng panghihina sa kaniyang sinabi.Hindi ko alam na magagawa niyang sabihin ang napakasakit na salitang iyon sa akin.Naiwan ako doong mag-isa habang tinatanaw silang umalis.Ganoon ba ako kawalang halaga?

Tila wala ako sa aking sarili na tinungo ang lugar kung saan nandodoon ang kabaong ni Dulce.Kagaya ng nangyari kay Dolores ay pinagsamantalahan siya bago pinatay.Hindi alam nina Papa na kahit kailan ay hindi ko ginustong mangyari iyon sa dalawang babaeng napahamak ng dahil sa akin.

Patawad, p-patawarin n'yo ako Dolores, Dulce.

Anathema of Rosalia TeresitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon